Taon 6 • Blg 21 • Hunyo 8, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 30, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MAREKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Direksiyon patungong kalayaan

May isang pasaherong bumaba sa Quezon City Hall. Hindi niya kabisado ang mga kalye sa lugar pero alam niyang malapit lang ang Kalayaan Avenue. Nagtanong siya sa isang nagtitinda ng diyaryo. At ang sagot sa kanya? “Pilipinas po ito. Walang kalayaan!”

Bagamat gawa-gawa ko lang ang kuwentong ito, may bahid ng katotohanan ang sa unang tingin ay biro ng ordinaryong mamamayan.

Kung gusto mong hanapin ang kalayaan, hindi ito makikita sa pamahalaan. Wala pang naging pangulo ng Pilipinas na hindi katanggap-tanggap sa Estados Unidos (EU) kaya kailangan ang basbas ng White House para sa mga nag-aambisyong maupo sa Malakanyang. (Kung gusto mong maghanap ng ebidensiya, basahin mo ang mga sinulat nina Renato Constantino at Teodoro Agoncillo tungkol sa kontemporaryong kasaysayan ng Pilipinas mula 1946.)

Kahit na napawalang bisa noong 1992 (batay sa desisyon ng Senado noong 1991) ang Military Bases Agreement of 1947, nananatili pa rin ang iba pang kasunduang militar sa EU tulad ng Military Assistance Agreement (MAA) of 1947, Mutual Defense Treaty (MDT) of 1951, Visiting Forces Agreement (VFA) of 1999 at Mutual Logistics and Support Agreement (MLSA) of 2002.

Sa pamamagitan ng mga ito, patuloy na nakatali sa interes ng EU ang pagpapaunlad sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa katunayan, nakasaad sa MAA na kailangan pang magpaalam sa EU bago bumili ng kagamitang militar mula sa ibang bansa. Ang MDT naman ay nagtutulak sa ating kampihan ang EU kung aatakihin ito ng ibang bansa. Sa madaling salita, ang sinumang kaaway ng EU ay dapat na kaaway rin natin.

Ang VFA naman, kasama ang MDT, ay nagsisilbing legal na batayan ng mga ehersisyong militar sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo. Nakita natin ang makaisang-panig na katangian ng VFA nang si Lance Corporal Daniel Smith na hinatulang nagkasala sa panggagahasa kay “Nicole” ay nasa embahada ng EU sa halip na nakakulong sa Makati City.

Malinaw naman sa MLSA na ang Pilipinas ay maaaring maging imbakan ng mga kagamitang militar ng EU. Ang sitwasyong ito ay mas malala pa noong mayroon pang mga base-militar sa Pilipinas. Sa ngayon, ang buong bansa ay nagsisilbi nang base-militar at hindi rin malinaw kung saan nakaimbak ang mga kagamitang militar ng EU. Alam din nating may polisiya ang EU na hindi kumpirmahin ang pagkakaroon ng mga armas nukleyar nito. Para saan pa’t may probisyon tayo sa konstitusyong nagbabawal sa pagpasok ng mga armas nukleyar sa ating bansa?

Sa larangan ng ekonomiya, napabalita noong “malaya” na tayo sa International Monetary Fund (IMF), partikular sa kontrobersiyal na structural adjustment program (SAP) nito na binubuo ng mga pang-ekonomiyang programa at polisiyang dapat ipatupad para makautang at makuha ang tinatawag na “seal of good housekeeping” na hinahanap ng iba pang institusyon at gobyernong maaaring magpautang. Pero mapapansing patuloy pa rin ang country program review ng IMF sa ating bansa dahil nakapaloob pa rin tayo sa post-program monitoring (PPM). Sa esensiya ay walang pagkakaiba ang SAP at PPM dahil patuloy pa ring nagdidikta ang IMF sa atin sa pamamagitan ng mga “rekomendasyong” kapag hindi naipatupad ay mawawala ang “seal of good housekeeping” sa atin.

Marami rin tayong masasabi sa kolonyal na katangian ng ating kultura. Sa halip na paunlarin ang ating kalinangan, patuloy na pinapalakas ang kaisipang kolonyal sa nilalaman ng midya at kurso sa paaralan. Nagsisilbi pa ring Kanluran ang pamantayan ng kagalingan, kaya nga kahit ang pamahalaan ay itinutulak ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Sa konteksto ng pamamahayag, ang mga organisasyong pang-midya na gumagamit ng Ingles ay tinitingnang akma sa tinaguriang mga thinking audience. Ang mga gumagamit naman ng Filipino ay tinatangkilik lang ng mahihirap at itinatakdang ang nilalaman ng kanilang balita ay tsismis, trivia, krimen at iba pang sensasyonal na pangyayari.

Mainam na suriin ang kasaysayan para malaman kung bakit, sa unang tingin, hindi pinapahalagahan ang kalayaan ng Pilipinas at lumalakas ang kolonyal na kaisipan sa paglipas ng panahon. Pumasok ang mga Amerikano sa panahong malapit nang magapi ng ating mga ninuno ang mga Kastila sa pagtatapos ng ika-19 na siglo. Matatandaang ang ating “kalayaan” ay ibinigay ng mga Amerikano noong Hulyo 4, 1946. Lumalabas na utang natin sa kanilang benevolent assimilation ang ating “kalayaan” sa kasalukuyan. Tinawag tayo noong little brown brother ng mga Amerikano dahil gusto nilang hubugin ang ating kaisipan ayon sa kanilang kagustuhan. Kaya huwag ka nang magulat kung bakit ang unang ginawa nila nang sakupin nila ang Pilipinas ay “paunlarin” ang sistema ng edukasyon at turuan tayo ng wikang Ingles.

Sa puntong ito, saan kaya matatagpuan ang kalayaan? Mainam na ipagpatuloy ang ating gawa-gawang kuwento tungkol sa taong nasa tapat ng Quezon City Hall na hinahanap ang Kalayaan Avenue: Matapos “mamilosopo” ang nagtitinda ng diyaryo, nilapitan niya ang isang mukhang estudyanteng nakasuot ng t-shirt na pula. Makahulugan ang kanyang naging sagot: “Pumunta ka sa kaliwa. Naroon ang kalayaan.”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006