Liwanag ng dignidad Ilang Ilang D. Quijano
Walang pinipiling uri, kulay, o antas ng pamumuhay ang pandarahas at pag-abuso sa kababaihan. Subalit hindi pa huli ang lahat para magbalikwas. Tunghayan ang istorya nina Alyza, Ara at Nanay Neri.
"ORDINARYO akong tao. Hindi ako katulad ni Ruffa. Pero alam kong may karapatan ako bilang babae at lalaban ako.”
Ito ang sinabi ni Alyza Mara (di tunay na pangalan), 47, kauna-unahang babae sa kanyang barangay sa Cubao, Quezon City, na magsasampa ng Domestic Violence Report at kukuha ng BPO (Barangay Protection Order) laban sa kanyang asawang seaman. Matinding abusong sikolohikal ang inirereklamo ng housewife na si Alyza, na umano’y makailang beses binantaan, ininsulto, inakusahan, at nitong huli, ipinagkalat pang patay ng kanyang asawa. “Magsasalita pa lang siya, ninenerbiyos na kaming mag-ina. Gusto na lang namin magtago sa ilalim ng kama,” sabi ni Alyza.
Isa lamang si Alyza sa 397 babaeng inilapit sa grupong Gabriela ngayong taon ang kaso ng pang-aabuso. Karamihan ay nasa kamay ng kanilang asawa o karelasyon. Oo nga’t bibihira ang mga babaeng may mala-prinsesang buhay ni Ruffa Gutierrez ang lumantad, pero karaniwan nang nakararanas ng mga karahasan katulad ng inilahad ng aktres sa programang The Buzz kamakailan. (Tingnan ang kaugnay na istorya)
Isa kada tatlong oras
Sa datos ng PNP (Philippine National Police), tinatayang may isang babae ang nabubugbog kada tatlong oras. May 3,679 na kaso ng domestic violence ang naitala ng PNP sa unang tatlong kuwarto ng 2006, habang 12,226 na kaso naman ang naitala ng Department of Social Welfare and Development sa parehong taon. Bukod pa ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC (Violence Against Women and Their Children) Act na nakahain sa 19,835 barangay sa buong bansa, karamihan ay domestic violence.
Marami pang kaso ang hindi naiuulat ng mga babaing biktima dahil sa “Battered Wife Syndrome” o pag-iisip at pag-uugali na resulta ng mahabang panahon ng pagdanas ng pang-aabuso.
Ang domestic violence, ayon sa manwal ng Center for Women’s Resources, ay ang “sistematikong pagpapamalas ng kapangyarihan at kontrol ng lalake sa kanyang karelasyong babae, kasal man sila o hindi, sa pamamagitan ng pisikal, sikolohikal, seksuwal, at pang-ekonomiyang pang-aabuso.”
Hindi na hinintay pa ni Alyza na humantong ang papatinding mga away sa pisikal na pananakit. Bitbit ang dalawang anak, umalis siya sa kanilang tahanan noong Enero 29. Nang ginawa niya ito, agad gumaan ang kanyang loob, kahit alam niyang mapuputol ang suportang pinansiya mula sa kanyang asawa. Dating empleyado sa bangko na iniwan ang career para magpamilya, sa kumunoy ng takot at kawalang-halaga sa loob ng 24 na taong pagsasama ang kinahinatnan ni Alyza.
“Parang busabos ang tingin niya sa akin. Lagi niyang sinasabi sa akin, wala kang silbi, ako ang nagpapalamon sa’yo.”
Kinikilalang ang pang-aabusong tahanan ay nakabatay sa pananaw na pag-aari ng lalake ang babae sa loob ng relasyon at mas mababa ang kalagayan nito. Direkta at di-direktang sinusuhayan ng mga tradisyon, batas, at kaugalian sa lipunan.
Noo’y maganda ang pagsasama ni Aracelie Almen, 39, at asawang si Ronald. Ngunit umano’y sinimulan siyang saktan nito nang mabuntis noong 2005 at nalamang may ibang babae si Ronald. Noong Mayo 3, 2006, pinuntahan niya ang asawa sa pinagtatrabahuhan bilang security guard sa Makati City matapos nitong di umuwi nang dalawang linggo. Gusto lamang ni Ara na pag-usapan ang sustento sa kanilang anak, pero karahasan ang iginanti sa kanya.
“Pinitserahan niya ako, binuhat at isinalya sa gate. Dalawang beses niya ako sinuntok. Pagkasuntok niya sa akin binuhat niya ulit ako at inihampas sa semento. Kumuha siya ng hose, ihahampas niya sana sa akin, pero nakakuha ako ng pala. Inisip ko, lalaban talaga ako kung sasaktan pa niya ako,” kuwento ni Ara, isang make-up artist. Hindi siya nakapasok sa trabaho kinabukasan dahil sa pamamaga ng ilang bahagi ng katawan.
