Taon 6 • Blg 22 • Hunyo 12, 2007

Pinoybiz, Hunyo 8, 2007
Diana mas angat sa pag-arte;
concert ni Nora sa Amerika
| Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SHOWBIZ
PinoyBiz

Bugbugan nina Yilmaz at Ruffa

KUNG ang filmmaker na si Jim Libiran ang gagawa at magsasalin ng makukulay na kabanata ng buhay nina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas sa puting tabing, tiyak na still life ang tatak nito. Parang still life painting. Kung ano ang nakikita ay ‘yon ang ipinakikita ng pelikula. Kung ano ang hugis, lasa, danti, hitsura at ugong ng mga pangyayari ay siyang masasaksihan ng mga manonood.

Hindi lang audio na interbyu kay Yilmaz sa Istanbul, Turkey o saan pang bahagi ng mundo na naniniwala siyang mula pa noong araw na pakasalan niya si Ruffa sa The Fort ay balewala na ang kanilang kasal. Na ilegal ang kanilang pagtatali ng mga puso. Na isang katatawanan ang mga tagpo ng kanilang maliligayang sandali ng kanilang pagharap sa altar kahiman at ang lahat ay gawa-gawa lang.

Na naririnig lang natin na balibaligtad ang balarila ni Yilmaz sa Ingles at hindi siya maintindihan nang lubusan sa kanyang mga pahayag na walang karapatan si Ruffa na dalhin sa Pilipinas ang kanilang mga anak dahil sa mga US citizen ang mga ito. Na kakausapin niya ang US Embassy at maghahain ng reklamo ng kidnapping laban kay Ruffa.

Soundbite lang ang ebidensiya natin nang sabihin ni Yilmaz na hindi naging mabuting ina si Ruffa kina Lorin at Venice.

Na lasengga si Ruffa at “materialistic” si Annabelle Rama.

Na “good seller” si Annabelle.

***

Bagamat may video na’t audio pa ang sagot ni Ruffa na mula nang mabaril si Yilmaz sa Istanbul ay nagkaganito na ang takbo ng utak ng kanyang asawa, mas magiging buhay na buhay ang mga eksena kung ang totoong kaganapan ang nakukuha ng kamera ni Jim para sa isang reyalistikong pamamaraan ng pagkukuwento sa pinilakan.

Sinabi ni Ruffa na si Yilmaz ang nagugumon sa droga ng anti-depressant at delikado na ang takbo ng utak nito kaya siya ay umuwi na sa Pilipinas kahit na marami siyang pasa at sugat dahil may pagkakataong sinasaktan siya ng Turko, ikinukulong sa cabinet at may isang insidente na 15 oras siyang binubugbog ng asawa.

Na aaminin ni Ruffa na siya ay nagpakasal na talaga sa isang Amerikano sa Amerika bago siya nagpakasal kay Yilmaz.

***

Ang lahat ng kaganapang ito ay may mas dating kung nakunan ni Jim Libiran ng kamera para sa isang mala-dokumentaryong pelikula tulad ng kanyang ginawa sa Tribu, ang feature story na nagwagi ng isa sa 10 mahuhusay na pelikula para sa 3rd Cinemalaya Independent Film Festival na gagawin sa Cultural Center of the Philippines sa Agosto.

Ang Tribu, tulad ng mga karanasan nina Yilmaz at Ruffa ay punumpuno ng karahasan.

Tunay na mga gangster ang mga artista ni Jim na natuklasan niya sa magulo, masikip at mahirap na lugar ng Vitas sa Tondo.

Police beat reporter din ang trabaho ni Jim bago siya naging isang filmmaker.

Siya rin ang responsable kung ang pag-uusapan ay ang pag-angat ng Abante sa sirkulasyon dahil siya ang lumikha ng Xerex sa serye para sa pahayagang ito.

Ngayon ay si Libiran ang pinuno ng Public Affairs Department ng Channel 5 kasabay ang paggawa niya ng Tribu.
Tribu ang ibig sabihin ay gangster sa Tondo, organisadong mga grupo ng mga tambay at sanggano na pulos mga kabataan. Ang Tribu ang modernong kahulugan ng OXO at Sigue-Sigue.

