Taon 6 • Blg 23 • Hunyo 20, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 12, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Bakit tutol sa Assumption of Jurisdiction
ang mga manggagawa

Bakit nga ba ayaw ng mga manggagawa sa AJ (Assumption of Jurisdiction)? Bakit nga ba sinisikap ng mga manggagawa na maalis na ang AJ sa ating Labor Code?

Ang kapangyarihan ng Labor Secretary na magbaba ng AJ ay nanggaling sa Art. 263 (g) ng Labor Code. Kung suriin natin ang pinanggalingan ng batas na ito, makikita natin na ito ay hango pa sa panahong ang Pilipinas ay nasa ilalim ng martial law.

Nang ideklara ni Marcos ang martial law noong 1972, inilabas niya ang General Order No. 5 na nagbabawal sa lahat ng welga at iba pang pagtitipon. Dahil sa mahigpit na pagkondena sa GO 5, napilitan si Marcos na palitan ito ng Presidential Decree No. 823 (inamyendahan ito ng PD 849) na nagbabawal na lamang sa welga sa mga “vital industry”.

Noong 1981, nagkaroon tayo ng Batasang Pambansa na kontrolado pa rin ni Marcos. Naglabas ng bagong batas ang Batasang Pambansa, ang Batas Pambansa 130. Sa BP 130, ang strike ban ay hindi na sa mga vital industry kundi sa “industries indispensable to the national interest.” Binigyan din ng karapatan ang Minister of Labor para i-deputize ang mga law enforcement agency para supilin ang sinumang lumabag sa kanyang kautusang nagbabawal ng welga. Sa unang pagkakataon, ang paggamit ng dahas laban sa mga welgista ay kinilala ng ating Labor Code.
Noong 1986 ay nag-people power at nasipa si Marcos. Nagkaroon uli tayo ng Kongreso at mga pagbabago sa ating Labor Code.

Sa pangunguna ni Sen. Boy Herrera ng TUCP (Trade Union Congress of the Philippines), naipasa ang Republic Act 6715 na nag-amyenda uli sa Art. 263 (g) ng Labor Code. Ito na ngayon ang ating sinusunod na batas tungkol sa AJ. Ayon sa artikulong ito: “When, in his opinion, there exists a labor dispute causing or likely to cause a strike or lockout in an industry indispensable to the national interest, the Secretary of Labor may assume jurisdiction over the dispute and decide it or certify the same to the Commission for compulsory arbitration. Such assumption or certification shall have the effect of automatically enjoining the intended or impending strike or lock out as specified in the assumption or certification order. If one has already taken place at the time of assumption or certification, all striking or locked out employees shall immediately return to work and the employer shall immediately resume operations and readmit all workers under the same terms and conditions prevailing before the strike or lockout. The Secretary of Labor and Employment or the Commission may seek the assistance of law enforcement agencies to ensure compliance with this provision as well as with such orders he may issue to enforce the same.”

Malinaw sa nabanggit na artikulo kung bakit ito tinututulan ng uring manggagawa.

Una, napakalawak ng kapangyarihan ng Labor Secretary para magbaba ng AJ at ipagbawal ang anumang welga. Ayon sa nasabing artikulo, maaaring maglabas ng AJ ang Labor Secretary kung ayon sa kanyang opinyon, ang isang nagaganap o gaganapin pa lamang na welga ay nasa industriyang “indispensable to the national interest”. At ano ang kanyang gabay para masabing ito ay pasok sa “industries indispensable to the national interest”? Aba, ang sabi ng artikulo ay ang kanyang opinyon. Ngayon, paano natin pawawalan ng bisa ang kanyang opinyon? Maaaring mali ang kanyang opinyon subalit sabi ng batas, ang kanyang opinyon ang magiging batayan. Napakahirap hadlangan ang Labor Secretary sa kanyang paglalabas ng AJ dahil sapat nang nakabatay ito sa kanyang opinyon.

Ito marahil ang dahilan kung bakit lahat na lang ng gusot ay itinuring ng Labor Secretary na “indispensable to the national interest”. Kung maalaala pa ninyo, may mga manggagawa ng taho na nagwelga. Binabaan ito ng AJ ng Labor Secretary. Nagwelga rin ang mga empleyado ng kompanya ng memorial plan. Binabaan din ito ng AJ. Para bang babagsak ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa welga sa pagawaan ng taho o kompanya ng memorial plan. Ngunit ano ang magagawa natin kung ito ang kanyang tapat na opinyon?

Ngunit hindi lamang ito, mga kasama. Maaari ring ilabas ng Labor Secretary ang AJ nang walang hearing o abiso sa mga mangagawa. Walang kaalam-alam ang manggagawa, may AJ na pala. Kadalasan nga, wala pa silang nagagawang welga, ipinagbabawal na.

At kung lumaban ang mga manggagawa, aber? Sa kasalukuyang batas, may karapatan ang Labor Secretary na magpatawag ng “law enforcement agencies” para ipatupad ang AJ. Sa pang-unawa ng Labor Secretary, ang salitang “law enforcement agencies” ay hindi lamang tumutukoy sa kapulisan kundi pati na rin sa berdugong militar. Ito ang dahilan kung bakit ipinatawag niya ang militar sa Hacienda Luisita. Dahil para sa giyera ang training ng militar, hindi tulad ng pulis na ang training ay sa “crowd control” at “civil disturbance”, giniyera nila ang mga manggagawa sa Hacienda Luisita. Sariwa pa sa ating mga alaala ang nangyaring trahedya sa Hacienda Luisita.

’Yan, mga kasama, ang dahilan kung bakit tinututulan ng manggagawa ang AJ. Sang-ayon ba kayo sa pagtutol na ito?

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006