Mapaninindigan kaya ni Pacman ang pang-iinsulto kay Soto?
Priscilla Pamintuan
MAGHIHINTAY pa tayo nang mas
matagal pa bago masilayan ang
inaabangang labanang Marquez-Pacquiao o Barrera-Pacquiao.
Dahil sa panggagalaiti ni Manny Pacquiao na gantihan ang boksingerong nagpahalik sa kapatid niyang si Bobby sa kanbas, inuna na ng mga promoter ni Pacman si Humberto Soto. Ayon sa kampo ni Bob Arum ng Top Rank Promotions, halos sigurado na ang labang Manny Pacquiao-Soto na nakatakdang gawin sa Vancouver, Canada sa Oktubre 6.
Target ng laban ang malaking komunidad ng Pinoy na naninirahan sa Vancouver at iba pang lugar sa Canada. Inaasahan ding dadagsa ang laksa-laksang tagahanga ni Pacman, Pinoy man o hindi, mula sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos.
Kasabay nito, nababalitang madali nang magkasundo ang nagbabangayang kampo ng Top Rank at Golden Boy Promotions. Pinag-aawayan ng dalawang panig ang karapatan para i-promote ang mga laban ni Pacquiao. Salamat sa kapalpakan ng mga handler ni Pacquiao, parehong may habol sa karapatang ito ang dalawa dahil parehong may hawak ng kontratang pinirmahan ni Pacman para i-promote ang mga laban niya.
Pero mukhang magkakasundo na. Nag-usap na ang dalawang panig at ayon sa bali-balita’y malapit nang magkasundo. Salitan umano ang Top Rank at Golden Boy sa pag-promote kay Pacquiao. Kung magkasundo nga ang dalawa, maaaring mapadali ang pag-areglo ng rematch ni Pacman kay Juan Manuel Marquez at Marco Antonio Barrera, boksingerong kapwa hawak ng Golden Boy.
Tumabla ang labang Pacquiao at Marquez noong 2004, kahit dalawang beses na napabagsak ni Pacman ang Mehikano. Bugbog-sarado naman si Barrera kay Pacman noong 2005 din.
Pero mukhang matatagalan pa ang nasabing mga rematch. Inaasahang sa susunod na taon pa ito maiiskedyul, gayong halos nakakomit na ang Top Rank sa labanang Pacquiao at Soto.
Noong nakaraang linggo, matatandaang grabe ang himutok ni Pacman matapos walang-awang pinatumba ni Soto ang kapatid niyang si Bobby. Matapos lait-laitin ni Manny, walang kahirap-hirap ang tagumpay niya sa kapatid. Ipinakita ni Pacquiao ang pagiging “macho” nang bansagan niyang “bakla” si Soto, pero di naapektuhan si Soto at ipinakitang siya ang superyor na boksingero sa pagitan niya at ni Bobby.
Hinihikayat ngayon ng nanay ng magkapatid si Bobby na magretiro na lamang sa boksing. Hayaan na lang umano ang paglalaro nito sa mas mahusay at mas matagumpay na kapatid na si Manny.
balik
sa itaas | sunod |