Ang usaping pampamilya ay usapin ng komunidad at lipunan
Mga mare, isang kabaro na naman natin ang namatay dahil sa pambubugbog at pananakal ng kanyang asawa. Isang patunay na nagaganap ang karahasan maging sa loob ng tahanan.
Si Nida Samudio-Monteza ay 31 taong gulang, may dalawang anak at nagtatrabaho bilang sekretarya sa tanggapan ni Rep. Bingbong Crisologo. Noong ika-18 ng Hunyo, pinasok siya ng nagseselos na si Michael Cotelo, kanyang pangalawang asawa habang siya ay naliligo. Sa loob pa lang ng banyo, siya ay minura’t sinaktan na nito. Paglabas, si Nida ay sinakal ni Michael ng alambre hanggang mawalan ng malay.
Ang masaklap na pangyayari ay nasaksihan ng kanyang panganay na anak, siyam na taong gulang, na tumakbo agad sa bahay ng kanyang Lola Linda upang humingi ng saklolo. Sa kanilang bahay, natagpuan na nilang umiiyak si Michael habang sumisigaw na si Nida ay nagpatiwakal.
Comatose na si Nida nang isugod sa ospital ng UST. Sa laki ng gastusin, nagpasya si Lola Linda na ilipat ang anak sa East Avenue Medical Center kung saan binawian ng buhay si Nida. Si Michael na nakasama pa sa ospital ay biglang naglaho. Hindi na napansin ni Lola Linda kung kailan ito umalis.
Hinihintay pa ang resulta ng autopsy pero ngayon pa lang, mga mare, humihingi na si Lola Linda ng katarungan sa pagkamatay ng kanyang anak.
Ang sinapit ni Nida ay isa lamang sa maraming kaso ng karahasang nangyayari sa loob ng tahanan. Ayon sa datos ng PNP, sa bawat tatlong (3) oras may isang babaeng binubugbog ng asawa at sa bawat anim (6) na oras ay may isang batang nabubugbog. Pambubugbog sa ka-partner o asawa ang pangunahing kaso ng karahasan sa kababaihang naiulat sa unang kuwarto ng 2006. Ito ay 67% ng kabuuang bilang ng VAW (Violence Against Women) na umabot na ng 1,017. Pitumpu’t tatlong (73) porsiyento rin ng inilapit na mga kaso sa Gabriela Health and Services Department ay pambubugbog ng asawa o ka-relasyon.
Bagama’t masaklap ang sinapit ni Nida, may kabutihan namang idinulot sa komunidad ang kanyang kamatayan. Dahil sa nangyari, marami ang nagtanong, nagising, at ang mas mahalaga’y kumilos, para humingi ng katarungan para kay Nida. Noon ngang ika-26 ng Hunyo, huling gabi ng burol ni Nida, nagkaroon ng lokal na pagkilos sa lugar. Higit isandaang (100) kababaihan, kapitbahay at mga kaibigan ng pamilya ni Nida ang nagmartsa at nagtirik ng kandila sa komunidad ng Manresa upang hingan ng katarungan ang pagkamatay ni Nida at ipaunawa sa taumbayan na hindi dapat manahimik, mahiya o ilihim ang ganitong uri ng suliranin sa komunidad.
Tandaan natin, mga mare, responsibilidad ng buong lipunan ang kaligtasan ng kababaihan at mga bata mula sa isang mapang-api’t di malusog na samahan sa loob ng pamilya. Sabayang dapat harapin ang pag-aayos sa loob ng pamilya at ang pagkilos ng komunidad upang mabigyan suporta at proteksiyon ang bawat pamilyang nasa komunidad.
Sa mga darating na linggo, ang Gabriela Manresa Chapter ay tuluy-tuloy na magdadaos ng talakayang bayan na magpapatampok sa usapin ng Karahasan sa Kababaihan at mga Bata. At nasa unahan ng mga pagkilos na ito si Aling Linda, ina ni Nida, at miyembro ng Gabriela.
nauna
| balik sa itaas |