Umano’y naging mapanganib si Ronald maging sa kanilang anak. Isang araw noong nakaraang Nobyembre, sisitahin sana ni Ara ang kanyang asawa na nakaligtaang kunin ang anak sa pangangalaga ng kapitbahay. “Ginising ko siya. Pagtayo niya, sinampal niya ako nang malakas na malakas. Sinakal niya ako, tapos sinuntok ako sa ulo. Binuhat niya ako, hinampas ako sa dingding. ‘Yung bata, nanginginig na. Hindi na ako makalaban kasi nakayakap na ako sa anak ko. Pero sinira pa niya ‘yung dingding, hinagis yung mga gamit namin.”
RA 9262, kumusta?
Bunsod ng nasabing mga insidente, sinampahan ni Ara ang kanyang asawa ng paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC Act. Noong Marso, inaresto si Ronald pero agad nakapagpiyansa. Kasalukuyang dinidinig ang kaso, pero hindi kumpiyansa si Ara sa piskal na humahawak sa kaso. Tumanggi kasi itong i-renew ang kanyang protection order laban sa asawa na nagagawa pa umanong mag-text ng masasakit na bagay.
Kung tutuusin, iilan lamang ang katulad ni Ara na may kakayahan at lakas ng loob na magsampa ng kaso sa ilalim ng VAWC Act na ipinasa noong 2004. Pinuri bilang isang batas na magpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan, pinarurusahan nito ang mga lalaking nang-aabuso sa babaing asawa o karelasyon.
Pero simula nang maipasa ang batas hanggang Marso 2007, pitong salarin pa lamang ang na-convict ng Department of Justice Task Force on Women and Children Protection. Mula 2005, wala ni isang na-convict. Lumalabas din na 34% ng mga kaso ang naibasura na, 61% ang hindi pa nadedesisyunan, at 5% ang hindi pa naisasampa sa korte.
Sa ilalim din ng RA 9262, maaaring bigyan ng mga korte at barangay ang inaabusong babae ng protection order. Sa nasabing kautusan, maaaring ipagbawal ang panghaharas, komunikasyon, at paglapit ng asawa o karelasyong lalake sa babae; iutos ang pagpapalayas ng lalake sa tirahan ng babae at kanilang anak; ibigay ang kostudiya ng anak sa babae; at iutos ang pagbibigay ng suportang legal sa babae.
Pero hindi naipapaabot ng gobyerno sa kababaihan ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng nasabing batas, ayon kay Gert Ranjo-Libang, tagapagsalita ng Gabriela. Umano’y di-alam ng maraming barangay ang RA 9262. “Maraming pagkakataon na Gabriela pa ang nagbibigay sa barangay ng form para sa protection order.” Katulad na lamang ni Alyza, na siya pang magtuturo sa barangay kung paano mabigay ng BPO.
Mula biktima tungong lider
Kung sa paghingi ng proteksiyon at hustisya nakalaya sina Alyza at Ara sa pang-aabuso ng kanilang mga asawa, iba naman ang kay Nerissa “Nanay Neri” Mejos, tagapangulo ng grupong Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa).
Noong dekada ’80, pinagbubuhatan siya ng kamay ng asawa. Kinailangan ni Nanay Neri ng tatlong tahi sa bandang kilay nang minsang suntukin siya nito. Sa pag-aakalang matitigil ang pang-aabuso kapag siya’y nagtatrabaho, namasukan si Nanay Neri sa pagawaan ng sapatos. Dito siya naging unyonista. Dito siya natutong lumaban, di lang sa amo sa pagawaan, kundi sa nagmimistulang amo sa tahanan.
“Ipinaliwanag ko sa kanya ang mga karapatan ko at ang mga isyu na nakakaapekto di lang sa kababaihan, kundi maging sa kanya bilang manggagawa at mamamayan,” sabi ni Nanay Neri. Unti-unti, natigil ang pang-aabuso at pambababae ng kanyang asawa. Sa ngayon, patuloy silang nagsasama at mayroon nang 17 apo.
Bilang lider at organisador ng kababaihan sa maralitang mga komunidad, bumabalik ang galit ni Nanay Neri kapag nakakakita siya ng mga babaing inaabuso. Pinapayuhan niya ang mga itong lumaban (“Humawak kayo agad ng dos por dos”) at maging desidido kung makikipaghiwalay. Ang problema lang, aniya, nakadepende sa pinansiya ang maraming babae sa kanilang mga asawa.
