| Ilang araw nang nagsimula ang pasukan sa mga
eskuwelahan. Bukod sa pagtitiyak na may natutunan ang mga bata, kailangan ding siguruhing sapat at masustansiya ang kanilang kinakain habang nag-aaral. Kaya naman narito ang ilang praktikal na paalala sa paghahanda ng baon ng inyong mga anak.
Gumawa ng listahan ng posibleng menu para sa tanghalian at meryenda. Bukod sa pagtitiyak na ang mga ito ay masustansiya, malaki pa ang maitutulong nito sa pagbabadyet ng ating mga gastusin. Tandaan lamang na ang baon ay dapat madaling ihanda at kaaya-aya sa mga bata.
Ito ang isang halimbawa ng pangtanghaliang menu na inilabas ng FNRI-DOST (Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology):
Lunes – kanin, pritong longganisa na may kasamang kamatis at samahan pa ng saging na lakatan; Martes – kanin, adobong manok o baboy at ginisang bitsuwelas; Miyerkules – kanin, tortang isda o giniling; Huwebes – kanin, tapang baka o baboy at samahan ng ilang hiniwang kamatis; Biyernes – kanin, pritong manok o baboy at ilang napapanahong prutas.
Payo ng FNRI-DOST: hindi lamang mga magulang ang dapat na gumagawa ng menu. Mahalagang patulungin din ang inyong anak habang naghahanda o nagbabalot ng baon. Maaaring ipagawa sa kanila ang sarili nilang sandwich. Dahil dito, tiyak gaganahan ang bata na kainin ang pagkaing siya mismo ang naghanda.
Para naman hindi naghahabol ng oras sa umaga, mainam na ihanda na ang palaman sa tinapay sa gabi pa lang at antimano ipapahid na lang ito sa tinapay sa umaga. Ihanda na rin ang mga gagamiting pambalot sa tinapay.
Maganda ring isama ang anak sa pamimili at hayaan siyang pumili ng gustong meryenda. Basta tiyakin lamang na ito ay masustansiya at pasok sa ating badyet. Tandaan din na laging basahin ang etiketa ng pagkaing pinili ng inyong anak.
Sa paghahanda naman ng baon ng inyong anak, laging isaisip ang food safety — iwasang magsama sa baunan ng inyong anak ng mga pagkaing madaling masira o mapanis at tiyaking laging malinis ang kanyang baunan.
Bago naman papasukin ang inyong anak, tiyaking kumpleto ang kanyang mga kubyertos at laging magpabaon ng sapat na inumin. Siguruhin ding nakapag-almusal ang bata para hindi manlata sa eskuwelahan.
balik sa itaas
|