Sumuroy ng Samar, 1649
Dan Esponilla Dalac
Magaling kung alam
ninyo na ang kalayaan
ng Pilipinas mula sa Espanya ay ginugunita tuwing Hunyo. Ngunit alam ba ninyo na Hunyo rin nang sumiklab sa Samar ang pinakamalawak na pag-aalsa ng mga katutubo laban sa mga Espanyol bago ang Himagsikang 1896 ni Andres Bonifacio?
Ang Samar, na tinawag na Ibabao noong matandang panahon, ang unang nakita ni Fernando Magallanes noong 1521. Dumaong ang ekspedisyon niya sa mga pulo ng Suluan at Homonhon sa Katimugang Samar bago nagtuloy sa Sugbu kung saan nagapi ito ni Lapu-lapu.
Pananakop sa Samar, Pilipinas
Nang dumating si Miguel Lopez de Legazpi noong 1565, tuluyan nang inangkin ng Espanya ang buong kapuluang tinawag nitong Las Islas de Felipinas. Upang mapadali ang pananakop, ang mga barangay ay ipinailalim ni Legazpi sa mga enkomyenda. Siya ang kauna-unahang gobernador-heneral ng Espanya sa Pilipinas.
Noong 1570, nagpataw ng tributo ang mga Espanyol sa pamamagitan ng mga enkomendero. Buwanan ang pagbibigay ng mga Samarnon ng palay, hinabing abaka, langis ng niyog, isda, manok at iba pa sa mga Espanyol. Taunan naman ang pagbibigay ng ginto.
Ipinatupad ng mga Espanyol ang polo y servicio noong 1580. Inatasan ang mga Samarnon na magtanim at mag-ani sa mga sakahan ng enkomyenda o kaya’y magputol ng malalaking puno sa kagubatan para sa bahay, simbahan o sasakyang-dagat ng mga Espanyol.
Ipinatupad ng mga pari ang reduccion noong 1582. Itinayo ang mga pueblo, ang sinaunang mga bayan, upang mapadali ang pagpapalaganap ng Katolisismong Romano. Nasa gitna ang plasa na naliligiran ng simbahan at kumbento, munisipyo at bahay ng piling mga pamilya. Ang mga Samarnon na hindi sang-ayon sa tributo, polo y servicio at reduccion ay lumikas at nanirahan sa kabundukan.
Ang mga paring Recoletos ni San Agustin ay dumating sa Samar noong 1585 samantalang ang mga Heswita ni San Ignacio ay nagtayo ng mision religioso noong 1596.
Mahalaga ang cabecera ng mga Heswita sa Palapag at ang pueblo ng Capul sa kalakalang galleon ng Maynila at Acapulco (Mexico) mula 1565. Ang dalawang pook na ito ay nakaharap sa embocadero o Lagusang San Bernardino na tinawag na Tagbaloran ng sinaunang mga Samarnon. Ang Palapag ang daungan ng mga barkong paroo’t parito sa Mexico. Ang Capul naman ay pagawaan ng mga sasakyang-dagat bago pa ito ilipat sa Cavite, bunsod ng malimit na pagsalakay sa Samar ng mga Moro mula sa Mindanaw.
Ikinagalit ng mga Samarnon ang utos ni Gobernador-Heneral Diego Fajardo noong 1649. Inatasan niya ang alcaldes mayores ng Samar, Leyte at iba pang pulo sa Bisaya na magpadala ng mga manggagawang hahalili sa mga Tagalog at Kapampangan sa pagawaan ng mga sasakyang-dagat sa Cavite.
Nagngitngit ang mga Samarnon dahil sila naman ang pagsasamantalahan sa Cavite. Ayaw din nilang iwan ang kanilang sakahan, lalupa’t maaaring may mangyaring masama sa kanilang pamilya kung sakaling mawala sila. Isa sa mga Samarnong ito si Agustin Sumuroy, bihasang mandaragat na tanod sa kuta at daungan ng mga Espanyol sa Palapag.
