Taon 6 • Blg 24 • Hunyo 29, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 20, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Matematika para sa manggagawa

Hindi na kailangang maging eksperto sa matematika para malamang hindi sapat ang sahod ng mga manggagawa sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Kung susuriin ang estadistika ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), lumalabas na ang huling pagtataas ng minimum na sahod sa 17 rehiyon ng Pilipinas ay noon pang Hulyo at Agosto 2006.

Para sa mga lugar na hindi agrikultural, ang ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) at NCR (National Capital Region) ay may pinakababa (P200) at pinakamataas (P350) na minimum na sahod bawat araw. Kung sa tingin mo ay napakaliit ng sahod ng mga manggagawang hindi agrikultural sa ARMM, kailangan mong malamang sa mga lugar na agrikultural (non-plantation), ang minimum na sahod bawat araw ay pinakamababa sa Mimaropa (P163 hanggang P172), Ilocos at Zamboanga Peninsula (parehong P170).

Mismong datos ng pamahalaan ay nagpapatunay na hindi sapat ang minimum na sahod para mabuhay ang isang pamilya. Noong Mayo 2007, ang family living wage – sahod na kailangan ng isang pamilyang may anim na miyembro – ay mula P494 (Eastern Visayas) hanggang P1,061 (ARMM) bawat araw, ayon sa NWPC. Sa kaso ng NCR, ito ay nagkakahalaga ng P786 bawat araw.

Mapapansing kahit sa NCR na may pinakamataas na minimum na sahod (hindi agrikultural), hindi pa rin kayang maabot ang napakataas na family living wage kahit na dalawang miyembro ng pamilya (kadalasa’y nanay at tatay) ang kumikita ng minimum. Ito ang dahilan kung bakit kailangang magtrabaho ang isa o higit pang anak para tumaas kahit paano ang kita ng pamilya. O kung hindi man anak, ang nanay o tatay ay napipilitang kumuha ng pangalawang trabaho.

Pero mapapansing pinakamalala ang sitwasyon sa ARMM na may pinakababang minimum na sahod (hindi agrikultural) at pinakamataas na family living wage. Lumalabas kasing kailangang magtrabaho at kumita ng minimum na sahod ang anim na katao bawat araw. Ang minimum na sahod kasi sa ARMM ay umaabot lang sa halos 19 na porsiyento ng family living wage.

Paano kaya napagkakasya ng isang manggagawa ang kanyang maliit na kita? Ano kaya ang pakiramdam ng isang magulang na napipilitang pagtrabahuhin ang kanilang anak kahit sa murang edad? At dahil malinaw na ang mga datos na nabanggit ay mula mismo sa pamahalaan, bakit hinahayaan nitong magpatuloy ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa?

Hindi man eksperto sa matematika, alam ng mga manggagawang hindi sila dapat umasa sa kanilang minimum na sahod. Para sa iba, nagiging praktikal na desisyon ang mangibang-bansa na lang para makipagsapalaran. Ano nga ba naman ang maaasahan sa administrasyong Macapagal-Arroyo na humarang sa pagpasa sa kongreso ng P125 pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor?

Para sa nakararami, ang nabanggit na mga estadistika ay batayan para makibaka. Sa kabila ng opisyal na retorika ng diumanong pag-unlad sa ekonomiya at pagbuti sa kalagayan ng lakas-paggawa, alam ng mga manggagawang hindi kayang tanggalin ng ilusyong ipinapalaganap ang kalam ng sikmura.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006