Sarado ang paaralan para sa 2.4 milyong bata
Tahimik ang gobyernong Arroyo at DepEd sa katotohanang dumarami ang bilang ng mga batang tumitigil sa pag-aaral. Kenneth Roland A. Guda
MASIGABONG
palakpakan ang
salubong ng mga opisyal at kawani ng DepEd (Department of Education) sa kalihim nitong si Jesli Lapus sa Rizal High School sa Pasig City noong Hunyo 4, pagbubukas ng klase. Sa kanyang talumpati kasi, puno ng pag-asa ang binitiwan niyang punch line: Magiging mahalaga para sa edukasyong Pilipino ang taong ito.
At itinambol ni Lapus ang napakandang balita: ang 1:1 ratio ng libro at mag-aaral sa elementarya at sapat-sapat na bilang ng klasrum ngayon. “Nakikita natin ang malaking pag-unlad sa mga klasrum at pasilidad ng mga paaralan. At habang alam natin na may mga problema sa ilang lugar, masasabi nating masinop ang unang araw ng pagbubukas ng klase ngayong taon,” ani Lapus.
Panay magandang balita ang bitbit ni Lapus. Kagulat-gulat ito, dahil isang taon pa lamang ang nakararaan nang ihayag ng noo’y DepEd Sec. Fe Hidalgo sa pulong ng gabinete na may mahigit 6,000 kulang na klasrum. Pinagalitan ni Pangulong Arroyo sa harap ng midya si Hidalgo, at sinabing hindi totoong kulang ang klasrum sa bansa.
Mahigit isang buwan matapos ang insidente, tinigbak ni Arroyo si Hidalgo at ang ipinalit ay ang alyadong kongresistang si Lapus. Di tulad ni Hidalgo, na nanggaling sa hanay ng mga guro, bihasa sa paghahayag ng “magagandang balita” si Lapus.
Tulad ng inaasahan, kinuwestiyon ng mga guro ang nasabing “magandang balita” kaugnay ng pagbubukas ng klase. “Sa mga inikot kong paaralan sa bansa, wala pa akong nakikitang eskuwelahang may 1:1 ratio ng teksbuk at mag-aaral,” kuwento ni Antonio Tinio, tagapangulo ng ACT (Alliance of Concerned Teachers).
Nasilip naman ng Ibon Foundation, isang grupong pananaliksik, ang datos mismo ng DepEd, na nagsasabing may kabuuang 34.7 milyong kulang sa teksbuk; 3.48 milyong kulang na upuan; 57,930 kulang na klasrum; at 49,699 kulang na guro sa bansa.
Pero sabihin na nating totoo ang sinasabi ng DepEd na gumanda ang pasilidad ng mga eskuwela. Ayon kay Tinio, hindi ang pasilidad ang pangunahing problema sa edukasyon, kundi ang karumaldumal na katotohanan na hindi tinatanggap o hinaharap ng gobyerno ang paparaming bilang ng kabataang hindi nakakapag-aral. Tila nahirati na ang gobyerno sa “state of denial.”
‘Report Card’
Sa tanggapan ng Quezon City Public School Teachers Association at ACT sa Visayas Avenue, Quezon City natagpuan ng PINOY WEEKLY si Tinio, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Nakatutok siya sa kompiyuter, kunot-noo, abala sa pag-aanalisa ng mga datos. Nakuha niya internet ang pinakahuling datos ng DepEd hinggil sa enrolment ng mga mag-aaral sa elementarya at sekundaryong mga paaralan. At hindi niya gusto ang kanyang nadiskubri.
“Parang report card ito ng DepEd,” bungad ni Tinio sa amin, sabay ipinakita ang monitor na naglalaman ng datos. “Makikita mo dito ang tunay na sitwasyon ng edukasyon ngayon —mula sa mismong datos ng DepEd.”
Batay sa Basic Education Statistics na inilabas ng DepEd noong Pebrero 2007, malinaw para kay Tinio ang lumalalang krisis ng edukasyon sa bansa. Makikita dito, halimbawa, ang pagbagsak ng enrolment sa elementarya at hayskul. Mula 13,015,487 na enrolment sa elementarya noong 2005, naging 12,913,845 na lamang nitong 2006. Sa hayskul, ang 6,312,031 noong ’05 ay naging 6,267,015 nitong ’06.
Ang masama pa rito, ani Tinio, bago ang 2005 ay halos hindi tumaas ang enrolment. Mula noong 2001, nang maupo sa Malakanyang si Arroyo, hanggang 2006, umabot lamang sa 153,602 ang dagdag na batang nakapag-enrol sa elementarya.
Sa kabila ito ng 1,679,583 na dumagdag sa populasyon ng mga batang may edad anim hanggang 15 mula 2001 hanggang 2006.
Ano ang nangyari sa mga batang hindi nakapag-enrol? “E di siyempre, out of school youths. Nasa bahay lang, o tumutulong sa hanapbuhay ng pamilya,” ani Tinio. Sa taya ng Ibon batay sa datos ng gobyerno, aabot sa 2.4 milyong bata ang hindi nakapag-enrol ngayong taon. “May 2.4 milyong karagdagang nagtatrabaho, naiwan sa bahay o kaya ay palaboy sa kalsada,” sabi pa ni Tinio.
