|
Santaon mula nang sunugin ang Radyo Cagayano
Sa abò ng lumipas, itatayo ang bukas
Sa gitna ng kabi-kabilang pamamaslang at pagdukot nitong 2006, sinunog pa ng mga pinaghihinalaang militar ang isang community radio station sa Cagayan – na ngayon ay nasa ere na naman.
Raymund B. Villanueva
Unang araw ng Hulyo. Araw ng simba, palibhasa’y Linggo. Katatapos lamang ng misa, at ang mga tao ay humuhugos patungong palengke ng Barangay San Jose, Baggao, Cagayan. Pumarada ang isang sasakyan sa gitna ng mga traysikel at kuliglig ng magsasaka. Agad na bumaba ang mga lulan nito at nag-ayos ng sound system. Ilang sandali pa, muling pumailanlang ang Radyo Cagayano.
Mula sa literal na abo, muling nagbabangon ang community radio station ng mga magsasaka sa bayan ng Baggao.
“Naimbag nga aldaw, gagayem ken kakabsat ditoy Baggao! Muling nagbabalik ang Radyo Cagayano—ang boses ng mahihirap, ang boses ng magsasaka! Isang taon matapos sunugin ang ating istasyon, muling naririto ang Radyo Cagayano upang ipagpatuloy ang paglilingkod! Agbiag ti Radyo Cagayano!” Ang tinig ng babaing anawnser ay inihatid sa malayo ng mga trompang nakakabit sa sasakyan.
Marami ang napatigil sa paglalakad at pamimili. Ang lahat ay nakinig.
Salakay sa madaling araw
Hulyo 2, 2006. Natutulog sa loob ng maliit na istasyon ng Radyo Cagayano ang anim na kagawad nito, bandang alas dos ng madaling araw. Maaga pa silang gigising upang ibrodkas sa unang pagkakataon ang misa sa simbahan ng St. Joseph sa sentro ng bayan. Ang istasyon ay ilang hakbang lamang sa likuran ng simbahan.
Ayon kay Eric Ayudan, disc jockey at technician ng istasyon, tinadyakan ng isang naka-fatigue na lalaki ang pintuan at agad siyang tinutukan ng kalibre .45 sa leeg. Siya kasi ang nakahiga sa may pintuan. Nagpambuno sila hanggang pumasok ang ilan pang lalaki, armado ng M-16, naka-combat shoes at relong pangmilitar. Ang tawag nila sa pinakapuno nila ay “Commander” at “Sir.”
Nagising ang limang kasama ni Eric – ang pinsan niyang si Joy Marcos, station manager na si Susan Mapa at mga kasamang sina Arnold Agraan, Arlyn Arella, at Armalyn Baddua. Ilan pang lalaki ang pumasok. Pinaupo ang lahat ng kagawad ng radyo. Gamit ang kawad ng mikropono at mga headphone ng istasyon, iginapos sila at piniringan.
Nilimas ng mga salarin ang pera at pitong cell phone nila. Tatlong hakbang mula sa pintuan ng istasyon, hilera silang pinaupo ulit. Dahil maluwag ang piring ni Eric, nabilang niyang hindi bababa sa walo ang sumalakay sa istasyon. May paikut-ikot, may nakatayo sa may antena at mga puno. Samantala, ang dalawang naiwan sa loob ay nagbuhos ng gasolina sa mamahaling kagamitan ng istasyon. Pagkatapos ay sinindihan nila ito. Ayon kay Eric, umabot ang apoy sa taas ng matandang punong Narra. Dinilaan ng apoy – at sumabog – ang bagong-biling mga galon ng pintura at thinner na gagamitin nila sa pagpapaganda ng istasyon. Sa lakas, tumilapon ang apoy sa mga nakagapos. Nasunog ang kaliwang pisngi ni Joy. Sugatan ang binti at paa nina Armalyn at Arlene.
Matapos ang pagsabog, tumakas ang mga salarin. Nakalagan ng mga biktima ang kanilang sarili. Tumakbo si Susan sa kumbento para humingi ng tulong sa pari.
