Taon 6 • Blg 21 • Hunyo 8, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 30, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MAREKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
May nangangalingasaw sa Maguindanao

Tumawag ng pambansang atensiyon ang diumano’y panalong “12-0” ng administrasyong TU (Team Unity) sa GO (Genuine Opposition) sa Maguindanao at ang naiulat na malaganap at pakyawang pandaraya sa Lanao del Sur (kapwa probinsiya ng ARMM o Autonomous Region of Muslim Mindanao) Lumilitaw na ang resulta ng halalan sa malalayong lugar na ito, tulad noong 2004, ay susi sa pambansang operasyong dagdag-bawas para ipanalo ang mga kandidatong senador at party-list ng administrasyong Arroyo. 

Inuugat ni Andal Ampatuan Sr., makaadministrasyong gobernador ng Maguindanao at piyudal na warlord, ang di-kapanipaniwalang panalong “12-0” ng TU sa tradisyunal na gawi ng mga Moro sa pagpili ng mga pinuno. Kabilang dito ang ijima (konsensus) at shura (konsultasyon). Sinasabi niyang katumbas ng mga ito ang “command vote” ng ibang grupong relihiyoso tulad ng Iglesia ni Kristo – kung saan masunurin ngunit kusang pinipili ng mga botante ang mga kandidatong inindorso ng kanilang mga lider.

Sadyang hindi maaasahan ang malayang ehersisyo ng indibidwal na karapatan sa pagboto sa isang lugar na ang pampulitikang kapangyarihan ay monopolisado ng isang piyudal na warlord, na ang angkan ay kumokontrol sa ekonomiya, pulitika at maging sa relihiyon at kultura – sa napakalawak na teritoryong ang populasyong botante ay humigit-kumulang 300,000. Ngunit ang grabe at hindi kapanipaniwalang panalong “12-0” ng TU na inialay ni G. Ampatuan – na nakaambang tanggapin at iproklamang lehitimo ng Comelec – ay nangangamoy sa manipulasyon at pandarayang ginawa sa pinakamatataas na antas.

Inamin ni Comelec (Commission on Elections) Chairman Benjamin Abalos na, sa kasaysayan, napakahirap mag-eleksiyon sa ARMM sa tindi ng labanan ng lokal na mga kandidato. Pero wala siyang makitang dahilan para maghinalang may seryosong mga anomalya na sisira sa resulta. Parurusahan pa nga raw niya ang mga nagdududa sa integridad ng eleksiyon sa Maguindanao kung wala silang “ebidensiya.”

Ang totoo, naglabasan na ang nakababahalang mga testimonya na dapat magtulak sa Comelec na umaksiyon. Halimbawa, ayon sa apat na election inspector na ihinarap ng oposisyon bilang saksi, mahigit 100 election inspector ang puwersahang dinampot at idinetine ng tatlong gabi at dalawang araw, at pinagawa ng mga boto para sa isang kandidatong meyor at mga kandidatong senador ng administrasyon. Isang miyembro ng BEI, sa kanyang sinumpaang salaysay, ang nagsabing hindi pa nakokolekta ng itinalagang opisyal ng Comelec ang mga Election Return (ER) at 38 urno ng balota sa Pagalungan, Maguindanao. Ayon sa kanya, ang 190 na ER na hindi pa nakaka-canvass ay naglalaman ng boto ng walo sa 12 barangay sa munisipalidad.

Dagdag pa rito, ang mga volunteer ng PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting) at Namfrel (National Movement for Free Elections) – na tanging citizens’ arms na kinilala ng Comelec at binigyan ng karapatang tumanggap ng opisyal na mga kopya ng mga ER – ay ganap na binara kaya hindi nila nakuha ang kopya ng mga ER man o COC (Certificate of Canvass).

Sa isang nakakatawang bahagi ng panalong “12-0” ng TU sa Maguindanao, tila ilan sa mandarayang aktuwal na naghokus-pokus sa mga resulta ang nagkamali ng unawa sa panawagan para sa “12-0.” Akala nila, literal na tatanggap ng botong zero ang mga kandidato ng GO – na hindi uubra at sadyang imposibleng mangyari, sa estadistika at pulitika.

Samantala, nagdeklara ang lahat ng grupong bantay sa eleksiyon na ang halalan sa Lanao del Sur ay pinutakti ng sanlibo’t isang anomalya at ilegal na gawi – mula sa malawakang pamimili ng boto at pagmanupaktura ng balota hanggang sa lantarang hindi tamang pagbilang at pag-canvass ng mga boto. Nilapastangan ng lahat ng ito ang kabanalan ng balota, sinira sa puntong hindi na kayang kumpunihin ang integridad ng resulta. Hindi napigilan maging ng pagdagsa ng di-karaniwang bilang ng mamamayahag sa masmidya, gayundin ng grupong bantay sa halalan, ang malawakang pandaraya.
Sino ang dapat sisihin sa kalunus-lunos na kalagayan ng eleksiyon sa Muslim Mindanao?

Malinaw na nakaatang ang pananagutan sa Comelec ni Abalos at administrasyong Arroyo. Ang totoo, hindi na bago ang nalantad na pamemeke ng eleksiyon sa Maguindanao, Lanao del Sur at iba pang probinsiya ng ARMM. Ito ang naganap noong eleksiyong 2004 at siya na ring kondukta ng eleksiyon sa mga probinsiyang ito sa napakahabang panahon. Ni hindi kumibo ang gobyerno sa Maynila dahil ang ganoon ay napakainam para manipulahin ang boto pabor sa sinumang maraming rekurso at humahawak sa kapangyarihang pampulitika – na sa pagkakataong ito ay malinaw na administrasyong Arroyo at mga kandidato ng TU.

Sa yugtong ito, mahihirapan na nang husto ang rehimeng Arroyo na gamitin ang may-dungis nang resulta sa ARMM para baligtarin ang pangunguna ng oposisyon sa karerang pangsenador. Nariyan pa rin, gayunman, ang panganib na sina Cayetano, Trillanes at Pimentel ng GO ay palitan nina Zubiri, Recto at Pichay ng TU. (Tumanggap na si Defensor ng pagkatalo). Kung magkakagayon, muling maipakikita ng sindikato ng dagdag-bawas na kumikilos sa Muslim Mindanao ang kahindik-hindik nitong kapangyarihan. 

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 1-2 Hunyo 2007

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006