
Sino ang Tunay na Terorista?
NANG sinusulat ito, Hunyo 18,
pinakahuling nadagdag sa listahan
ng mga biktima ng mga pagpatay na pampulitika si Mario Auxillo, lider ng Bayan Muna sa Bohol at, batay sa ulat ng grupong Karapatan, umabot na nga ng 844 ang mga biktima, bukod sa 198 mga dinukot, buhat lamang noong 2001 nang magsimulang manungkulan bilang Presidente ng diumano’y Matatag na Republika si Gloria Macapagal-Arroyo.
Kailan ito magwawakas? O wala nang pag-asang magwakas sa ilalim ng naghahari-hariang rehimen?
Batay sa ibinulgar kamakailan sa Inquirer ng dalawang heneral na ayaw pang magpakilala – at ibibigay nila diumano kay Sen. Antonio Trillanes IV ang maraming impormasyon at ebidensiya kaugnay ng “Hello Garci” at mga pagpatay na pampulitika – lumilitaw na talagang malaki ang kinalaman ng militar sa mga bagay na ito. Sa isang pagpupulong ng mga sundalo, ayon sa kanila, hayagang kinumusta ng isang heneral kung ano na ang nangyayari sa kanilang “misyon” sa Luzon.
“Itinanong niya sa kanyang mga sundalo kung ilan nang militanteng mga aktibista ang kanilang napatay,” sabi ng mga nagbulgar sa Inquirer. “Hayagan nila iyong tinalakay. Ipinagyabang pa nga nila ang mga pagpatay. Utak-pulbura talaga sila.”
Dahil sa gayon, sabi ng dalawang heneral na nagbulgar ng mga impormasyon sa Inquirer, maraming militar ang nag-akalang malaking puntos para sa kanilang promosyon sa higit na mataas na ranggo kung marami silang napatay na militanteng mga aktibista, peryodista’t kritiko o mga kalaban sa pulitika ng umiiral na rehimen. Kung ganito nga ang takbo ng utak ng maraming sundalo’t opisyal ng AFP (Armed Forces of the Philippines), lalong titindi ang kaso ng mga pagpatay na pampulitika at lalong dadami ang mga desaparecidos o mga dinukot na hindi makita, hanggang ngayon, ang anino o kalansay.
Bukod sa mga nabanggit, nariyan pa nga ang ipatutupad sa Hulyo – kung hindi mahahadlangan – na HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo. Batay sa mapanikil na naturalesa ng pambansang liderato (CPR, EO 464, Proklamasyon 1017 at marahas na pagbuwag sa lehitimong mga kilos-protesta, kasama na nga ang nangyayaring mga pagdukot na pagpatay na pampulitika), hindi malayong abusuhin pa nga ng mga ito ang naturang kontrobersiyal na batas makapanatili lamang sa kapangyarihan.
Unang-una, napakalabo sa nasabing batas ang kahulugan ng pagiging terorista. Batay sa nilalaman nito, “ang paghahasik ng pangamba at kalituhan” at “pamimilit sa gobyerno na sundin ang labag sa batas na mga kahilingan” ay mga hakbang na ng terorismo. Pinagsama-sama maging ang karaniwang mga krimeng may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng umiiral na mga batas, at itinadhana na rin itong terorismo.
Ipinahihintulot ng HSA ang pagdakip na walang “mandamiento de arresto,” paniniktik sa mga pinaghihinalaan, pakikialam sa komunikasyon, deposito sa mga bangko at iba pa, at pagkumpiska sa mga ari-arian ng mga pinaghihinalaan pa lamang na mga terorista. Sa maikling salita, sinasalaula nito ang sagradong mga karapatan ng mga mamamayan (Bill of Rights) na ginagarantiyahan ng kasalukuyang Konstitusyon. Higit na masama, ang binuong Konseho Kontra-Terorismo ang may labis na kapangyarihang maging imbestigador, hukom, at tagapagpatupad ng batas kaugnay nito.
Ayon tuloy sa KME (Kilusang Makabansang Ekonomiya): “Ang administrasyon ni GMA ang tunay ngayong terorista laban sa sambayanan sa pagbabalat-kayong ipinatutupad ang batas. Malinaw, nakaamba ang batas kontra-terorismo laban sa mga mamamayang tunay na nagtataguyod at nagsisikap para sa mga pagbabagong panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan sa bansa. Layunin nitong lipulin ang mga kritiko ng gobyerno, ang mga nagtatanggol sa pambansang patrimonya, ang mga tumutuligsa sa mga inhustisya sosyal, at lahat ng mga taong kumukuwestiyon sa kanyang pagiging Presidente. Ang batas na ito ay bahagi ng sistematiko’t masamang pakana ng Gobyerno para permanenteng patahimikin ang anumang uri ng oposisyon at para alisin ang lahat ng hadlang sa pananatili ni GMA bilang Presidente.”
“May susulpot pang opresibong mga batas,” ayon pa sa KME. At magpapatuloy naman, sa kabilang banda – batay na rin sa ipinahihiwatig ng mga pangyayari – ang walang patumanggang mga pagdukot at pagpatay na pampulitika at garapalang pagsalaula sa mga karapatang pantao at demokratikong mga proseso.
Sino nga ba, kung gayon, ang tunay na terorista?
balik sa itaas |