Alas nuwebe na ng umaga nang aktuwal na bisitahin ng mga pulis, sa pangunguna ng isang SPO3 Jose Durwin, ang lugar ng krimen. Kandamayaw na ang mga tao. Ang hindi mawari ng mga biktima ay kung bakit iniwan lamang ng mga pulis ang mga basyo ng bala at magasin sa loob ng istasyon. “Gusto pa yata nilang palabasing amin ang mga iyon, na armado kaming mga biktima,” hinagpis ni Joy.
Pandaigidigang kondemnasyon
Kagyat ang kondemnasyon ng mga samahan ng mamamahayag sa pinakamatinding atake sa isang organisasyon ng midya. Kinaumagahan, nag-press conference sa Maynila sina Susan, Jose Torres Jr ng National Union of Journalists of the Philippines, Bianca Miglioretto ng World Association of Community Radio Broadcasters (Amarc), at Isabelo Adviento, pangkalahatang kalihim ng Alyansa iti Mannalon iti Cagayan (Alyansa ng Magbubukid ng Cagayan) o Kaguimungan, ang organisasyong nagtayo ng Radyo Cagayano.
Ayon kay Miglioretto, ang community radio ay nagbibigay ng boses sa mga walang boses sa lipunan – at ang pagpigil sa kanila para makapagpahayag sa pamamagitan ng kanilang istasyon ng radyo ay matinding paglabag sa Universal Declaration of Human Rights.
Sinabi naman ni Torres na ang atake sa istasyon ay saksak sa puso ng mga mamamahayag sa buong mundo. Hinamon niya ang gobyernong Arroyo na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga maysala.
Limang taong pinaghirapan ng mga kagawad ng community radio station ang pangangalap ng pondo upang makabili ng mga gamit at makapagtayo ng hamak na bahay para sa istasyon. Isang buwan pa lang nagagamit ang mga iyon, sinunog na agad.
Sa pamamagitan ng Amarc, na may 3,000 kasaping organisasyon sa iba’t ibang bansa, umabot sa buong mundo ang pagsunog ng community radio station sa Pilipinas. Sunud-sunod ang balitang inilabas ng mga news organization sa loob at labas ng bansa. At bakit hindi? Kahit noong panahon ni Marcos, isinasara lamang ang mga istasyon, hindi sinusunog.
Kumbinsido ang marami na ang salarin ay ang AFP (Armed Forces of the Philippines). Mabilis itong itinanggi ni Brig. Gen. Jaime Buencaflor, hepe ng civil relations ng militar.
Bakit AFP ang pinaghihinalaan?
Ang mga magsasaka ng Baggao ay matagal nang inuupat ng Philippine Army. Noong huling bahagi ng dekada ‘70, limang magsasaka ang diumano’y pinugutan ng ulo ng mga elemento ng 21st Infantry Battalion. Nag-aklas ang mga magsasaka at nagtagumpay silang mapalayas ang yunit. Nalipat ang 21st IB sa Mindanaw kung saan sila muntik nang ubusin ng mga mandirigmang Moro. Kakatwang “Invincible” o “Walang Talo” ang tawag sa yunit na ito.
Sa kasalukuyan, ang 17th IB naman ang nasa Baggao. Tulad ng 21st IB, bahagi rin ito ng notoryus na 5th Infantry Division ng Army.
Noong itinatayo pa lamang ang Radyo Cagayano, walang puknat na panggigipit at karahasan na ang dinanas ng mga kasapi ng Kaguimungan. Katunayan, isang araw ng Mayo 2003, tinaga ng mga sundalo ng 17th IB si Joey Javier sa kaliwang braso. Galing siya sa maghapong pagtatrabaho upang maitayo ang istasyon.
Pinatay si Joey noong Nobyembre 11, 2006. Ang mga salarin, ayon sa asawang si Dominga at anak na si Helen Joy, ay ang 17th IB din. Si Joey ang tagapangulo ng Kaguimungan. Hindi naglipat-buwan, si Anthony Licyayo na humalili sa kanya bilang tagapangulo ay pinatay din, Nobyembre 27, 2006.
