Taon 6 • Blg 22 • Hunyo 12, 2007

SAMU'T SARI , Hunyo 8, 2007
Ang proseso ng SDM | Carol Caludio 
Ang Linggong ito sa Kasaysayan


home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SAMU'T SARI
Pagpupugay sa mga ama sa Hunyo 17

Excited si Presto Suyat, tagapagasalita ng militanteng Kilusang Mayo Uno, sa darating na Linggo (Hunyo 17) dahil ito ang kanyang unang Father’s Day kasama ang kanyang isang buwang gulang na panganay na si Isabel Francesca.

Ani Presto, bagaman kinukulapulan ng komersiyalismo ang pagdiriwang ng Araw ng mga Ama at sabihin pang isa ito sa mga impluwensiya ng US sa ating kultura, hindi umano nito pinapasubalian na dapat bigyang pugay ang mga ama na may napakahalagang papel sa pagpapalaki sa kanilang anak o mga anak, gaya ng mga ina.

Katunayan, hindi komersiyalismo ang nagtulak para magkaroon ng pagdiriwang ng Father’s Day kundi ang wagas na pagpupugay sa mga amang walang kaparis na nag-aruga sa kanilang anak o mga anak.

Unang ipinagdiwang ang Father’s Day sa US noong Hulyo 5, 1908 sa Fairmont, West Virginia. Simple lang ang naturang selebrasyon – nagkaroon ng misa sa Williams Memorial Methodist Episcopal Church South na kilala ngayon bilang Central United Methodist Church sa mungkahi ni Grace Golden Clayton na gunitain ang mga amang namatay sa pagsabog sa isang minahan sa kanilang karatig bayan ng Monongah noong Disyembre 1907. Namatay sa insidente ang 361 kalalakihan, karamihan ay mga ama at dayuhang galing Italya.

Isa pang sinasabing inspirasyon ng pagdiriwang ng Father’s Day ay si Sonora Smart Dodd ng Creston, Washington.

Iminungkahi niya na magkaroon ng Father’s Day bilang pagpupugay sa kanyang amang si William Jackson Smart, beterano ng Civil War sa US, na nabiyudo matapos mamatay sa panganganak ang kanyang asawa. Solong pinalaki ni William sina Sonora at lima niyang kapatid sa kanayunan ng Spokane, Washington.

Hanga si Sonora sa pagpapapalaki sa kanila ng kanilang ama na umakto rin bilang kanilang ina.

Dahil dito, ginaya ni Sonora ang ginawa ni Anna Jarvis na siyang nagtulak na magkaroon ng Mother’s Day. Bagaman unang iminungkahi ni Sonora na gawing Hunyo 5 ang pagdiriwang ng Father’s Day, kasabay ng anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang ama, hindi na naasikaso ni Sonora ang pagtutulak na maipirmi ang naturang petsa kaya ginawa na lang tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo ang opisyal na pagdiriwang ng Father’s Day sa US na unang ipinagdiwang noong Hunyo 19, 1910 sa Spokane, Washington.

May nagsasabi namang noon pang 1839 ipinagdiriwang ang Father’s Day sa US bilang paggunita sa 123 amang nasawi sa Battle of Iransop.

Unang inirekomenda ni Pres. Calvin Coolidge na gawing national holiday ang Father’s Day noong 1924. Noong 1966, opisyal na itinakda ni Pres. Lyndon Johnson ang Father’s Day tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo ngunit naging opisyal na holiday lamang ito noong 1972, sa panahon ng panunungkulan ni Pres. Richard Nixon ng US.

Sa tradisyon naman ng Simbahang Katolikang Romano, ipinagdiriwang ang Father’s Day tuwing Marso 19, kapistahan ni San Jose, ama ni Hesukristo. Sa Germany, tinatawag itong Vatertag na ipinagdiriwang tuwing Araw ng Pagluklok ni Kristo sa langit o tuwing Huwebes 40 araw matapos ang Pista ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.

Walang pirming araw ang Father’s Day. Ipinagdiriwang ito sa iba’t ibang araw sa iba’t ibang bansa: tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo sa Argentina, Bangladesh, Bulgaria, Canada, Chile, China, Colombia, Costa Rica, Cuba, Cyprus, France, Greece, Hong Kong, India, Jamaica, Japan, Malaysia, Malta, Mauritius, Mexico, Netherlands, Panama, Pakistan, Peru, Philippines, Puerto Rico, Ireland, Singapore, Slovakia, South Africa, Sri Lanka, Trinidad and Tobago, Turkey, United Kingdom, United States, Venezuela at Zimbabwe; Hunyo 23 naman sa Nicaragua, Poland, at Uganda.

Sa paglipas ng panahon, nakisawsaw na rin ang mga kapitalista sa pagdiriwang ng Father’s Day. Samu’t saring promosyon o paglalako ng mga produkto ang isinasabay sa pagdiriwang nito bilang panregalo umano sa mga ama ng tahanan.

Gayunpaman, wala nang regalong hihigit pa para sa isang ama sa makapiling ang kanilang anak o mga anak at matiyak na maayos ang kanilang paglaki.

Tandaan din na ang Father’s Day ay hindi lamang para sa mga tatay kundi pati na rin sa mga stepfather, tito, lolo, o kuya na nag-aruga at nagpalaki sa mga bata.

balik sa itaas

Ang Linggong ito sa Kasaysayan

14 Hunyo
1945 Sa Labanan sa Besang Pass sa Cordillera, natalo ng puwersang Pilipino-Amerikano ang mga tropang Hapones ni Hen. Tomoyuki Yamashita. Hudyat ito ng pagkatalo ng Hapon sa giyera sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

15 Hunyo
1857 Si Vito Belarmino, lider-rebolusyonaryo sa Bicol noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ay isinilang sa Silang, Cavite. Siya ay namatay noong Hulyo 14,1933.

16 Hunyo
1951 Sa pambansang kumbensiyon ng Philippine Veterans Legion, binuo ang Namfrel (National Movement for Free Elections). Ang unang mga lider nito na sina Jaime Ferrer, Eleuterio Adevoso at Frisco San Juan ay pinag-hihinalaang may koneksiyon sa US Central Intelligence Agency.
1991 Huling araw ng pagputok ng Mt. Pinatubo sa Zambales, na sinasabing nagsimula noong Abril. Ang serye ang naitalang pinakamalakas na pagsabog ng bulkan sa buong mundo sa ika-20 dantaon, na puminsala sa klima ng buong daigdig. Ang mapaminsalang sulfur dioxide gas na ibinuga nito ay tumaas nang 20 kilometro sa stratosphere.

19 Hunyo
1861 Si Jose Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna. Lumaking palaisip, humantong ang kanyang talino sa usapin ng mga karapatang pantao ng mga Pilipino, kalayaan ng bansa at pag-unlad ng sambayanan. Bunga ng kanyang kritikal na panulat at mga ideya, siya ay hinusgahang subersibo at binaril sa Luneta noong Disyembre 30, 1896, ilang buwan matapos sumiklab ang rebolusyon sa pamumuno ni Andres Bonifacio.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006