Sikmura muna bago edukasyon
Walang ibang nakikitang dahilan ang ACT sa pagbagsak ng enrolment kundi ang kahirapan. “Noong 2003, nakita natin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Nariyan din ang pagpapatupad ng Expanded Value-Added Tax o Evat,” paliwanag ni Tinio.
“Kung totoong umunlad ang ekonomiya, bakit tumataas ang bilang ng hindi nakakapag-aral?” aniya.
Ayon sa Ibon, humigit-kumulang sa 2.5 milyong bata, mula edad lima hanggang 17, ang nagtatrabaho para madagdagan ang kita ng pamilya, o kaya para lamang mabuhay. Hindi ito dapat nangyayari, pero napipilitan sila dahil sa baba ng sahod ng mga magulang na manggagawa.
“Sinasalamin ng pagtaas ng bilang ng batang tigil sa pag-aaral ang kanilang bulnerabilidad sa mga panahong pahirap nang pahirap ang buhay sa ilalim ng huling anim na taon ng administrasyong Arroyo,” ayon kay Sonny Africa ng Ibon. Pero sa kabila nito, hindi pa rin kinikilala ng gobyernong Arroyo ang problema.
“Paano tinitiyak na makakapag-aral pa rin ang mga batang hindi nakapag-aral?” tanong ni Tinio. Matapos ang masigabong palakpakan, ang pagtatambol ng “magagandang balita,” nakabibinging katahimikan ang sagot sa tanong na ito.
| Ang pakikipagsapalaran ni Ma’am France |
Sa gitna ng hirap at kawalan ng suporta ng gobyerno, masdan ang ating mga guro — nagsusumikap pa rin sa pagtuturo ng mga leksiyon sa buhay.
BIHASA sa pagtuturo ng
Matematika si Francisca “Ma’am France” Castro. Dalawampung taon na siyang nagtuturo nito, noong unang apat na taon sa ilang hayskul sa Maynila, at nitong 16 taon sa Quirino High School sa Quezon City. Pero sa kabila ng mayamang karanasan bilang titser, dumarami ang bumabagsak sa kanyang mga klase. Mapupurol ang utak, hindi makasabay sa mga leksiyon. Humihina ang mga mag-aaral.
Hindi nagtataka si Ma’am France. Sa loob ng 20 taon, padausdos ang kalidad ng edukasyon, hindi makasabay sa paglobo ng bilang at pangangailangan ng mga estudyante – at guro.
“Noong Huwebes, sa unang linggo ng pasukan, meron na akong estudyanteng nilagnat sa init sa klasrum,” kuwento niya. Sa isang kuwartong humigit-kumulang 5 x 10 metro ang laki, pinagkakasya ng guro ang 57 estudyante. Mainit at siksikan ang mga bata. Minsan, nag-aaway pa sila dahil agawan sa mesang pinagsusulatan.
Apat na klase ang tinuturuan niya at isa ang advisory class. Humigit-kumulang 60 estudyante ang bawat klase sa Quirino. “Ibig sabihin, isang minuto bawat estudyante sa isang oras ng pagtuturo ang inilalaan ko,” sabi ni Ma’am France.
Hindi umano ito sapat para matuto ang mga estudyante. Laluna’t mahirap ang Matematika, at Ingles ang kailangang midyum ng pagtuturo, alinsunod sa DepEd (Department of Education). Sa Ingles din ang mga babasahin at ang mga math exercise sa mga teksbuk. Kumakain ng oras ang dagdag-paliwanag. “Minsan, nandiyan na sa Ingles ang instructions, magtatanong pa sa iyo kung ano ang instructions. Hindi nila naiintindihan. Kailangan mo pang isalin sa Tagalog,” ani Castro.
Madalas ring kumakain ng oras ang kakulitan ng mga estudyante. “Iba na kasi ang mga estudyante ngayon. Di tulad ng mga estudyante noon; ngayon, makukulit na. Mahirap sitahin. May isa lang na magdadaldal diyan, kailangan mo nang pagalitan sila. Kaya nababawasan ang oras sa pagtuturo.”
Ang resulta, napakaigsing panahon ang nagugugol para sa pormal na pag-aaral. Palalain pa ito ng masamang kalagayan ng klasrum at kakulangan sa kagamitang panturo.
’Wag umasa sa teksbuk
Ang masama pa, ani Ma’am France, hindi sasapat ang mga ehersisyong pangmatematika sa teksbuk. Ang ginagawa ng ilang guro, gumagawa na lamang ng mga sariling tanong at ehersisyo. O kaya, naghahanap ng mga alternatibong libro. Mahirap umasa sa mga teksbuk ng DepEd.
