Taon 6 • Blg 22 • Hunyo 12, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 8, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Mga hadlang sa pag-uunyon ng manggagawa

Mahigit isang daang taon na ang nakalipas mula nang dumating sa ating dalampasigan ang konsepto ng unyonismo. Matatandaan na 1901 pa lang ay nanawagan na ng pangkalahatang welga ang Union Obrera Democratica na pinamunuan ni Isabelo delos Reyes at Herminigildo Cruz. Ngunit nakakalungkot isipin na sa kabila ng kasaysayang ito, maliit na bilang pa rin sa ating mga manggagawa ang nakapaloob sa mga unyon. Ayon sa datos ng gobyerno, nasa 36.3 Milyon ang bilang ng manggagawang Pilipino. Sa bilang na ito, tinatantiyang humigit-kumulang 10% lamang ang kasapi ng mga unyon.

Ibig sabihin, siyam sa bawat sampung manggagawa ang hindi kasapi ng unyon. Paano natin ito maipapaliwanag? Nagkulang ba sa pagmumulat at pag-oorganisa ang ating mga lider-manggagawa? O sadyang mahirap magbuo ng unyon ngayon dito sa ating bansa?

Batay sa mga lider-manggagawa at mga organisador na ating nakausap, ang pagtatayo ng unyon dito sa ating bansa ay maihahalintulad sa pagpasok sa butas ng karayom. Masalimuot ito at punung-puno ng balakid. At karamihan sa mga balakid na ito ay galing sa pamahalaan mismo.

Una, bago kilalanin ng Dole (Dept. of Labor and Employment) ang inyong unyon ay kailangang 20% ng manggagawa sa empresa ay kasali nito. Kailangan din nito ang Saligang Batas. Kailangan din ang “Minutes of Organizational Meeting.” Idagdag mo pa ang “Ratification” ng Saligang Batas. Siyempre, mahalaga ang listahan ng mga kasapi at mga pinuno. Huwag mong kalimutan ang “Financial Report”. At siyempre pa, kailangang lahat ng dokomentong ito ay pirmado ng pangulo at sekretaryo at dapat ay notaryado.

Aber, sino sa mga maggagawa ang marunong gumawa ng Saligang Batas ng unyon? Ng “Minutes of Organizational Meeting”? Ng “Ratification” ng Saligang Batas at “Financial Report” ng unyon? Ang mga bagay na ito ay masyadong teknikal para sa isang manggagawa. Kung sila ngang tapos ng kolehiyo ay mahihirapang gumawa ng dokumentong ito, paano pa ang mga manggagawang high school o elementary graduate lamang?

Ipagpalagay nating may naawang tumulong sa mga manggagawa at kahit paano ay tinulungan silang maihanda ang iba’t ibang dokumentong ito. Hindi pa rin dito nagtatapos ang problema, mga kasama. Isipin nating marami sa mga kompanya rito ay may pag-iisip na kontra-unyon. Bago mo mamalayan, kinausap na ng manedsment ang mga lider nito. Huwag na raw ituloy at baka magsara ang kompanya. Ang iba naman ay binibigyan ng promosyon o inililipat ng puwesto. Kung talagang matigas, pagkatanggal sa trabaho ang kauuwian.

Ipagpalagay nating nanindigan ang mga manggagawa at nairehistro ang unyon. Tapos na ba ang boksing at puwede na ba silang magdiwang? Aba, hindi pa. Kung baga sa boksing, kauumpisa pa lamang ninyo. Kailangan munang ma-certify ang inyong unyon para ito kilalanin ng manedsment. Kailangang dumaan ito sa prosesong kung tawagin ay Certification Election. Kailangang magsampa ang unyon ng isang petisyon sa Dole na humihingi nito. Kung walang abogado ang unyon, kawawa ito dahil tiyak, haharangin ng abogado ng kompanya ang nasabing eleksiyon. Kaya sa ganitong legal na proseso pa lamang ay lugi na ang mga manggagawa.

Maaari ring isabotahe ng manedsment ang nasabing certification election, kung magkakaroon man. Maaaring magtayo ito ng company union para labanan ang unyon ng mga mangagawa. Maaari ring takutin o bilhin ng manedsment ang mga manggagawa para huwag iboto ang kanilang unyon pagdating ng certification election. O di kaya, maaaring mag-iskedyul ito ng excursion sa nasabing petsa para hindi makaboto ang mga manggagawa.

Sabihin nating mahusay ang ating mga lider-manggagawa at organisador at may kasanayan na para harapin ang nasabing mga problema. Sabihin nating sanay na sila sa paghahanda ng mga dokumento at pakikipag-certification election. Ang tanong ngayon, saan sila kukuha ng mga manggagawa para maging kasapi ng unyon? Isipin nating sa kasalukuyang panahon, pinapalaganap ng gobyerno ang globalisasyon. Sa ilalim ng patakarang ito, nawala na ang kaseguruhan ng mga manggagawa sa trabaho. Naglipana ang kontraktuwalisasyon, kasuwalisasyon, at fixed-contract employment. Paliit nang paliit ang bilang ng regular na empleyado. Sa madaling sabi, paliit nang paliit ang manggagawang maaaring sumali sa unyon.

Higit sa lahat, ang patakaran ng globalisasyon ang pinakamatinding hadlang sa pagyabong ng unyonismo dito sa bansa. Kailangang maigpawan ito ng ating mga organisador at lider-manggagawa. At para magtagumpay sila rito ay kailangang labanan at wasakin ang sistemang nagdulot nito. Mapagtagumpayan kaya nila ito? Sa tulong mo, sa tulong ko, sa tulong ng lahat, magtatagumpay tayo!

Kung ako ang tatanungin, maraming sanhi ang bagay na ito. Ngunit ang pinakamalaking balakid para maorganisa ang uring manggagawa ay ang pamahalaan mismo.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006