| Smoking gun
Sa mga lipunang di-demokratiko at mapanupil
tulad ng atin, kadalasang ibinabasura ng mga ahensiya ng batas ang mga kaso ng sapilitang pagkawala at extrajudicial na pamamaslang na kinasasangkutan ng mga puwersa ng estado. Hindi ito kataka-taka, laluna kung, sa malapitang pagsusuri, malalantad ang mga ito bilang kalakarang nag-uugat sa militaristang internal security policy, na may kakabit na programang kontra-insurhensiyang ubod-lupit, walang patawad, at di nagpapahintulot ng pagtutol, kahit legal at di-armado.
Walang magagawa ang mga biktima at mga pamilya nila kung ang mga saksi ay tinatakot hanggang tumahimik, o kaya’y mapatay mismo; pinapalpak ng mga pulis ang imbestigasyon, pinagtatakpan ang krimen at inililigtas ang pangunahing mga suspek; ang mga taga-usig ay matamlay sa pagbubuo ng kaso o kaya’y sadyang nagpapahina rito; ang mga hukom ay pinipilit o ineengganyong magbasura ng anumang kaso gaano man kalakas; at ang pinakamatataas na awtoridad na sibilyan at militar ay naglulunoy sa sinasabi ng UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings na “state of denial.”
Hindi kawalan ng paunang ebidensiya kung kaya nauuwi sa wala ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Sa kaso ng “Erap 5”, dinukot ng armadong kalalakihan ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Estrada. Nang ilitaw sila ng Intelligence Service of the AFP, napag-alamang sila’y binugbog para umaming matataas na lider-Komunista. Walang natanggal sa puwesto.
Isa pang tanyag na kaso ang pagdukot sa aktibistang anak ni Joe Burgos. Nawawala pa rin si Jonas Burgos matapos ang halos anim na linggo – kahit maraming nakasaksi sa isang mataong mall sa QC; natunton sa himpilan ng 56th IB ng militar ang sasakyang ginamit sa pagdukot; umapela ang mga tulad nina Pangulong Corazon Aquino; at tahimik na nag-lobby ang mga gobyerno ng European Union.
Nitong Mayo 27, dinukot ng NISF (Naval Intelligence Security Forces) at diumano’y mga elemento ng pulisya ng Cavite si Pastor Berlin Guerrero ng United Church of Christ in the Philippines sa Biñan, Laguna — kitang-kita ng kanyang asawa at tatlong anak.
Pagkatapos, ipinasa siya sa Cavite Provincial Police Office sa Kampo Hen. Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite – bugbog at nakapiring, kasama ang kanyang laptop (binura ang personal na mga file at ipinasok ang diumano’y subersibong materyales) at iba pang kinumpiskang gamit. Itinala lang ng pulisya na inaresto ang pastor batay sa isang mandamyento de arestong may petsang 1992, at isinantabi ang tunay na datos at sirkumstansiya ng teribleng pagpapahirap sa kanya.
Gustong palabasin ng mga dumukot, sa pakikipagtulungan ng pulisya, na naaayon sa batas ang pag-aresto. Pero hindi kailangang maging abogado para makita, sa salaysay ni Rev. Guerrero at ng ibang saksi, na ang “pag-aresto” ay taliwas sa batas.
Hindi unipormado at hindi nagpakilalang mga tauhan ng batas ang mga dumukot. Hindi nila ipinakita kay Guerrero ang mandamyento kahit iginiit niya. Siya at ang kanyang pamilya ay tinutukan ng baril. Hinampas siya ng baril sa batok, kinaladkad sa van na ang plate number ay tinakpan. Dinala siya sa isang safe house, tinortyur at binantaang papatayin kung hindi aaming siya at ang iba pa ay matataas na opisyal ng Partido Komunista. Hindi ipinaalam sa kanyang pamilya at mga abogado kung nasaan siya, para magawa ng mga dumukot ang pinakamasahol. Maraming tanong ang kailangang sagutin.
Bakit militar at hindi pulis ang nang-aresto? Ipinapakita ng opisyal na mga dokumento na ang mga elemento ng NISF ay “tinulungan” lamang ng dalawang pulis panlalawigan. Ayon kay Police Senior Superintendent Fidel Posadas, dinala muna si Guerrero sa NISF-NCR “para idokumento at suriin ang taktikal na halaga sa pambansang seguridad ng mga bagay na dala niya.” Ang “pagpasa” sa pulisya kay Guerrero kinabukasan ay patunay na hindi mga pulis ang “naghapag” sa kanya ng mandamyento.
Bakit hindi agad inimbestigahan o kahit man lang iniulat ng mga opisyal ng pulisya ang kakaibang “pag-aresto” at malinaw na pagtortyur? Kung ang pulisya ay hindi bahagi ng pagtatakip sa kaso, hindi ba’t dapat ay kagyat itong nagsampa ng reklamo laban sa NISF?
Bakit hindi isiniwalat ng mga awtoridad ang yunit ng NISF at ang mga operatibang sangkot? Bakit hindi tinukoy kung sino ang nag-utos na dukutin at tortyurin si Guerrero?
Higit na interesante, sino ang nag-utos na “ilutang” at ipasa siya sa pulisya? Lahat ng indikasyon ay nagsasabing walang intensiyong ganoon ang mga dumukot, hanggang “isang tao sa itaas” ang nag-utos, nangangamba marahil na magkaroon ng isa pang kasong Jonas Burgos habang si Gng. Arroyo ay nasa Australia at nagbebenta ng maunlad, mapayapa at makatarungang lipunang Pilipino.
Bakit buhay na inilutang si Guerrero, hindi tulad ng halos 200 iba pa na dinukot sa ilalim ng rehimeng Arroyo? Inuugat ito ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa walang humpay na presyur, lokal at pandaigdig, sa gobyerno — dahil walang sumeseryoso sa pagpipilit ng Malakanyang at pamunuan ng pulisya’t militar na isisi ang mga paglabag sa karapatang pantao sa diumano’y pagpupurga ng mga komunista.
Ito pa rin ang huling usapin: Kung gobyerno ka ngang matatawag, dapat ay kaya mong pigilin ang ganoong mga pagpatay. Wastong tinitingnan ng marami na si Gng. Arroyo, Punong Ehekutiba at Punong Kumander, ay pumapayag, kundi man nangungunsinti, sa gayong teribleng mga krimen.
Para sa sinumang naghahanap ng patunay na ang extrajudicial na pamamaslang, tangkang pagpatay, sapilitang pagkawala, tortyur at pagmasaker sa mga progresibo, aktibista at maging karaniwang tao ay patakaran ng estado, ang kasong ito ni Pastor Guerrero ang siyang smoking gun o ebidensiyang di-mapasusubalian.
Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 8-9 Hunyo 2007.
nauna | balik
sa itaas | sunod |