Pag-aalsa sa Palapag
Gabi ng Hunyo 1, 1649 nang ilunsad ni Sumuroy ang Pag-aalsa sa Palapag. Pinatay niya si Padre Miguel Ponce Barberan sa kumbento, gamit ang isang sibat na kawayang bagakay. Nakaligtas ang mga paring sina Vicenzo Damiani, Giulio Aleni at Luis Gonzales na noo’y bisita ni Barberan. (Napatay din si Damiani sa Catubig noong Oktubre 1649.)
Kinaumagahan, nilusob ng mga Palapagnon ang simbahan ng Nuestra Señora de la Asuncion; sinamsam ang mga gamit na mapapakinabangan; at sinunog ang simbahan. Pinalayas nila ang natirang kaparian. Mga pari at simbahan ang napagbalingan nina Sumuroy dahil ang mga ito ang kumakatawan sa kapangyarihang Espanyol.
Mabilis na kumalat ang pag-aalsa sa mga karatig-pook gaya ng Catubig, Catarman, Pambujan at Bobon. Lumaganap din ito sa Camarines, Albay, Sorsogon, Leyte, Cebu, Zamboanga, Misamis, Agusan at Surigao.
Nagkuta sina Sumuroy sa Bukid san Bubuyaon, isang bundok sa Palapag. Mula doon, lumusob sila sa iba’t ibang dako ng Samar.
Sa utos ni Gobernador-Heneral Fajardo, sinikap sawatain ni Heneral Andres Lopez de Azaldigue ang pag-aalsa. Tinipon niya ang pinakamagagaling na sundalong Espanyol at Kapampangan at ipinadala sa Catbalogan, sentro ng Samar. Ang naturang mga tropa ay pinamunuan ni Capitan Gines de Rojas, enkomendero ng Catarman. Mula sa Catbalogan, sumugod sila sa Salog san Ubasan o Ilog ng Dolores noong Abril 1650. Doon sila nagkampo.
Mayo 1650, dumating sa Samar ang ilandaang Lutao mula Zamboanga, sa pamumuno ni Don Francisco Ugbo. Ang Lutao ay mga Samal ng Zamboanga na nahikayat magpabinyag sa mga Espanyol.
Nilusob ng mga Lutao ang kuta ni Sumuroy noong Hunyo 2, 1650 ngunit nahirapan sila. Kinabukasan na ng madaling-araw nang sila’y makapasok. Sugatan si Sumuroy sa naganap na labanan. Itinakas siya ng kababaihang asawa ng mga kapwa niya rebelde. Nadakip at pinatay ang kanyang ina na naroon sa kuta. Ang matandang babae ay ihinulog ng mga kaaway sa isang matarik na bahagi ng Bukid san Bubuyaon.
Ipinagkanulo si Sumuroy ng ilang kasamahang nagtraydor sa kanilang simulain. Noong Agosto 1650, ang magiting na lider ay sinibat at pinugutan ng ulo. Ibinagsak pa ang kanyang ulo sa paanan ni Rojas. Unti-unti nang nagapi ang pag-aalsang nagsimula sa Palapag, Samar at lumaganap sa maraming bahagi ng Pilipinas.
Mahigit tatlong siglo man ang lumipas, buhay si Sumuroy sa bawat Samarnon na nagmamahal sa Inang Bayan, naniniwala sa kalayaan at nagmimithi ng kaunlaran. Ayon nga sa “Himno san Nortehanon” na isinatitik ni Gob. Raul Daza ng Hilagang Samar, “Mga tulin kita ni Sumuroy ug sayo la tuna nga iroy natuo kita san kagawasan ug hingyap an kauswagan (Mga inapo tayo ni Sumoroy at iisa lang ang inang lupa sumasampalataya tayo sa kalayaan at mithi natin ang kaunlaran).”
Samarnon at dating punong patnugot ng The Catalyst, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, si Dan Esponilla Dalac.
balik sa itaas | sunod |