Taon 6 • Blg 23 • Hunyo 20, 2007

Pinoybiz, Hunyo 12, 2007
Bugbugan nina Yilmas at Ruffa | Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SHOWBIZ
PinoyBiz

Ano sa tingin n’yo?…
May malisya ba ang halikan nina John at Gretchen?

GALIT na galit si Claudine Barretto kay John Estrada nang wala sa panahong lumalabas ang litrato na naghahalikan sina Gretchen Barretto at John sa party ng isang kaibigan—na ipinapalagay na piging ni Rufa Mae Quinto.

Kalalaking tao ani Claudine ni John pero nagawa nitong ipagkalat ang larawan ng maselang tagpo ng kanyang ate sa aktor. Ayon kay Claudine, hindi sa ipinagtatanggol niya ang kanyang kapatid kundi ang implikasyon nito ang kanyang inaalala.

Na kababaing tao ni Gretchen, may “kinakasama” o “inaasawa” na tulad ni Tony Boy Cojuangco pero nagagawa nitong “makipaglandian” sa ibang lalaki.

Isinasaalang-alang niya lang ani Claudine ang tradisyon ng mga Pilipino na dapat ay matapat ang isang babae sa kanyang karelasyon sa anumang oras at huwag magpapadarang sa apoy ng tukso.

Dehado nga naman si Greta dahil sa lipunang Pilipino, walang mawawala sa lalaki kung siya man ay nakita o nabisto o nahuli na may “kalandian” subalit nakatutok ang atensiyon ng balana kung ang babaing may asawa ang siyang kumakalantari sa lalaki.

***

Itinanggi naman ni John na siya ang nagkalat ng litrato bagamat inamin niya sa unang mga araw ng kontrobersya na mula sa kanyang cellphone na may camera ang litrato ng kanilang paghahalikan ni Gretchen.

May isang naki-alam ani John ng kanyang cellphone at naipakalat na agad ang maalingasngas na “kissing scene” ng dalawang kontro-bersiyal na bituin.

Samantala, mara-ming beses nang nawawalan ng malay si Greta dahil sa pagkalat ng eksenang halikan nila ni John hindi sa harap ng movie camera kundi sa cellphone camera na maaaring kahit sino ay makapik-ap at paglaruan ang maselang tagpo.

Gayunman, sanay na umano si Tony Boy sa ganitong mga usapin kaya balewala na sa kanya ang “aktong” ’yon ng kanyang “mahal sa buhay.”

Nauunawaan umano ni Cojuangco ang inasal na ’yon ng kanyang live-in partner at mananatiling minamahal ng heredero ang heredera.

***

Kung halik lang ’yon ng isang kaibigan sa kapwa-kaibigan—kapwa-babae man o kapwa lalaki o isang babae at isang lalaki, walang malisya sa panig na ito ng mundo.

Malamang na nakatikim ng alak si Gretchen sa party na ’yon kaya hindi sa tiyan niya nailagay kundi sa kanyang utak kaya nagkandariwriw ang kanyang mga desisyon.

Sino naman sa atin ang makapagpapatunay na may malisya sa kanilang mga katawan mismong sina John at Gretchen noong mga sandaling naglapat ang kanilang mga labi ng gabing ‘yon?

Dahil kahit na sino naman ay puwedeng mag-smooch kahit kanino halimbawa’y puwedeng makipag-kissing si Piolo Pascual sa lips kay Rica Peralejo kung sakali at magpaalaman na sila sa isang pagtitipon o pagkikita man lang.

Gaano na ba kabigat ang “smooching”?

Baka wala pang isang segundo ang itagal nito sa harap ng kamera ng cellphone pero pag nakunan na—lalo na at i-fi-freeze o mabilis na matutunghayan sa screen ng cellphone—parang ang tagal-tagal ng nakakakiliting shot.

