Taon 6 • Blg 22 • Hunyo 12, 2007

OFW, Hunyo 8, 2007
Remitans ng OFW: Katas na, pinipiga pa | unang bahagi

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

Remitans ng mga OFW:
Pinipiga ng dayuhang mga monopolyo
Ikalawang bahagi

Baon ang Pilipinas sa dayuhang pautang, pamumu-hunan at kalakalan. Abot na sa $765.6 Bilyon (noong 2006) ang pagkakautang Kailangan ng foreign exchange o dayuhang pananalapi, pangunahin na ang dolyar, para mabayaran.

Para suhayan ang bayaran, ginagamit ng gobyerno ang remitans ng mga OFW (Overseas Filipino Worker). Hindi kagagawan ng mga OFW ang pagkabaon sa utang, pagkalugi sa kalakalan at pagtumal ng pamumuhunan sa bansa. Pero mga OFW at pamilya nila ang pinagbabayad — at di-miminsan, kahit ang kapalit nito’y pawis, luha at dugo na ng OFW mismo.

Hindi pa nagkasyang pigain sa paglikha ng produkto at serbisyo at pagsampa ng yaman sa labas ng bansa. Pinipiga pa maging ang pinaghirapang remitans mula sa sahod, suweldo o kita ng mga OFW.

Hindi lamang ginagawang pansuhay ang remitans sa balanse ng bayaran. Ginagamit pa ngayon itong “development tool” — kasangkapan daw sa pag-unlad pero hawak pa rin ng oligarkiya o maliit na naghaharing pangkat sa internasyunal na pinansiyang kapital. Masugid ang pagsunod dito ng gobyerno. Hawak ng US ang kontrol sa pinansiya sa bansa.

Unang pormal na kinilala ang halaga ng remitans sa Global Development Finance 2003 Annual Report. Sa pagpapakilala naman ng unang flagship project ng World Bank sa migrasyon (Global Economic Prospects 2006: Economic Implications of Remittances and Migration), tinayang kikita ng $356-B kapag nadagdagan pa ng 14 na milyon ang mga migrante sa buong daigdig pagsapit ng taong 2025.

Habang hinihikayat ng World Bank ang remitans ng mga migrante sa gitna ng pagtumal ng pamumuhunan at kalakalan, nagtuon naman ang (World Trade Organization) sa pagpasok sa migrasyon sa usapang pangkalakalan.

Ang WTO ay may tatlong pinapaksa: trade in goods (agrikultural at di-agrikultural), trade-related intellectual property rights (kaugnay ng patente at copyright), at trade in services o GATS.

May apat na moda ng suplay sa ilalim ng GATS: Mode 1 (pagsuplay ng produkto’t serbisyo); Mode 2 (pagkonsumo); Mode 3 (komersiyo); at kaugnay ng migrante, ang Mode 4 (temporary movement of natural persons across borders as service providers). Nagbigay ng commitment ang gobyerno ng Pilipinas sa lahat ng ito.

Garapalang isinama na sa usapang pangkalakalan ang migranteng sahuran. Nagsimula ang unang yugto ng negosasyon sa Gats noong 2000-2002. Sa 126 na panukalang ibinigay sa WTO, kabilang sa nagharap ng “pagpapaunlad” sa Mode 4 ang imperyalistang mga sentrong US, Japan, at mga bansa ng Europa. Sa pagitan ng Marso 2003 at Marso 2006, may 69 na panimulang panukala mula sa miyembrong mga bansa. Bukas sa publiko ang iba, ang sa US ay hindi.

Sa panukala ng US noong 2002 [Sa liham kay Sen. Robert Byrd (R-W.Va.) ni U.S. Trade Representative (USTR) Ambassador Robert B. Zoellick], pinabubuksan nito ang halos lahat ng serbisyo. Kapag inalis ang lahat ng hadlang sa serbisyo, tinatayang madaragdagan ang taunang kita ng US nang $450-B.

Marami ang puna sa negosasyon ng Gats Mode 4. Pangunahin na rito ang ibayong pagsasamantala sa paggawa. Sa pagtatakdang temporaryo ang trabaho, agad na binabarat ang sahod at inaalis ang pagka-permanente sa trabaho at paninirahan. Hindi lamang nito gagamitin ang murang paggawa ng mga migrante kundi pinabababa ang antas ng pasahod sa lahat ng manggagawa. Limitado ito sa serbisyo pero maaaring palawakin kahit sa serbisyong “may kaugnayan” sa agrikultura at manupaktura. Pinabibilis din nito ang brain drain sa mahihirap na bansa. Lalong magiging palaasa ang mahihirap na bansa sa foreign exchange at remitans.

Bukod sa WTO, pumasok din ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kasunduang bilateral at panrehiyon tulad ng nabuong PIP (Priority Integration Programme) at pagbubuo ng FTA (Free Trade Area) ng Asean. Tagasunod ito ng US sa Apec(Asia-Pacific Economic Cooperation) at, nitong 2006, nagkasundo sa Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).
Sa ilalim ng paghahari ng dayuhang monopolyo kapital sa migranteng paggawa ng mahihirap na bansa, nakasuporta ang iba pang multilateral na ahensiya sa migrasyon.

Pangunahin na rito ang UN(United Nations) na nagtuon sa “pamamahala” kaugnay ng migrasyon. Kasama ng UN, nariyan pa ang ILO(International Labor Organization).

Ang ILO ay may Migrant(International Migration Branch) na nakatuon sa: 1) proteksiyon sa karapatan ng mga migrante; 2) pamamahala sa migrasyon; at 3) pagpapayaman ng kaalaman sa pandaigdigang migrasyon. Sumusuporta ito sa mga estado sa pagbubuo ng mga patakaran, batas, administrasyon, istruktura at hakbangin sa migrasyon. Pero kahit sariling labor standard ng ILO ay kusa nitong tinapyasan.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006