Kahirapan at karahasan
Bagaman ang domestic violence, katulad ng iba pang porma ng VAWC, ay walang pinipiling uri (nangyayari kapwa sa babaing mahirap at mayaman), sinabi ni Ranjo-Libang na pinalalala ito ng talamak na kahirapan. “Habang kinakapos sa pera, bumababa ang tingin ng lalake sa kanyang sarili bilang provider. Kaya may tendensiyang ibunton niya ito sa kanyang pamilya.”
Pinasubalian din ni Ranjo-Libang ang pahayag ni Press Secretary Ignacio Bunye na “personal na usapin” lamang ang pambubugbog ni Yilmaz kay Ruffa. Aniya, ipinapakita mismo ng RA 9262 na ang domestic violence ay isang pampublikong krimen.
Bumangon sina Alyza, Ara, at Nanay Neri sa sariling lakas at suporta ng mga kapamilya at kapwa-babaing nagmamalasakit. Halos hindi nila masulingan ang gobyerno, na ayon nga kay Alyza ay “hindi pinapansin ang mahihirap.” Pero kayrami pang babae ang nangangailangan ng tulong, unawa, at edukasyon— na dapat sana’y pinangungunahan ng gobyerno. Kayrami pang nagdurusa sa loob ng madidilim na tahanan at hinahanap ang liwanag ng sariling dignidad bilang babae.
Simula pa lamang ng laban ni Ruffa
Kenneth Roland A. Guda |
NAG-IINGAT ang Gabriela na huwag mapagkamalang sinasakyan lamang nito ang kaso ng sikat na mga personahe o artista na babaing biktima ng karahasan. Kung kaya, doble ingat ito sa pagsuporta kay Ruffa Guttierez.
Matapos ang pahayag sa telebisyon ni Guttierez ng pambubugbog diumano sa kanya ng asawang si Yilmaz Bektas, maingat na naglabas ang Gabriela ng pahayag ng suporta. “Alam naming itinataya namin ang reputasyon ng Gabriela,” paliwanag ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng grupo. “Pero bahagi ng prinsipyo namin ang bigyang suporta ang mga babaing lumalabas para ihayag ang karahasang nararanasan nila.”
Hindi madaling suportahan si Guttierez, ayon kay De Jesus. Mayaman at may reputasyon sa pagiging “sosyalera” ang artista. Ni minsan, hindi siya nagpakita sa publiko ng interes sa mga adbokasiya ng Gabriela. Sa unang tingin, walang makikitang ebidensiya na inaabuso. Pero dahil lumantad siya at matapang na isinalaysay ang pandarahas sa kanya, sumuporta ang Gabriela.
Sinikap ni Guttierez na personal na makapulong si De Jesus. Sa tanggapan ng grupo, kaliwa’t kanan ang pagtatanong ng midya: kailan kayo magkikita ng artista? Noong araw na dapat ay magkikita sina Guttierez at De Jesus, nakabantay sa labas ng tanggapan ng Gabriela ang isang pulutong ng midya.
Sa isang restawran sa Quezon City, natuloy ang pag-uusap. Wala sa mata ng midya, matapat na pinasalamatan ng artista ang Gabriela. “Wala pa siyang makeup,” kuwento ni De Jesus. Isinalaysay ni Guttierez ang pagdurusa niya – ipinakita ang mga pasa sa binti, ang bahagi ng buhok na ginupit ng asawa. Ikinuwento ang mga okasyong sinaktan siya. Hanggang dumulo sa sitwasyong mapanganib na sa buhay niya at ng mga anak niya.
“Ispontanyo siyang magkuwento. Kung ako ang tatanungin, kapani-paniwala talaga,” sabi ni De Jesus.
Pero ang ikinatuwa ng Gabriela ay ang reyalisasyon ng artista na may kinalaman ang pang-ekonomiyang katayuan ng babae sa pagpapatuloy sa pandarahas sa kanya. “Buti ako mayaman, paano naman ‘yung mga hindi,” sabi diumano ni Guttierez. Ikinuwento pa ng artista na may isa pang asawa si Bektas na hindi maiwan-iwan ang lalaki dahil “buong pamilya niya ang pinapalamon” ni Bektas.
Sa bahagi ni De Jesus, ikinuwento niya ang mga karanasan ng iba pang babaing biktima na di-tulad niyang mayaman. “Na-shock talaga si Ruffa. Siguro dahil makitid ang mundong kinikilusan niya. Gimbal na gimbal siya sa mga kuwento.”
Nangako ang artista na maglalaan ng panahon para matulungan ang Gabriela sa paglaban nito sa karahasan laban sa kababaihan. |
balik sa itaas | sunod |