Taon 6 • Blg 23 • Hunyo 20, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 12, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pahabol sa Araw ng Kalayaan

Dahil ang mga himig at imahe ng pagdiriwang ng ika-109 na araw ng kalayaan ay napaka-ordinaryo at di kapansin-pansin, ang dating sa akin ay repleksiyon sila ng kawalan ng tiwala at pag-asa sa lagay ng ating bansa. Malinaw na walang alab o kakayahan ang mahinang rehimeng Arroyo na hikayatin ang mga Pilipino para ipagdiwang ang ating pagkabansa.

Ginamit ni Gng. Arroyo ang okasyon para ulitin ang gasgas nang panawagang isantabi ang pampulitikang hidwaan at makipagkaisa sa kanyang administrasyon para ipagpatuloy ang pagsulong ng ekonomiya. Sinubukan niya, bagamat hindi matagumpay, na balewalain ang pagkakabasura sa kanyang mga kandidato sa pagkasenador at ang malinaw na mensahe ng pagbaba ng suporta ng publiko sa kanyang panunungkulan.

Si AFP Chief of Staff Hen. Hermogenes Esperon ang tampok na eskorte ni Gng. Arroyo sa mga seremonya ng pag-aalay ng bulaklak. Nagpatibay ang kanyang matigas at mala-guwardiyang presensiya sa persepsiyong papatindi ang pagsandig ni Gng. Arroyo sa militar.

Sa kabilang banda, ang talumpati ni Punong Hukom Reynato Puno sa mas makamanggagawang kaligiran ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan City ay tumalakay sa kawalan ng kalayaan ng mga Pilipino. Bagamat mas prangka tungkol sa atrasadong ekonomiya at bulok na pulitika sa bansa ngayon, 109 na taon matapos lumaya sa Espanya, tahimik si Puno sa nagpapatuloy na dominasyon sa halos lahat ng larangan ng bansa ng isa ring dating mananakop na malinaw na mas makapangyarihan, ang US.

Sa lahat ng pista opisyal, tila wala nang mas huhungkag pa sa Araw ng Kalayaan. Naging karaniwang kaalaman, sa puntong di na pinapansin, na ang Pilipinas ay nakasandig-sa-ekonomiya at nakayukod-sa-pulitika sa dayuhang mga kapangyarihan, lalo na sa US. Bahagi ito ng paliwanag kung bakit humantong na lang sa mga parada at talumpati ang Araw ng Kalayaan at kitang-kitang dumausdos ang interes dito ng publiko. Kailangan lang alalahanin ang ilan sa halimbawang signipikante at dramatiko, kundi man eskandaloso, para patunayan ito.

Ang VFA (Visiting Forces Agreement) – na nagpapahintulot sa mga tropa at kagamitang militar ng US na pumasok nang walang sagka, kumilos nang walang regulasyon, at manatili nang walang taning kahit saan sa Pilipinas – ay ni hindi gumagalit sa diumano’y makabayang mga lider, maka-administrasyon man o oposisyon. Sa halip, nariyan ang kalunus-lunos na panoorin: ang pagtiklop ng administrasyong Arroyo sa paggigiit ng US na ang sundalong Amerikanong nahatulang nanggahasa sa isang Pinay ay ilipat sa kustodiya ng US, taliwas sa desisyon ng korte ng Pilipinas.

Nitong huli, ang mga ahente ng FBI ay nag-imbestiga sa pinaghihinalaang pambobombang “terorista” sa Hilagang Cotabato noong nakaraang linggo. Idineklara na nga nilang mas kaso ng pangingikil ang insidente kaysa terorismo. Kung bakit binibigyan sila ng layang magsagawa ng imbestigasyon sa bansa nang walang malinaw na batayan at panuntunan ay di ipinaliliwanag sa publiko.

Ginawa pang pagkakataon ang pagdukot sa Italyanong pari sa Zamboanga City ng grupong diumano’y kumalas sa MILF para magpasok ng mga eroplanong pang-espiya ng US na magrerekorida sa himpapawid ng Kanlurang Mindanaw – at iba pang bahagi ng Pilipinas marahil. Sa datos, ang mga operatiba ng militar at pulisya ng US ay nagkalat sa bansa, nakikilahok sa mga operasyong kontra-insurhensiya, sa tabing ng pandaigdigang tulungan sa paglaban sa terorismo.

Naaalala pa ba natin ang maluhong kontratang pinasok ng Malakanyang sa Venable, isang lobby firm sa US na mangangalap ng pondo at pampulitikang suporta sa Washington para baguhin ang Konstitusyon – isang usaping dapat ay internal lang sa mga Pilipino?

Tadtad ang rekord ng lehislatura ng mga halimbawa ng pakikialam ng US. Nariyan ang pagla-lobby ng US para ipasa ang malupit na Anti-Terrorism Law na punung-puno ng mga probisyong labag sa batayang mga karapatang sibil, pampulitika at pantao na ginagarantiyahan ng Konstitusyong 1987, batas ng Pilipinas at pandaigdigang mga batas.

Matindi ang epekto ng bulag na pagsunod ng rehimeng Arroyo sa giyera konta-terorismo ng US: ang militaristang pagharap sa NPA, ang pagsabotahe sa usapang pangkapayapaan sa NDF at ang mamamatay-taong programang kontra-insurhensiya, ang Oplan Bantay Laya – na nakapadron sa Oplan Phoenix na ginamit ng US sa Vietnam War.

Alam ng karaniwang tao, ngayon higit kailanman, na nagtatanggol ang gobyerno sa dayuhang mga interes sa ekonomiya, igisa man sila sa sariling mantika. Ang solusyon ng gobyernong Arroyo sa matinding krisis piskal at pampinansiya noong 2004 ay dagdagan ang pasaning buwis ng mga mamamayan, habang nagdadagdag pa ng mga insentiba sa dayuhang kapital – tulad ng mga multinasyunal sa pagmimina – para mapahusay ang katayuan nito sa pangungutang at patuloy na makautang ng dayuhang pondo.

Ni hindi pa tayo dumadako sa mga epektong panlipunan at pangkultura ng neokolonyalismong US sa lipunan at kamalayang Pilipino.

Mahaba pa ang lalakbayin ng mga Pilipino para magagap ang grabeng mapanirang mga epekto ng kawalan ng kalayaan na ating pinagdurusahan bilang bayan at sambayanan, noon at ngayon. Sa ganoong paggagap lamang matatahak ng sambayanan ang malayang landas tungo sa pag-unlad, hustisya sosyal at pagkakapantay-pantay – at magkakaroon ng tunay na kahulugan at kabuluhan ang mga pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 15-16 Hunyo 2007.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006