Ka Bel pinalaya
Batasan 5 inabsuwelto
Noel Sales Barcelona
INUTOS ni Makati Regional Trial Court Judge Elmo Alameda na palayain si Anakpawis Rep. Crispin Beltran.
Ibinilanggo si Beltran sa sakdal na rebelyon noong Pebrero 24, 2006 sa Kampo Crame. At dahil sa altapresyon o pagtaas ng dugo, inilipat si Ka Bel sa isang silid sa Philippine Heart Center.
“Nagagalak ako sa paninindigan ng Korte Suprema na inosente ako sa sakdal na rebelyon. Labing-anim na buwan din ang nakalipas mula nang arestuhin ako at talagang inaasahan ko ang araw ng aking paglaya para makapagtrabahong muli bilang kinatawan ng Anakpawis sa ika-14 na Kongreso. Utang ko ang aking kalayaan sa libu-libong Pilipinong nangampanya para sa kalayaan ko at laban na rin paninikil ng gobyernong Arroyo sa kalayaang sibil. Nagpapasalamat din ako sa aking mga abogado na sina Atty. Romeo T. Capulong, Atty. Rachel Pastores, at Atty. Amyln Sato. Nagpunyagi silang ituwid sa korte na talagang wala akong kasalanan,” madamdaming pahayag ni Beltran.
Nagpasalamat din si Beltran sa kanyang mga kaibigan at kaalyado sa Kamara at Senado na nagbalewala sa pagkapartido at nagbigay ng suportang moral at pinansiyal sa loob ng 16 na buwang napipiit siya. Personal na pinasalamatan ng mambabatas si Sen. Jamby Madrigal na palaging bumibisita sa kanya sa ospital at sumama pa kay Ka Bel sa kanyang re-eleksiyon noong Mayo.
Pinasasalamatan pa ni Ka Bel si dating Kong. Roseller Barinaga sa pagsuporta sa laban ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod.
Sa resolusyon ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema, petsa Hunyo 1, ipinaliwanag na di-kumbinsido ang mga mahistrado na dapat litisin ang sakdal na rebelyon kina Anakpawis Rep. Crispin Beltran at Rafael Mariano, Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Teddy Casiño at Joel Virador, at Gabriela Rep. Liza Maza.
Kaugnay nito, ibinasura rin ng Korte Suprema, dahil walang makatwirang punto ang argumento sa petisyon ng OSG (Offe of the Solicitor-General) para sa rekonsiderasyon, pahayag ni Justice Antonio T. Carpio, puno ng Ikalawang Debisyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Si Carpio rin ang nagsulat ng desisyon na labag sa Konstitusyon ang Proclamation 1017 na naglagay sa bansa sa ‘state of national emergency’ at Executive Order 464 na nagbabawal sa mga miyembro ng gabinete at opisyal ng militar na humarap sa mga imbestigasyon ng Kongreso nang walang pahintulot ng Pangulo.
balik sa itaas | sunod |