“Sila lang ang may galit sa asawa ko. Ang mga bumaril sa asawa ko ay tumakbo sa kanilang kampo. Imposibleng hindi nila nakita ang mga ito. Sila rin ang pumatay kay Anthony. Sila rin ang sumunog sa aming istasyon!” diin ni Dominga.
“Noong araw na patayin nila ang tatay ko, tinapos nila ang aking kinabukasan,” hinagpis ni Helen Joy, 15 anyos.
Isang taon matapos ang panununog
Mula nang sunugin ang istasyon, hindi na nagpunta doon ang magpinsang Eric at Joy. Takot sila. Baka tuluyan na silang magbuwis ng buhay kung babalik silang brodkaster.
Pinuntahan namin sila sa kanilang bukid upang kumbinsihing dalawin ang istasyon. Pagdating sa istasyon, agad na tinungo ni Joy ang sulok na pinag-iwanan niya ng kaisa-isang balat na sapatos. Naroon pa ang labi nito, matigas na’t nakadikit sa semento.
“Mga simpleng magsasaka lang kami. Hindi nga kami nakatapos ng pag-aaral. Ang gusto lang namin ay magkaroon kaming magsasaka ng sariling istasyon ng radyo,” sabi ni Eric. “Ano ang masama doon?”
Ano nga naman ang masama sa mga programang nag-iimbita sa talakayang magsasaka, kababaihan, kabataan? Marahil, agad pinaghinalaan ang istasyon dahil iyo’y inisyatiba ng taumbayan, na ang pagpupundar ay hindi alam ng mga awtoridad, at pagkatapos ay magbobrodkas ng mga isyung pambayan.
“Ang daming dumadalaw noong nakatayo pa ang istasyong ito. Bumabati sa mga kaibigan at mahal sa buhay. Napakasigla ng Baggao dahil sa istasyong ito. Radyo talaga ito ng mga taga-Baggao,” maluha-luhang alaala ni Joy.
Ngayon, balot na ng kalawang ang nakausling mga bakal na bahagi ng dati’y masiglang istasyon.
Ang muling pagsasahimpapawid
Sa kabila ng pagsunog sa istasyon at sunud-sunod na pagpatay sa kanilang mga lider, hindi sumuko ang Kaguimungan. Ang aktibo nilang kampanya ay nagbunga ng suporta ng mga brodkaster sa Alemanya, na nagbigay ng pondo upang muli silang makabili ng panimulang kagamitan. Ang mga ito na nga ang ginamit nila nitong Hulyo 1 sa pag-aanunsiyo ng muling pagsasahimpapawid ng Radyo Cagayano.
Si Lina Dagohoy ang may hawak ng mikropono. Ang asawa niyang si Ronald Reyes ay isa sa mga natitirang lider ng Kaguimungan na hindi na makauwi dahil sa panggigipit ng militar. Si Lina ang pumalit kay Ronald bilang tagapagsalita – walang iniwan kay Gabriela Silang, sa rebolusyon sa Ilokos, matapos paslangin ang asawang si Diego.
“Ganito rin nagsimula ang Radyo Cagayano noon. Nagbrodkas muna kami sa palengke, sa kiskisan, sa umpukan ng mga tao, bago naitayo ang talagang istasyon,” sabi ni Lina.
Ilang beses na umikot sa palengke at sa San Jose, pinakamalaking barangay ng Baggao, ang sasakyan ng Radyo Cagayano. Tuwang-tuwa ang mga manininda dahil maririnig na naman nila ang kanilang istasyon. Hindi iilan ang nagtanong, kailan ang muling pagsasahimpapawid ng araw-araw na programa?
Walang pagod si Lina sa pagsasalita. “Kamannalon ken kamarigrigat..! Nariritong muli ang Radyo Cagayano upang maglingkod sa inyo! Nagbabalik ang boses ng magsasaka, ng mahihirap, ng mamamayan ng Baggao. Mabuhay ang Radyo Cagayano!”
Mabuhay ang tinig ng sambayanan.
Si Raymund B. Villanueva ang pinuno ng Radio Cluster ng Kodao Productions. Ang Kodao ang nagsanay sa mga kagawad ng Radyo Cagayano.
balik sa itaas |