Isiniwalat noong 2004 ni Antonio Calipjo Go, academic supervisor sa isang paaralan sa Novaliches, Quezon City, ang mahigit 400 factual errors o mali sa datos sa mga teksbuk na inilabas ng DepEd. Hanggang ngayon, hindi pa rin natutuunan ng pansin ang mga pagkakamaling ito. Ginagamit pa rin ang mga libro. Nakakontrata pa rin sa DepEd ang mga kompanyang naglalathala ng mga sinasabing teksbuk.
Lahat ng ito ay nag-aambag sa pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Ayon kay Ma’am France, nitong mga nakaraang taon ay ibinaba na niya nang husto ang expectations sa mga estudyante niya. “’Yung sinasabi ng DepEd na 70% passing ng mga bata, hindi kakayanin. Hindi pa nga aabot sa 50% ang marami sa kanila. Kung nagpapa-quiz ako, suwerte na kung may ilang makakuha ng 10 tama sa 60 tanong,” himutok niya.
Nalulungkot ang guro sa sitwasyon. Pinasok niya ang pagtuturo dahil sa dalisay na hangaring makapag-ambag sa hinaharap ng kabataan. Pero ano ang magagawa niya sa ganitong sitwasyon?
“Karamihan pa rin naman sa mga titser, mabuti ang intensiyon. Pero marami ang frustrated,” aniya.
Sa kanyang sarili, sinisikap ni Castro na maksimisahin ang panahon sa piling ng mga mag-aaral. Pinaghahandaan niya nang mabuti ang mga aralin. Sinisikap rin niyang pasukan ng mga puntong panlipunan ang mga leksiyon sa Matematika. “Sa exercises, ipinapasok ko ang paliwanag sa sitwasyon ng mga magulang nila. Halimbawa, kung P87 lang kada araw ang suweldo ng manggagawa at P100 ang kailangan sa pang-araw-araw na gastos, magkano ang kailangan nilang punan?”
Sa ilang pagkakataon, naglalaan rin siya ng ilang minuto para magtalakay ng mahahalagang isyu ng lipunan. At naiuugnay sa leksiyon para sa araw na iyon.
Baon sa hirap
Kung hanapbuhay lamang ang iisipin, matagal na sanang umalis si Ma’am France sa pagtuturo sa bansa. Sa batayang suweldo ng titser na P9,939 (na napako na mula nang umupo si Arroyo noong 2001), hirap na hirap ang mga guro. Ni hindi nito napupunan ang kalahati sa P20,454.61 na buwanang cost of living sa National Capitol Region.
“Dati, nagkakasya pa ang sahod ko. Pero unti-unti, habang lumalaki ang mga anak ko at humihirap ang buhay, hindi na napapagkasya. Ang lumalabas, yung sahod ko, hindi na umaabot hanggang sa susunod na sahod. Kailangang punuan,” sabi pa ni Castro. Dahil dito, hindi na kaila sa kanila ang nababaon sa utang (legal man o ilegal). Ang ilan, halos maubos na ang suweldo sa kakaltas dahil sa mga utang.
“Totoo ang lahat ng kuwento hinggil sa mga guro – may nagbebenta ng panti at bra, longganisa at tosino, cellphone load. At siyempre, may mga nagmu-moonlighting. May mga nagtuturo sa private schools pagkatapos ng klase. May pumapasok sa iba pang trabaho,” dagdag pa niya.
Pero mahirap ang moonlighting na pagtuturo rin. Pagod na sa buong araw ng pagtuturo ang guro, pagkatapos, sa parehong araw ay papasok na naman siya sa ibang klase. Tiyak na magdurusa ang kalidad ng pagtuturo.
“May magagaling na titser na nangingibang-bansa para doon magturo,” sabi pa niya. Pero higit na mas maraming bilang ng gurong nangingibang-bansa ang pumapasok sa ibang trabaho, tulad ng pagiging domestic helper, caregiver, at iba pa.
Ani Ma’am France, maraming guro ang galit sa gobyerno. Marami ang nagigising sa halaga ng pagkakaisa para makapag-ambag sa pagbabago. Katunayan, isa siya sa nagpasigla sa Quezon City Public School Teachers Association o QCPSTA. Naging opisyal siya nito. Dahil sa pagkakaisa sa QCPSTA, may ilan na silang nakamit na tagumpay, tulad ng rice subsidy sa mga guro, longevity pay (karagdagang P500) at debt aid. “Kasi, nakita ng lokal na gobyerno ang lakas ng aming organisasyon,” aniya. Ngayong pangkalahatang kalihim na siya ng ACT (Alliance of Concerned Teachers), sinisikap ni Castro na makamit ng kaguruan sa buong bansa ang ganitong tagumpay.
“Bumubukas ang loob ng mga guro sa pangangailangang magkaisa. Hindi lang para sa kapakanan naming mga guro ang gusto naming pagbabago. Inspirasyon namin siyempre ang mga bata. Gusto naming makita silang lumaki bilang mararangal at makabayang mga mamamayan na kabahagi sa makabuluhang pagbabago ng lipunan,” ani Ma’am France. |
balik sa itaas |