Taon 6 • Blg 26 • Hulyo 10, 2007

SAMU'T SARI , Hulyo 6, 2007
Maglakad para sa magandang kalusugan | Angel Tesorero
Coffee Table Talks | Darius Galang
Gong at Kol | Noel Sales Barcelona
Ang Linggong ito sa Kasysayan


home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SAMU'T SARI
Magpa-vasectomy o hindi 

Araw-araw, 10 babae ang namamatay dahil sa panganganak at kumplikasyong kaakibat ng pagbubuntis. Nailalagay sa panganib ang kanilang sanggol dahil walang inang mag-aalaga at magpapasuso sa mga ito, ayon sa UNFPA (United Nations Population Fund). Bilang tugon sa problemang ito, binigyang-pansin ng mga eksperto ang “vasectomy” bilang pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya.

Sa ika-apat na Usapang PopDev (Population and Development) sa Annabel’s Restaurant kamakailan, hinikayat ng Forum for Family Planning and Development, Inc. ang kalalakihan na makisangkot sa pagpaplano ng pamilya sa pamamagitan ng pagsubok sa vasectomy.

Isang uri ng operasyon ang vasectomy na tinatalian ang vas deferens (daanan ng semilya o tamod palabas ng ari ng lalaki) para hindi mabuntis ang babae. Kaiba sa castration o pagkapon, maaaring muling tanggalin ang tali sa vas deferens para muling malayang makadaloy ang semilya at magbuntis si misis.

Isinusulong ni Dr. Jonathan “Jondie” Flavier, anak ni Sen. Juan M. Flavier, ang NSV o no-scalpel vasectomy na hindi tuluyang pinuputol ang vas deferens para maaari pa itong maibalik sakaling magbago ang isip ng mag-asawa at gusto na muling magkaanak. Vasectomized mismo si Dr. Flavier at isa sa masasabing “magigiting na lalaki” na tumutulong sa asawa sa pagpaplano ng pamilya.

“Mismong asawa ko biktima ng mahirap na pagbubuntis. Ilang ulit siyang sumailalim sa caeasarian operation para lamang mailabas ang anak namin. Kaya nagpasya akong magpa-vasectomy,” ani Dr. Flavier.

Nasa 0.2% pa lamang ng kalalakihan sa Pilipinas ang nagpa-vasectomy. Marami kasing maling akala hinggil sa vasectomy, kasabay pa ng suliranin hinggil sa feminization o pagbibigay ng babaing katangian sa family planning dito sa Pilipinas, ayon kay Dr. Flavier.

“Sa usapin kasi ng family planning, laging ang babae na lamang ang tila may kargo: siya ang umiinom ng pills, nagpapalagay ng intrauterine device (IUD), nagpapaineksiyon, at nagpapayo sa asawa na gumamit ng condom o mag-withdrawal method,” aniya.

Kailangan umanong basagin ang kulturang macho sa lipunang Pilipino na dapat ang lalaki ay magkalat ng kanyang lahi kaya’t hindi dapat magpa-vasectomy. Bigay-diin ni Dr. Flavier, dapat isaisip ng mga lalaki ang kalusugan at kapakanan ng kanilang asawa at ang maaaring bunga ng hindi pag-intindi sa pagpaplano ng pamilya.

Batay sa sarbey ng pamahalaan, 90% ng mga respondent ng 2003 National Demographic and Health Survey, ang nagsasabing kargo lamang ng kababaihan ang pagpaplano ng pamilya at 10% lamang ang nagsabing dapat ding sangkot ang kalalakihan, gamit ang withdrawal method na hindi naman maaasahan.

Sa kabilang banda, tumataas naman ang popularidad ng NSV sa Pilipinas. Noong 2000, aabot sa 20 operasyon ng vasectomy lamang ang naisagawa subalit noong 2002, umabot na sa 200 ang sumailalim sa NSV. Sa ngayon, umaabot na sa kabuuang 2,000 kalalakihan ang nagpapa-NSV taun-taon, batay sa Cooperative Movement for Encouraging No-Scalpel Vasectomy na pinangunguluhan ni Dr. Flavier.

“Dahil na rin sa pakikipagtulungan ng ilang manggagawang pangkalusugan sa bansa sa pamamagitan ng makabuluhang mga seminar, unti-unti na ring nabubuksan ang isip ng ating mga kalalakihan na sumailalim sa vasectomy,” ani Dr. Flavier.

Magpapatali o hindi magpapatali, yan ang tanong. Para sa mga kalalakihan hindi madaling tanggapin ang “male vasectomy” dahil sa pag-iisip nila na ito’y nakakabawas sa kanilang pagkalalaki at sa sinasabing “side effect” gaya ng pagkakaroon ng nana na nagtatagal ng tatlong linggo at ang hindi maiiwasang pagsama ng semilya sa tamod. Pero hindi masama ito sapagkat ang katawan naman ay lumilikha ng “antibodies” na siyang pumapatay sa semilya.

balik sa itaas

Ang Linggong ito sa Kasaysayan

11 Hulyo
1869 Ipinanganak si Dr. Pio Valenzuela, isa sa mga orihinal na lider ng Katipunan. Kontrobersyal siya, dahil matapos hayagang ideklara ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Andres Bonifacio, ang rebolusyon laban sa kolonyalismong Kastila, sinasabing siya ay sumuko sa mga kaaway at nagbigay ng mga impormasyong ikinapahamak ng marami. (Siya ay namatay noong Abril 6, 1956.)
1991 Si Honorata “Ka Atang” de la Rama, reyna ng sarsuwela at kabiyak ni Ka Amado Hernandez, ay namatay. (Siya ay isinilang noong Enero 11, 1902.)

15 Hulyo
1945 Ang maka-Kaliwang Democratic Alliance ay itinatag. Koalisyon ito ng mga manggagawa, magsasaka, propesyonal at iba pang progresibong Pilipino na naglayong sumangkot sa pulitikang elektoral. Noong 1946, naipanalo nito ang anim na kandidato sa Kongreso. Sa udyok ng US, sila ay pinigil ng gobyerno na makaupo. Kinasuhan sila ng pandaraya at terorismo. At dahil sa pagdiskuwalipika sa kanila, ang Parity Rights ay madaling naisingit sa Konstitusyon ng Pilipinas.

16 Hulyo
1807 Ang Pag-aalsang Basi ay pumutok sa Piddig, Ilocos Norte. Sinugod ng mga galit na galit na Ilokano ang himpilan ng mga Kastila bilang paglaban sa monopolyo ng basi. Tumagal nang dalawang linggo ang pag-aalsa.

17 Hulyo
1923 Naganap ang tinatawag na Cabinet Crisis nang magbitiw ang lahat ng Pilipino sa gabinete ng administrasyon ni Gob.-Hen. Leonard Wood. Ang protesta, na pinangunahan ni Manuel Quezon, ay bilang pagtutol sa mala-diktador at rasistang pamamalakad ni Wood.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006