Kahirapan, mahabang oras ng trabaho at pagkasira ng pamilya
Mga mare, ilang oras
kayong nagtatrabaho
araw-araw? Tiyak kong marami sa inyo ang kabilang sa 614.2 milyong tao sa buong mundo na nagtatrabaho ng mahigit 48 oras kada linggo para lamang mapag-abot ang kita sa pangangailangan ng pamilya.
Kahirapan. Iyan ang dahilan kung bakit halos patayin ng maraming tao ang kanilang sarili para lang kumita ng mas malaki. Aba’y sa mauunlad na bansa tulad ng US, 18 lamang sa bawat 100 manggagawa ang nagtatrabaho ng higit sa 48 oras kumpara sa 51 sa bawat 100 manggagawa sa Peru o sa 44 sa Pakistan. Ang malungkot ay hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita kahit man lang sa batayang mga pangangailangan ng pamilya.
At ang mga gawain daw kung saan mahaba ang oras-paggawa ay ang sektor ng serbisyo at ang impormal na sektor. Sa Pilipinas, ang kalakhan ng kababaihang may trabaho ay makikita sa serbisyo laluna sa wholesale and retail trade, at sa impormal na sektor.
Kaya hindi kataka-taka na sa Pilipinas, walang nakitang pagkakaiba sa haba ng oras na ginugugol sa trabaho ng babae’t lalaki. Sa halos lahat ng lugar sa mundo, liban sa Pilipinas, mga mare, malamang na mas mahaba ang oras na ginugugol ng lalaki sa trabaho kumpara sa babae. Sa tantiya, mga 35 oras lang nagtatrabaho ang babae sa loob ng isang linggo kumpara sa mahigit 48 oras ng lalaki.
Pero sa Pilipinas, mas malamang na magtrabaho ng 64 na oras o higit pa ang babae sa kanyang pinagkakakitaang trabaho. At dahil tayo pa rin, mga mare, ang pangunahing inaasahan pagdating sa mga gawaing bahay, aba’y sobrang pagod ang ating nadarama sa pagsasara ng bawat araw.
Ang sobrang trabahong ito ay maaaring makasira sa pamilya. Para nga makaangkop ang maraming mag-asawa, pinapadala na lamang nila ang mga anak sa probinsiya para alagaan ng kanilang magulang o kapatid. Nakakapiling lamang nila ang mga ito nang matagal tuwing Pasko o Semana Santa, iyon ay kung hindi sila naka-overtime sa panahong ito. Iyan pa, mga mare, ang isang halimbawa kung paanong sinisira ng kahirapang malamang na dulot ng maling mga polisiya ng gobyerno ang pamilyang Pilipino.
nauna
| balik sa itaas |