Taon 6 • Blg 25 • Hulyo 6, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 29, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Sapot ng kasinungalingan

Ang pagtanggi ni de facto Presidente Arroyo na kilalanin ang extrajudicial na pamamaslang at puwersahang mga pagkawala bilang mga seryosong problema, at ang patuloy na kawalang-aksiyon ng kanyang administrasyon – sa kabila ng dumaraming pagsisiwalat at ebidensiyang matibay na nagsasabing mga militar at pulis ang maysala – ay nagpapakita na kinukunsinti niya, kundi man inaaprubahan, ang pamamaslang, kahit na nagpapahabol siya ng pagkondena.

Ang totoo, wala pang makabuluhang tugon sa mga panukala ng Amnesty International, UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings at maging ng Komisyong Melo – na pawang nagsasabing mga ahente ng estado ang maysala.

Wika ng ulat ng Human Rights Watch noong 28 Hunyo 2007 hinggil sa Pilipinas: “Inianunsiyo ni Pangulong Arroyo ang napakaraming bagong hakbangin pagkalabas ng mga kongklusyon at panukala ng Komisyong Melo, ngunit ang nauna niyang pagsisikap na ilihim ang ulat ng Komisyon ay nagbibigay ng seryosong duda sa political will na maipatupad ang mga iyon. Sa katapusan, mangungusap ang mga aksiyon nang mas malakas sa mga salita, at ang tanging makabuluhang patunay ng paninindigan ng gobyerno na wakasan ang pamamaslang ay kapag pinanagot na, sa wakas, ang mga maysala sa isang korte ng batas.”

Nitong huli, nagbabala sina Chief Justice Reynato Puno at Francis Pangilinan, lider ng mayorya sa Senado, ng pinakamalulubhang epekto kung hindi mapapatigil ang extrajudicial na pamamaslang at mga pagdukot. Kinondena nila ang mga ito bilang kasuka-suka at patunay ng lubusang pagguho ng pamamayani ng batas (rule of law).

Ayon kay Chief Justice Puno, “Sukdulang paglabag sa mga karapatang pantao ang extrajudicial na pagpugto sa buhay. Hindi iyon dapat payagan, at kailangang labanan saanman.” Aniya, ang di-resolbadong mga pagpatay ay nagdudulot ng “black eye sa bansa – at ang buwelta ay nakatuon sa sangay-ehekutiba.”

Nanawagan naman si G. Pangilinan kay Gng. Arroyo, bilang pinuno ng mga puwersang panseguridad, na tuntunin ang pinakaugat ng mga pagpatay sa mga aktibista at sa kanilang mga tagasuporta at kung hindi ay managot siya tulad ni dating Pangulong Isabelita Peron ng Argentina, na naka-house arrest ngayon sa Espanya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagbubuo ng mga death squad noong pangulo pa siya, simula 1976. 

Pagtanggi na naman ang walang-kurap na tugon ng Malakanyang sa mga balitang tatlong heneral ang nagdadawit sa gobyerno sa mga summary execution. Nagpipilit umiwas sa isyu si AFP Chief Hermogenes Esperon sa pamamagitan ng pagkukubli sa legal na teknikalidad na diumano’y hindi masasagot ng gobyerno ang akusasyong walang walang ebidensiya at di-alam kung saan nagmula.

Ang pakahulugan nina Executive Secretary Eduardo Ermita at G. Esperon sa command responsibility bilang “sumasaklaw lamang sa mga opisyal-militar na mas mataas nang dalawang ranggo sa sinumang pinapamunuang nakagawa ng krimen” ay isa pang mahinang pagtatangkang pawalang-sala ang Punong Komander at mataas na pamunuan ng AFP.

Sinasabi ba ng gobyernong Arroyo na walang paraan ang Punong Komander na alamin kung sino ang tatlong heneral o kung sino pa ang mga dumalo sa diumano’y command conference na opisyal na nag-apruba diumano sa extrajudicial na pamamaslang? Gusto ba tayong papaniwalain ng mga birador ni Gng. Arroyo na wala siyang magagawa para magsiyasat nang mas malalim kaugnay ng matitinding paratang?

Tila lalong kandasabit si Gng. Arroyo sa kanyang opisyal na sapot ng kasinungalingan. Bagkus niyang sinasabing wala siyang alam sa kahayupan ng militar at pulisya, lalo lamang siyang napupuwersang umamin na hindi siya nakakapamuno. Kung totoo ang inilantad ng tatlong heneral at hindi alam ni Gng. Arroyo ang mga iyon, lalabas na hindi makapagkomand ang Punong Komander. Kung totoo iyon at lubos ang pagkakaalam niya, direkta ang pananagutan niya sa pamamaslang at iba pang grabeng paglabag sa mga karapatang pantao.

Dahil sa pamamaslang na hindi napigilan ng pandaigdigang pagkondena at sinserong mga panawagan, tiyak na sasambulat ang pagngangalit – na matagal nang kinikimkim at patuloy na lumalakas.

Sa kagyat, makikita ito sa suporta ng publiko sa bagong mga hakbangin ng Korte Suprema ni Puno na gamitin ang “pinalawak na mga kapangyarihan” ng hudikatura sa ilalim ng Konstitusyong 1987 bilang tagapagtanggol ng mga kalayaang sibil at karapatang pantao. Kabilang dito ang “bagong mga panuntunan” para tumugon sa halos di-malampasang mga hadlang sa pag-iimbestiga o pag-uusig sa mga krimeng gawa ng estado at tinupad sa ngalan ng paglaban sa insurhensiya at “terorismo.”

Maaari ring magbunsod ang gayong pagngangalit ng malawak na kapasyahan at lakas na makapagpapatalsik sa pasistang mga kriminal at makapagpapatigil sa extrajudicial na pamamaslang at sapilitang pagkawala.

Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nailathala sa Business World, 29-30 Hunyo 2007

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006