POEA: Pekeng trabaho
sa UK laganap sa internet
Noel Sales Barcelona
Nagbabala ang
POEA
(Philippine Overseas Employment Administration) sa mga nagbabalak magtrabaho sa United Kingdom na mag-ingat sa pekeng patrabahong ipinalala-ganap sa internet.
Nagpalabas ng kalatas ang mismong Labor Office ng Embahada ng Pilipinas sa London tungkol sa mga sindikatong bumibiktima sa mga gustong magtrabaho sa naturang bansa.
Isa sa mga modus operandi ng grupong nagrerekruta ng kawawang mga biktima patungong London ang paggamit ng ini-scan na mga recruitment document taglay ang logo at pangalan ng sinasabing employer na nakabase sa UK, pahayag ni Labor Attaché Jun Rasul.
“Pinaniniwala ang mga biktima na natanggap sila sa isang posisyon sa trabaho at inaabisuhang kailangang magpadala ng pera sa mga travel o remittance agency na umaaktong middle agent para sa sinasabing employer at ineempleyo,” paliwanag ni Rasul.
Hindi lamang indibidwal ang binibiktima ng mga sindikatong ito kundi maging legal na mga ahensiyang nagrerekruta ng patrabaho sa ibang bansa, pagbubunyag pa ni Rasul.
“May mga manning agency na nakatatanggap ng pekeng mga job order request at employers’ registration document na ipinapadala sa pamamagitan ng e-mail,” aniya.
Para makaiwas, nagbigay ng panuntunan si Rasul para tiyakin nilang hindi maloloko ng naturang sindikatong nasa internet:
1. Iberipika sa kinauukulang mga ahensiya gaya ng POEA ang katotohanan hinggil sa trabahong iniaalok sa UK sa pamamagitan ng pagpasada sa mga website na sinasabing mag-eempleyo, kasama ang kumpletong lokasyon (address), post code at iba pang detalye kung paano sila makokontak. Maaaring gamitin ang Yahoo! Search, Google, atbp. para isagawa rito.
2. Karaniwang nag-aalok ng napakalaking pasahod at iba pang benepisyo ang mga pekeng nagrerekrut bilang pangganyak. Dito pa lamang, dapat magduda na ang isang inaalok ng trabaho.
3. Higit na mahalagang malaman, hindi nanghihingi ang mga employer ng UK ng pera kapalit ng iyong pag-aaplay sa trabahong kanilang inaalok. Kasama rito ang pagsingil ng bayad sa visa, pasaporte at iba pang dokumentong kailangan sa pag-aaplay.
4. Dapat ding hilingin ng mga nag-aaplay sa kanilang magiging employer sa UK na ipadala ang kontratang pipirmahan nilang (mga empleyado) para maberipika at masabing kung tunay nga ang mga papeles.
Pinayuhan din ni Rasul ang mga Pilipinong halos nasa punto na ng desperadong magtrabaho sa bansang gaya ng UK na makipag-ugnayan sa POEA at ugaliing mag-log on sa website ng UK para sa higit pang kaalaman hinggil sa pekeng mga patrabaho sa UK na ipinalalaganap sa internet.
balik sa itaas | sunod |