Taon 6 • Blg 23 • Hunyo 20, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 12, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
‘Palibhasa, aktibista’

Pasalamat ka’t aktibista ang napangasawa mo!”

Ito ang birong nasabi ko sa aking asawa nang sabihin ko sa kanya ang isang magandang balita: Pumayag ang isang sikat na mamamahayag at propesor na ibenta ang kanyang hindi masyadong lumang SUV sa halagang mas mababa pa sa “presyong kaibigan.”

Bihira ang mga ganitong pagkakataon, at nangyari lang ang usapang ito dahil alam ng nagbenta na hindi man malaki ang aking kinikita ay kailangan ko naman ng isang sasakyan dahil sa dami ng aking trabaho (na ang ilan ay alam din niyang hindi ako binabayaran para gampanan).

Sa aking palagay, hindi mabubuksan ang ganitong oportunidad kung hindi malalim ang aking pagkakaibigan sa nagbenta (sa kabila ng halos 30 taong agwat sa edad namin) at, higit sa lahat, hindi niya kinikilala ang kahalagahan ng mga nagawa ko sa mga nakalipas na taon.

Pero kung babalikan ang biro ko sa aking asawa, aaminin kong hindi ako minsan komportable sa bansag na “aktibista.” Kung titingnan mong porma ng pagkilos ang progresibong pagsusulat at pagtuturo, hanggang doon lang naman ang ginagawa ko sa kasalukuyan. Hindi ako katulad ng maraming kakilala’t kaibigan na buong buhay ay ibinuhos sa pagkilos para sa pagbabago. Sila ang mga taong kadalasa’y walang permanenteng trabaho at nabubuhay lang sa mga ibinibigay ng mga kapamilya’t iba pang nakikisimpatya sa kalagayan at pinaniniwalaan nila.

Noong estudyante pa ako, naisipan ko ring tahakin ang nasabing buhay. Pero sa pagtatapos ko sa kolehiyo noong 1991, kinailangan kong suportahan ang aking nanay at kapatid na nag-aaral pa. Nakita kong hindi sapat ang subsidyong makukuha ko (kung sakaling mayroon man) bilang isang full-time na aktibista kaya kailangan ko ng isang regular na trabaho. Ito ang dahilan kung bakit nagtrabaho ako sa mga NGO (non-government organization) na may layuning makatulong sa mahihirap at kaya akong bigyan ng regular na kita.

Ang pagtuturo at pagsusulat na sideline ko lang noong dekada 90 ay nagsilbing mga pangunahing trabaho ko simula 2001. At dahil marami sa mga artikulo ko ay inilalabas ng alternatibong midya tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly, hindi ko masisisi na kung minsa’y tinatawag akong aktibista. Progresibo kasi ang pagsusuri sa mga paksang tinatalakay ng marami sa mga sinulat ko. At kung magpapatuloy ang kasalukuyang kaayusan, malamang na hindi magbabago ang ganitong oryentasyon.

Bagamat hindi ako komportable sa bansag na aktibista, hindi ko naman ito ikinahihiya. Pero aaminin kong nariyan ang pangamba dahil alam naman natin kung ano ang nangyayari sa mga aktibista ngayon. Bukod pa rito, alam din nating maraming mamamahayag na katulad ko ang “itinutumba” ng mga walang pakundangan.

Kailangan ko lang idiing may mas marami pang nararapat na bigyan ng karangalang matawag na “aktibista” sa panahon ng ligalig at hikahos. Sa aking palagay, hindi ako kasama roon.

Ang pagkakaroon ng isang segunda manong SUV ay pansamantalang personal na ligaya, at ang birong binitiwan ko sa harap ng aking asawa ay isang di direktang pagtatakip sa mga panganib na kinakaharap ng mga aktibista sa ngayon. Kung susuriin ang maraming insidente ng paglabag sa karapatang pantao, ang mga tinaguriang aktibista ngayon ay hindi pinasasalamatan dahil sa kanilang ginagawa.

Pero sa hinaharap, alam kong tulad ng mga Katipunero noong panahon ng mga Kastila, sila ay kikilalanin ng kasaysayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006