Bagong salta sa basketbol, inaasahang gagawa ng ingay Koponan sa NCAA, UAAP, nagsasanay sa ibang bansa
Priscilla Pamintuan
PAGLAHOK sa mga training camp sa ibang bansa ang uso
ngayon sa mga koponan ng UAAP (University Athletic
Association of the Philippines) at NCAA (National Collegiate Athletic Association). Ginagawa nila ito para maungusan ang isa’t isa sa mga ligang patindi nang patindi ang kompetisyon.
Kabilang sa nagsanay sa abroad ang San Beda Red Lions, ang naghaharing kampeon ngayon sa NCAA, na tumungo pa sa Estados Unidos noong nakaraang taon. Tumungo rin sa US ang Ateneo Blue Eagles, na naging runner-up sa huling UAAP Finals. Maging ang University of Sto. Tomas Growling Tigers, ang kasalukuyang kampeon sa UAAP, ay nagsanay sa Malaysia.
Isang tampok na trend sa mga koponan sa collegiate basketball ngayon ay ang paggamit ng iba’t ibang porma ng pagsasanay para manatiling kompetitibo. Unti-unti, sumasalimuot ang pagsasanay ng mga manlalaro. Halimbawa, nauuso ngayon ang pagkuha ng serbisyo ng mga coach para tutukan ang ilang partikular na aspekto ng laro. Halimbawa, may tagasanay sa offense, may coach sa defense, at mayroong kinukuha para magpokus sa bilis at lakas ng manlalaro. May mga dinedebelop ding regimen para palakasin ang resistensiya ng mga manlalaro.
“Tumatanaw kami ng isa pang kampeonato sa NCAA,” sabi ni Frankie Lim, coach ng Lions. Maging ang UST Tigers ay naghahanda para isa pang tsansa sa kampeonato. Ayon kay Coach Pido Jarencio ng Tigers, mas handa sila ngayon kumpara sa nakaraang taon.
Samantala, inaasahang muling dodominahin ng De La Salle Green Archers ang UAAP sa pagbabalik nito sa liga matapos ang isang taong suspensiyon. Nanggagalaiti ang mga manlalaro nito na makabalik sa laban. At dahil sa isang taong suspensiyon, dalawang batch ng mga rookie ang nasa koponan ngayon.
Sa kabila ng pagtungong propesyunal ni Joseph Yeo, maraming mga slasher at scorer ang naipalit ng Archers sa kanya. Kabilang dito ang dating La Salle-Zobel standout na si Simon Atkins, na nanguna sa koponan para makopo ang Juniors Division ng UAAP noong 2005. Rookie sana siya noong nakaraang season. Pasok ding rookie ang mga narekluta ng DLSU na sina Marko Batricevic, Bader Malabes at Bryan Ilad. Mula sa batch ng mga rookie ngayong taon, pasok sa koponan si Rejan Lee. Pangungunahan pa rin ang paint ng beteranong sentro ng Archers na si Rico Maierhoffer.
Pero hindi rin patatalo ang iba pang koponan sa UAAP. Pasok rin bilang bagong dugo si Jerik Cañada para sa Adamson. Sa taas na 5’8”, maliit si Cañada, pero mabilis siya at marunong umiskor. Sa Ateneo, narekluta naman si Kirk Long, ang long hair na guard forward na inaasahang magtataguyod ng tradisyon ng tagumpay ng Eagles.
Umaasa naman ang Far Eastern University Tamaraws na maibabalik nila ang maliligayang araw noong nasa piling pa lamang nila si Arwind Santos. Sa pagkakataong ito, nirekluta nila ang rookie na si Mark Barroca at Ron Cabagnot (pinsan ni Alex Cabagnot ng PBA). Sa National University Bulldogs, inaasahan rin ang pares ng mga rookie na sina Raymund Aguilar at Jewel Ponferrada. Galing sa San Sebastian HS si Aguilar at inaasahang mag-aambag sa low-post na presensiya ng Bulldogs. Isasalang naman ng University of the East Red Warriors ang shooting guard na si Paul Lee, ang power forward na si Mark Pampulme at isa pang shooting guard sa hugis ni Gino Etrone.
Ngunit ang pinaka-inaasahang gagawa ng ingay sa liga ay si Soc Rivera, na maglalaro para sa University of the Philippines Fighting Maroons. Sa tangkad na 6’4”, inihahalintulad ng maraming tagamasid si Rivera kay Arwind Santos. Nasalat ng Maroons si Rivera mula sa FEU Baby Tamaraws, kung saan magtalo si Rivera ng 13.5 puntos, 11.3 rebounds at 4.2 blocks noong nakaraang taon.
Makakaasa tayong magiging mainit ang labanan sa collegiate basketball ngayong taon.
balik
sa itaas |