Pagtaas ng piso’t presyo ng school supplies, gasolina’t LPG
Pinakamataas na tantos ng piso sa loob ng pitong taon”. Ito, mga mare, ang naghuhumiyaw na sabi ng balita.
Eh, ano ngayon! Wala namang nakukuhang biyaya ang ordinaryong mga mamamayang tulad natin sa patuloy na pagtaas na ito ng piso. At kung ikaw ay asawa, anak o kapatid ng isang OFW, nakakabahala pa nga ang balitang ito. Aba, bumababa rin yata ang halaga ng remitans na natatanggap natin. Malaking problema laluna sa panahon ng pagbubukas ng klase.
Aber, bumaba ba ang presyo ng school supplies? Nawala ba ang mga singilin sa pampublikong mga paaralan? Marami pa rin sa ating mga mare ang namumrublema kung saang lupalop kukuha ng pera. Ang dami ngang nakipag-away dahil ayaw tanggapin ng mga titser ang kanilang mga anak hangga’t hindi sila “nakakapag-downpayment” man lamang sa mga singilin.
Isa pa palang ehemplo ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina’t LPG. Simula nang matapos ang eleksiyon, halos apat na beses na yatang nagtaas ng presyo ng gasolina’t LPG. Ito ay sa kabila ng pagtaas ng piso.
Simula nga nang pumasok ang 2007 ay walong beses nang tumaas ang presyo ng gasolina at apat na beses naman ang sa LPG.
Naku, bumaba nga pala ang presyo ng mga produktong ito bago mag-eleksiyon. Pero sa kabuuan, mga mare, mas malaki pa rin ang itinaas kaysa ibinaba ng presyo ng mga produktong ito. Bumaba ng P1.80 ang presyo ng gasolina pero tumaas naman ito ng P4.80. Ang ibinaba naman ng presyo ng LPG ay P2.24 pero ang itinaas nito ay P2.84 lamang.
Samakatwid, mga mare, tumaas pa rin ang presyo ng gasolina ng P2.70 at ng LPG ng P0.56. Palabas lang yata naging pagbababa ng presyo ng mga produktong ito, hindi ba mga mare.
Kaya, para sa atin, mga mare ko, ang ipinagyayabang ng gobyernong pagtaas ng piso kontra sa dolyar ay malayung-malayo sa araw-araw na katotohanan ng ating buhay. Ito ay hindi nagdulot ni katiting na ginhawa laluna sa panahon ng pagbubukas ng klase.
nauna
| balik sa itaas |