***

Ayon kay Jim, ang mga artista niya ay produkto ng isang proseso. “Hindi sila basta nagtiwala sa akin as director. Oo, gusto nilang lumabas sa pelikula nang sabihin ko sa kanila na gagawa kami ng pelikula. Pero nang makita nila ako, natakot sila dahil ang akala nila ay pulis ako dahil malaki ang katawan ko. Mukha talaga akong pulis.

“Pero napatunayan ko sa kanila ang aking magandang intensiyon para sa kanila. Kahit maliit ang bayad, nakumbinsi ko sila gawin ang kanilang kuwento. ’Yan ang mensahe ng pelikula. Na napagbago ko sila from being problem children, mga youth offender hanggang magkasundo silang magkakaaway na grupo.

“Di ba, ‘yan ang isang mahalagang elemento ng pelikula? Ang mapag-ayos mo ang mga may problema. Naniniwala ako sa pilosopiyang ‘yan. ‘Yan ang poetics ko sa pelikula,” sabi ni Libiran.

***

Pinag-acting workshop din niya ang mga batang-Tondo sa loob ng walong weekend sa pamamagitan ng aktres at manggagawang kultural na si Mahlou Crisologo.

Magkapitbahay sina Jim at Mahlou sa may Tayuman, ang bukana ng Tondo sa Maynila at isang abot-kamay na distansiya lang ang Vitas sa kanilang kinalalagyan.

Isang katotohanan ng buhay ang nadiskubre nina Mahlou at Jim: Maraming itinatagong angst ang mga kabataan ng Tondo. Ito ay dahil sa paghihikahos, kawalan ng katiyakan ng buhay, kakapusan ng seguridad, kahiapan sa tunay na pagmamahal.

Ayon kay Jim, nang isalang niya sa harap ng kamera ang kanyang mga aktor at aktres, conscious ang mga ito. “OA sila,” sabi ni Libiran. Pero nang magpalihan sila, naging natural ang pagkilos ng mga hilaw na artista. “Mas effective,” ‘ika ni Direk.

Mahuhusay mag-rap ang mga artista ng Tondo at sa katunayan, ang mga ito ang magbubukas ng presscon na nakatakdang idaos sa CCP ngayong Hunyo.

Gayunman, may ilang popular na personalidad na gumaganap sa pelikula kabilang ang anak nina Dennis Marasigan at Irma Adlawan, ang manunulat at iskolar na si Vim Nadera at ang soloistang si Papa Dom ng Tropical Depression Band.

***

Ang “Tribu” bilang obra ay unang ipinasok ni Libiran sa kanyang Filmmaking course sa UP sa ilalim ng kanyang pemyadong propesor na si Armando “Bing” Lao at ito ang nagbigay ng ilusyon kay Jim na ipasok sa timpalak, halimbawa’y sa Cinemalaya ang kanyang sinulat na ginawa naman ni Jim.

At nagdilang-anghel nga si Bing hindi lang dahil siya ay mahusay magbasa ng iskrip lalo na at sa iba kundi siya rin ay malaki ang paniniwala na mananalo ang magandang dokyu ni Jim na halaw sa tunay na pangyayari.

***

Samantala, makulay din ang pag-iibigan nina Mark Herras at Jennylyn Mercado at kahit si Patrick Garcia na ang kasintahan ng batang aktres ay masakit na tinatanggap ni Mark ang kanyang kapalaran.

Pero ang kaigayahan ni Jen ay kaligayahan din ni Mark.

Magka-holding hands nga sina Patrick at Jennylyn sa harap mismo ni Mark pero hindi umaaray ang batang aktor na hinulma na rin ng mapapait na karanasan sa buhay kabilang ang pagkakaroon ng amang nakulong nang dahil sa ipinagbabawal na gamot.

“Kaya namang paligayahin ni Patrick si Jen. Alam ko ‘yon,” pahayag ni Herras na pigil na pigil ang selos at panghihinayang.
Di bale, may Raiza Cenon naman siya.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006