Taon 6 • Blg 22 • Hunyo 12, 2007

Editoryal at Opinyon, Hunyo 8, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Mailusyong Panawagan

HABANG nananawagan si Presidente Gloria Macapagal- Arroyo na kalimutan na ang mga hidwaan sa pulitikang ibinunga ng katatapos na malasarsuwelang eleksiyon, at magkaisa’t magkasundo na ang lahat para maisulong diumano ang pambansang kaunlaran, lubhang balintunang nagbabanggaan na ang mismo pa niyang mga basalyos dahil lamang sa pag-aagawan sa nakasusugapang kapangyarihan. Sabagay, natural nga lamang ito sa rigodon sa poder ng mga kinatawan ng uring mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan.

Hindi pa napapawi ang alingawngaw ng kabi-kabilang mga paratang ng dayaan sa halalan, at patuloy pa ang mga protesta’t patayan kaugnay nito, nagpatalsikan na ng laway ang dalawang kilalang halik-pundilyong kaalyado ng Reyna ng Malakanyang – sina Rep. Jose de Venecia, na labis ang paghahangad na manatiling Espiker ng Kamara, at Rep. Pablo Garcia, Sr. ng Cebu, na nag-aambisyon namang agawan ng trono si JDV.

Bukod sa balyahan ngayon nina JDV at Garcia, tiyak na lulubha pa ang bangayan ng Kamara at Senado. Kahit hindi pa nagsisimula ang ika-14 na Kongreso, nag-aapoy na ang bibig ni JDV sa panawagang ituloy ang Cha-Cha o pagbabago sa Konstitusyon upang gawing parlamentaryong may isang kapulungan, hindi na presidensiyal, ang sistema ng gobyerno. Basta na lamang ba papayag ang Senado na buwagin ito, lalo’t lumilitaw – batay na rin sa paratang ni Garcia – na makasarili ang interes ni JDV at gusto lamang nitong maging Punong Ministro? Natural, sapagkat oposisyon ang mayorya ng manunungkulang Senador ngayon, hahadlangan ng mga ito ang Cha-Cha at ang anumang maniobra ni La Gloria na makapanatili pa sa poder matapos man ang 2010.

Paano nga ba magkakaroon ng pambansang pagkakaisa’t pagkakasundo kung mismong ang pambansang liderato, unang-una, ang parang kawan ng mga asong nag-aaway-away sa pagsakmal sa matabang karne ng kapangyarihan habang, sa kabilang banda, dayukdok ang masang sambayanan at uhaw sa hustisya sosyal?

Kung pagbabatayan ang panawagan ni La Gloria sa katatapos na 100 anibersaryo ng Kongreso – at sinangkalan pa nga ang hindi pinagsasawaang bukang-bibig na “pambansang kaunlaran” — basta na lamang dapat kalimutan ang lahat-lahat, magkamay at magkapit-bisig ang mga sektor ng lipunan tungo sa isang magandang pambansang kinabukasan. Ganito ba ito kadali?

Sa anumang pagkakasundo, sinasabing pinakamahalaga ang sinseridad o katapatan ng alinmang panig at, kung may lihim na mga motibo, pansamantala lamang at imposibleng magtagal ang gayong pagkakasundo. Sa panawagan ni La Gloria – bagaman masarap pakinggan – hindi kaya ang pananatili niya lamang sa kapangyarihan ang gusto niyang mapangalagaan, hindi ang paulit-ulit na sinasabing pambansang kaunlaran?

Sabi nga, hanggang nilalabag at sinasalaula ng kasalukuyang rehimen ang sagradong mga karapatan ng sambayanan na ginagarantiyahan ng kasalukuyang Konstitusyon, hanggang mapanikil ang mga patakaran nito laban sa makabayan at progresibong elemento ng lipunan, hanggang pinaglalaruan nito ang demokratikong mga proseso makapanatili lamang sa kapangyarihan, hanggang uhaw sa katotohanan at katarungan ang maraming mamamayan, lalo na ang namumulat na masang sambayanan, hanggang pinananatili nitong anino lamang ang tunay na hustisya sosyal, imposible ngang magkaroon ng pambansang pagkakasundo’t pagkakapit-bisig.

Maraming bagay tuloy ang dapat munang isaalang-alang, linawin, lutasin, at panagutan ng mga kinauukulan, hindi basta na lamang kalimutan, kung talagang pinagmamalasakitan ang pambansang kapakanan. Paano na, unang-una, ang tuluy-tuloy at hindi malutas na mga kaso ng mga pagdukot at pagpatay na pampulitika na, sa maraming pangyayari, lumilitaw na sangkot ang militar at labis nang ikinababahala maging ng pandaigdig na opinyon publiko? Paano na ang marahas na paninikil ng puwersa ng gobyerno sa kalayaan sa pamamahayag at pandarahas sa lehitimong mga kilos-protesta at demonstrasyon? Paano na ang pinagsisikapang ilihim na litanya ng mga katiwalian at pandurugas sa salapi ng bayan, halimbawa’y ang “fertilizer scam” na lamang? Paano na ang “Hello Garci” na nagdulot ng pambansang kalituhan sa kredibilidad ni La Gloria bilang Pangulo ng diumano’y Matatag na Republika?

Bukod sa mga nabanggit, marami pang dapat sagutin at linawin ang kasalukuyang rehimen bago pangaraping magkasundo’t magkaisa ang lahat para sa pambansang kapakanan. Sa takbo ng umiiral na mga pangyayari, hindi malayong tumindi pa nga’t dumagundong sa maraming panig ng kapuluan ang milyun-milyong tinig ng protestang tandisang humihingi ng pambansang pagbabago at paglaya sa panlilinlang, pambubusabos at inhustisya ng iilang naghahari-harian sa lipunan.

Mailusyon tuloy, batay sa reyalidad, ang panawagan ni La Gloria.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006