Kultura ng kasalukuyang pamamahala
Dominado ng oposisyon ang
Senado samantalang kontrolado ng
administrasyong Macapagal-Arroyo ang Kamara de Representante (House of Representatives). Mainam tuloy na subaybayan kung ano ang gagawin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para magkaroon ng isang adyenda ang lehislaturang umaayon sa interes ng Malakanyang.
Kung hindi magiging matagumpay sa pagkuha ng kooperasyon ng mga senador, maaasahan nating gagawin ng administrasyon ang lahat para mabawasan o tuluyang matanggal ang kapangyarihan at impluwensiya ng Senado bilang institusyon. Kamakailan lang ay narinig natin ang ilang nanalong miyembro ng Kamara na nagsabing mas mainam ang isang unicameral kaysa sa kasalukuyang bicameral na lehislatura. Hindi na rin bago ang panawagan para palitan ang kasalukuyang presidensiyal na porma ng gobyerno ng isang parlamento.
Sa kabila ng pangakong magiging susi sa pag-unlad ang pagkakaroon ng isang parlamento tulad ng nangyari sa ilang bansa sa Europa, maliwanag namang gusto lang ng mga maka-administrasyong tuluyan nang mawala ang Senado dahil hindi nila hawak ito. Karamihan kasi sa mga pinatakbo nilang kandidato sa pagkasenador noong nakaraang halalan ay hindi nagtagumpay sa kabila ng napabalitang maraming insidente ng dayaan.
Para sa administrasyong Macapagal-Arroyo, ang pagbabago sa istruktura ng gobyerno at sistema ng pamamahala ay kailangang isagawa para manatili sa kapangyarihan. At para sa mga indibidwal at grupong tumututol sa plano ng administrasyong ito, iba’t ibang porma ng panunupil ang naghihintay sa kanila, kabilang na ang “permanenteng pagpapatahimik.”
Mula nang manungkulan si Macapagal-Arroyo noong 2001, umabot na sa mahigit 800 ang pinatay at halos 200 na ang dinukot. Ginagawa ang pulitikal na panunupil nang walang pakundangan para maging malinaw ang mensahe sa mga nagnanais kumilos para sa pagbabago. Kahit hindi matibay ang ebidensiya laban sa ilang prominenteng lider ng party-list groups at iba pang organisasyon, sinasampahan pa rin sila ng mga kasong kriminal para makulong sila kahit pansamantala lang.
Tulad ng imposisyon ng calibrated preemptive response, Presidential Proclamation No. 1017 at Human Security Act of 2007, nagpapataw ang mga maka-administrasyon ng mga polisiyang lumalabag sa karapatang pantao. Hinahayaan na lang nilang maghabol sa korte ang sinumang tutol dahil alam naman nilang mabagal ang gulong ng hustisya sa ating bansa at habang nakabinbin pa ang kaso sa korte ay magagawa nila ang gusto nila.
At dahil nais manatili sa puwesto hanggang 2010 o higit pa, kailangan ng administrasyong Macapagal-Arroyo ang ganitong uri ng pamamahala, kahit na ito ay nakasasama sa nakararaming mamamayang dapat na pinagsisilbihan nila. Ipinapalaganap nito ang kultura ng panunupil at ang malinaw na target nito ay ang mga tumutuligsa sa mga polisiya at programa ng pamahalaan.
Pero mapapansing hindi nananaig ang takot sa mga indibidwal at grupong nagiging biktima ng panunupil dahil patuloy pa rin ang pagkilos para sa pagbabago. Marami mang ipinakulong, dinukot at pinatay sa hanay nila, nakikita pa rin nilang tama ang kanilang ginagawa.
Para sa kanila, darating din ang pagkakataong makakamit nila ang kanilang ipinaglalaban. At hindi ito manggagaling sa kasalukuyang lehislatura o pinaplanong parlamento, kundi sa mga istrukturang itataguyod na produkto ng kanilang mahigpit na pagkakaisa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |