Taon 6 • Blg 23 • Hunyo 20, 2007

LATHALAIN , Hunyo 12, 2007
Sumuroy ng Samar, 1649
Tipid na, joyride pa!
Buhay payaso

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
PANAYAM

Moro sa kamaynilaan
Paghahanap ng bagong tahanan

HALOS nabura na ang kulay ng ginto sa Golden Mosque. Nabubulok na’t kinakalawang ang simboryo. At ang dating tayog nito, nilambungan na ng nagpapataasang mga gusaling pangkomersiyo at sala-salabid na kawad sa ere. Pero araw-araw, o limang beses pa nga sa bawat araw, napupuno ang gusali. Marami pa rin ang tumutugon sa hiyaw na nag-uudyok ng panalangin. Katunayan, dumarami bawat araw.

Dati na namang sentro ng mga Muslim ang bahaging ito ng Quiapo. Katunayan, noong dekada ’60, ito pa lamang ang tanging lugar na tinitirhan ng mga Muslim; karamiha’y kabataang anak ng may-kayang Moro na nag-aaral sa Kamaynilaan pa ang nakatira.

Pero sa pagdaan ng panahon, hindi na lamang may-kayang estudyante ang Moro na tumutungong Maynila.

“Dekada ’70, iyung dating mga estudyante na tumira rito, isinama na ang mga pamilya nila mula Mindanaw para tumira rito,” kuwento sa PINOY WEEKLY ni Bae Norhaina Macabato-Lucman, kapitan ng barangay ng Barangay 648 sa Quiapo, ang pinakamalaking komunidad ng Moro sa Kamaynilaan.

Noong panahong iyon unang sumiklab ang kilusang sesesyunista ng MNLF (Moro National Liberation Front). Sa maagang yugto ng rebelyon, sinikap ng dating gobyernong Marcos na durugin ang MNLF. Dahil dito, maraming mga mamamayan ang sapilitang lumikas sa militar.

Isa sa mga napili nilang tunguhan ang Quiapo. Sabi ni Lucman, marami sa unang mga tumira rito ang mga Maranao, mula sa mga probinsiya ng Lanao. “Marami sa mga pumunta rito, mula sa malalayong lugar, hindi man lang nakaapak sa Marawi [sentrong lungsod ng Lanao del Sur], tapos diretso Maynila,” ani Lucman.

Nagkataong isa sa nanungunang sentro ng komersiyo ang Quiapo. Ilan sa mga Moro ang napunta sa pagnenegosyo at nagtagumpay. Pero marami ang nanatiling simpleng tindera ng kung anu-anong puwedeng ipaninda. “Mahirap ang buhay sa probinsiya, at halos imposibleng maghanap-buhay kapag magulo [may giyera],” sabi pa ni Lucman.

Nagkataon lang kaya may moske
May naitayong moske ang mga Maranao sa Barangay 648, pero di nagtagal ay ’di na ito sumapat sa paglaki ng populasyon ng mga Moro sa Quiapo.

Taong 1975 nang itayo ng gobyernong Marcos ang Golden Mosque sa kalsadang Globo de Oro. Ito ang pinakamalaki at pinakamagandang moske sa Kamaynilaan. Pero para kay Ting Macaraya, retiradong major ng Philippine Army at isa sa mga lektyurer ngayon sa Golden Mosque, itinayo ang naturang moske hindi pa bilang tugon sa panrelihiyong pangangailangan ng mga Muslim.

“Panahon ito ng pakikipagnegosasyon ng MNLF sa gobyerno sa pakikipagtulungan ng bansang Libya. Inimbitahan ni Marcos sa Pilipinas si Moammar Qaddafi [lider ng Libya]. Pero sabi ni Qaddafi, ‘saan ako sasamba diyan’? Kaya itinayo ang Golden Mosque,” ani Macaraya.

Hindi rin natuloy ang pagbisita ni Qaddafi sa Pilipinas. Gayunpaman, natuloy ang pagpapatayo ng moske. Ngayon, minamantine ito ng Office of Muslim Affairs sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.

Migrasyon
Samantala, patuloy ang pagdagsa ng mga Moro sa Quiapo. Ayon kay Lucman, rumurok ang populasyon noong dekada ’90 nang umabot sa mahigit 20,000 ang populasyon pa lamang ng Barangay 648 . Unti-unti, kumalat ang mga Moro sa mga karatig-barangay. At sa pagdagsa nila mula sa iba’t ibang grupong etniko, tulad ng Maranao, Maguindanao, at Tausug, nakapagtatag din ng mga komunidad ng Moro sa iba pang bahagi ng Maynila, tulad ng Maharlika Village sa Taguig at Culiat sa Tandang Sora, Quezon City.

“Hanggang ngayon naman, giyera pa rin at kabuhayan ang pangunahing dahilan kung bakit tumitira ang Moro dito sa Maynila,” paliwanag ni Aslanie Dumadalog, pinuno ng LKM (Liga ng Kabataang Moro) sa National Capital Region.

Wala nang mas angkop na halimbawa nito kundi ang mga kaanak ng mga Muslim na nakakulong ngayon sa Bicutan, Taguig. Bagama’t nahuli sa iba’t-ibang lugar–karamiha’y sa crackdown sa Basilan na isinagawa ng militar noong 2001 matapos ang pagdukot sa mga turista sa Sipadan, Malaysia–karamiha’y iisa ang bintang: na sila’y miyembro ng Abu Sayyaf.

Isa si Muhamadiya Hamja sa mga hinuli noong 2001 sa Zamboanga City. Inakusahang “terorista” at inilipad sa Bicutan kasama ng mahigit 100 iba pa, napilitan ang anak niyang si Ahmad Hamja na tumira sa Maynila para tulungan ang ama sa kaso.

“Mangingisda lang ako. Nang hulihin ako, naubos na ang lahat ng gamit namin sa pangingisda para pantustos sa depensa ko,” ani Muhamadiya. Taong 2005 pa nang makalaya si Muhamadiya, pero pinili na rin niyang manirahan sa Taguig. Aniya, takot na siyang bumalik pa sa Basilan dahil sa naranasang pagmamalupit sa kamay ng militar, at sa takot na muling maranasan niya iyon. “Kapag Muslim ka, ang isip lagi, Abu Sayyaf ka, terorista ka,” sabi ni Macaraya.

Sabi naman ni Lucman, marami sa mga kabarangay niyang babae ang nagtatanggal ng kombong (iyung inilalagay sa kanilang ulo) kapag lumalabas sa mga komunidad ng Muslim. Napipilitan silang ikahiya ang relihiyon sa takot na mabansagang “terorista”.

“Pero ako, hindi ko inaalis ang kombong ko,” deklara ni Lucman. Paraan ito ni Lucman ng paglaban sa diskriminasyon, sa masamang pagtingin sa Moro. Ang paraan naman ng mag-amang Hamja, tumutulong sila sa pamilyang Moro ng mga di-makatarungang ikinulong sa Bicutan.

Kaya sa kabila ng kapabayaan ng mga kinauukulan, nanatiling nakatindig ang Golden Mosque at ang mga mamamayang sinisimbolo nito.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006