| Higit sa ‘tsismis’
Noel Sales Barcelona
Rebyu ng Exposé: Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas
ni Boy Villasanta
UST Publishing House, 2007
408 pahina, may mga larawan
IKINAHON ANG
pagsusulat sa showbiz
bilang “peryodismong nakasakay sa tsismis” o mga balitang walang katuturan. Katunayan, may isang tulang naisulat si Pablo Neruda laban sa diyaryong ang tanging laman ay sulating pang-showbiz.
Gayunman, sa librong Exposé: Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas ni Julianito “Boy” Villasanta, patnugot, manunulat, at akademiko, napatunayan niyang magkaugnay—at hindi mapaghihiwalay—ang “totoong mundo” o ang lipunan at ang “sintetikong mundo” ng showbiz.
Istorikal, kritikal at akademiko ang librong Exposé ni Villasanta. Gaya ng nasabi ni Atty. Billy Balbastro (isa ring beteranong manunulat sa mga pahina ng showbiz) sa introduksiyon niya sa libro, hindi lamang tinalakay ng libro ang kuwento ng mga artista kundi ang kasaysayan ng panulatang pang-aliwan sa kabuuan.
Sa pagsusuri ni Villasanta sa showbiz, mahusay niyang nailangkap ang mga teorya ng mga katulad nina Michel de Montaigne, Ethel Watts Mumford, at iba pa.
Istorikal ang libro dahil sa yaman ng nadukal at nahalaw na orihinal na mga kuwento at anunsiyo tungkol sa mga palabas, artista, at iba pang pangyayari sa lokal na showbiz—mula panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan.
Naipagtanggol rin nang mabuti ng may-akda sa pamamagitan ng paglalahad ng mga patunay na hindi basta lamang maituturing na “basurang pagsusulat” ang pagsulat ng mga balitang pang-showbiz dahil (1) ang mga manggagawa sa showbiz, artista man o hindi, ay buhay na mga bahagi ng lipunan at nilikha nitong mga institusyon; (2) may puwang sa pagsusuri ang mga balitang pang-showbiz at maaring lapatan ito ng mga teoryang ginagamit sa pag-aaral ng lipunan; at (3) ipinakikita ng mga pangyayari sa showbiz, mula noon magpahanggang ngayon, ang mga katotohanang nangyayari sa “tunay na mundo” o sa lipunang nahahati sa iba’t ibang saray o strata—burgis, panggitnang uri at mga uring anakpawis.
Totoo sa taglay nitong pamagat, ipinakita rin ng Exposé ang kabulukan at kahungkagan ng peryodismong pampelikula gaya ng talamak na “huwad na pagsusulat” o yellow journalism at envelopmental journalism o pagtanggap ng lagay para lamang maisulat ang isang balita, kolum o lathalaing nagtatampok ng sikat o papasikat na artista – isyung tumatawid din sa mainstream na pagsusulat (balita, sports, atbp).
Bilang manwal, kapaki-pakinabang ang libro para sa mga gustong sumuong sa karera (career) ng pagsusulat sa mga pahina ng showbiz. Inisa-isa ng awtor ang mga tip at pamamaraan para makapagsulat ng balitang pang-showbiz nang mahusay.
Higit na mahalaga, sa abang palagay, ang pagtatangka ng libro na ipatanaw ang tunay na katungkulan ng panulatang pang-showbiz: ang magsuri, magpalalim at magbigay-liwanag sa mga isyung pang-showbiz na hindi maihihiwalay sa mga isyung panlipunan at sa kalaunan, mapakilos ang mga nasa industriya at madlang mambabasa para magbalikwas laban sa inuuk-ok na mapanlamang na sistema, ng showbiz man o hindi.
balik sa itaas | sunod |