Masama bang maglapat ang mga labi kahit sandali nina Judy Ann Santos at Dennis Trillo kung magkaibigan naman ang dalawa sa isang sosyalan at makunan ng cellphone na may kamera?
Hindi, di ba?

Kahit na ito ay makita ni Ryan Agoncillo na kasintahan ni Juday ay wala pa ring epek dahil nagtitiwala si Ryan sa kanyang girlfriend.

Ganoon din ang nangyayari kina Gretchen at Tony Boy nang dahil sa sansaglit na paglalapat ng mga labi nina Greta at John.

Depende talaga.

Nasa loob ba tayo ng lugar na pinangyarihan ng halikan? Nakausap na ba natin nang personal o “nakipamuhay” ba tayo kina Gretchen at John ng mga sandaling ’yon samantalang may distansiya ang artistang nasa pribadong buhay at bahay o kaya nakakuwadro lang ang “kissing scene” sa iskrin ng cellphone, kumikilos man ang imahen o mga imahen nito o naka-steady lang.

Mahirap mapatunayan ang pagkakaroon ng malisya sa halikang John at Gretchen dahil sa teknolohiya lang naman ng cellphone ito natuklasan at hindi sa reyalidad na kinapapalooban nina Barretto at Estrada.

***

Nang dahil sa usap-usapang ito, nagkabati ang magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine.

Mas matimbang nga ang dugo kaysa tubig.

Iba ang may pinagsamahan sa kulturang Pilipino.

Kaya nga iba ang pinagsamahan nina John at Gretchen kaya nakagawa sila ng gano’n pero hindi ibig sabihin nito ay hindi naging matapat si Greta kay Tony Boy.

***

Matapat din si Dulce sa kanyang asawang si Bernard Cruzata.

Nang hapon na dumalo sila sa paglulunsad muli ng libro kong Expose’ Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas na inilimbag ng UST Publishing House na idinaos sa Leandro Locsin Auditorium ng National Commission for Culture and the Arts, ideyal na mag-asawa sina Dulce at Bernard pagkatapos magka-hiwalay sina Dulce at Danny Cruz.

Kahit makipag-“smooching” si Dulce halimbawa’y kay Erik Santos o kay JR, hindi magagalit si Bernard puwera na lang kung may “malisya” ang halikan.

Mararamdaman naman ng mga taong kasangkot ang “malisya” sa “smooching” sa loob lang ng maikling panahon.

Siyanga pala, nagpapasalamat si Dulce dahil nakabalik si Danny sa pag-arte. “Gustung-gusto niya ang acting. At least, makakatulong na siya nang malaki sa mga anak namin. At sa kanya rin. Nagpapasalamat ako sa sinumang naglagay sa kanya sa Daisy Siete. Kung sinuman ang talent coordinator o responsible sa paglalagay kay Danny ro’n, thank you so much,” sabi ni Dulce.

***

Hindi rin nagkait ng kanyang partisipasyon si John Nite para maging emcee sa palatuntunan. Gayundin, nagparinig ng mga awit sina Dulce (“Maalaala Mo Kaya”) at John (“The Way You Look Tonigh”) samantalang ang bagong alaga ng manager na si Nelia Lim na si Kristan ay nagpakitang-gilas sa kanyang ala-Josh Groban na pagkanta.

Sayang at nahuli si German Moreno sa paglulunsad pero tumawag agad siya kinabukasan at sinabing hindi siya nakahindi sa isang kompromiso ng kasabay na oras ng book launching.

Salamat kay Dennis Adobas, kina Sen. Bong Revilla, Lito Lapid at Jinggoy Estrada. Salamat din kina Kuya Germs, Cory Valenzuela-Vidanes ng ABS-CBN Broadcasting Corporation, Edu Manzano, Arlene Sensuat de Castro, ang misis ni Vice-President Noli de Castro, Tony Tuviera ng Tape, Inc., Norman Rodriguez at marami pang iba sa kanilang suporta sa muli kong paglulunsad ng Expose’…

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006