Taon 6 • Blg 21 • Hunyo 8, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 30, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MAREKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Assumption of jurisdiction: kailan magpapatuloy?

Hindi itinatago ng uring manggagawa ang pagkamuhi nito  sa  AJ (assumption of jurisdiction) Order ng Secretary of Labor. Sa mga manggagawa, welga ang isa sa pinakaepektibong paraan upang wakasan ang pang-aapi ng kapitalista. Ngunit ano ang nangyayari kapag may AJ? Kapag ang isang welga ay binabaan ng AJ, iniuutos ng batas na kailangang tapusin ang welga at bumalik sa kanyang trabaho ang manggagawa. Kung hindi pa ito nasisimulan, kailangang huwag nang ituloy. Ang magpapatuloy sa welga ay ituturing nang tanggal sa trabaho.

Ang ganitong patakaran ay mahigpit at matagal nang tinututulan ng mga manggagawa. Sa kasamaang palad, sa mga desisyon ng Korte Suprema, lagi nitong pinapanigan ang AJ.

Ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong “Manila Hotel Employees Association vs. Manila Hotel Corporation”, G.R. No. 154591, Marso 5, 2001 ay nagpapakita ng bagay na ito.

Sa nasabing kaso, naghain ng “notice of strike” ang unyon sa Manila Hotel dahil umano sa “unfair labor practice” na ginagawa sa kanila ng manedsment. Hiningi ng manedsment sa Secretary of Labor na magbaba ito ng AJ upang ipagbawal ang nasabing strike. Ganoon nga ang ginawa ng Secretary of Labor at naglabas ito ng AJ.     

Pagkalipas ng tatlong buwan matapos ibaba ng Secretary of Labor ang AJ, ipinutok ng mga manggagawa ang welga.
Naglabas ng return-to-work order ang secretary pero anim na welgista lamang ang tumalima at bumalik sa kanilang trabaho. Nanatiling matatag ang iba at hindi iniwanan ang piket. 

Sa desisyong inilabas ng National Labor Relations Commission (NLRC), idineklara nito na ilegal ang nasabing strike dahil sa paglabag nito sa AJ Order.

Dahil ilegal ang nasabing welga, tanggal ang lahat ang opisyal ng unyon at walang makukuhang benepisyo sa kompanya. Hindi isinali ng NLRC ang mga  kasapi ng unyon sa dahilang walang patunay na sila ay nakatanggap ng notice tungkol sa inilabas na AJ at return-to-work order. Sa halip, iniutos ng NLRC na bayaran ang mga kasapi ng kanilang severance pay.

Hindi maatim ng kompanya na magbayad ng separation pay sa mga kasapi ng unyon, kaya iniakyat nito ang kaso sa Court of Appeals. Sa naging hatol ng Court of Appeals, sinabi nito hindi lamang ang mga pinuno ng unyon ang tanggal sa trabaho, kundi pati na ang mga kasapi nito dahil sa paglabag sa AJ. Ibig sabihin, wala nang matatanggap kahit katiting ang lahat ng sumuway sa utos ng Secretary of Labor. 

Hindi nawalan ng pag-asa ang unyon at iniakyat ang kaso sa Korte Suprema bilang korte ng huling hantungan.

Hindi natinag ang Korte Suprema sa paliwanag ng mga manggagawa. Idineklara nitong tama ang Court of Appeals sa desisyon nitong ilegal ang welga dahil sa paglabag sa AJ Order at lahat ng manggagawang hindi bumalik sa kanilang trabaho ay ituturing nang tanggal na at wala ni anumang makukuhang benepisyo.

Dalawa ang naging tuntungan ng Korte Suprema sa desisyon nito. Una, teknikalidad. Hindi raw awtorisado ang taong pumirma sa certification on non-forum shopping na kalakip ng petisyon na isinampa ng unyon. Pumirma siya bilang tagapangulo ng unyon  pero lumabas na napalitan na siya bilang chairman. Totoong may special power of attorney na ginawa ang mga kasapi na nagsasabing binibigyan siya ng karapatan para maging kinatawan nila pagdating sa kanilang kaso, pero ang special power of attorney na ito ay para sa ibang kaso at hindi sa kasong ito. Kaya dahil sa teknikalidad na ito, ibinasura ng bisa ng Korte Suprema ang kaso ng mga manggagawa.

Ngunit ang pangalawang dahilan ang mas matindi. Inulit ng Korte Suprema na kung ilang dekada na nitong ipinapaliwanag na may  kapangyarihan ang Secretary of Labor na magbaba ng AJ. Ang kapangyarihang ito ay ibinibigay ng batas sa Secretary of Labor at wala siyang katiwaliang ginagawa sa pagpapairal nito.

Ayon sa Korte Suprema, may batayan ang Secretary of Labor para maglabas ng AJ laban sa welga sa Manila Hotel. Tandaan natin, sabi ng Korte Suprema, na ang Manila Hotel ay hindi lamang nagbibigay ng trabaho sa mahigit 700 empleyado nito kundi nagbibigay rin ng malaking buwis sa pamahalaan. Walang duda na ang patuloy na welga sa Manila Hotel ay may masamang epekto hindi lamang sa mga empleyado nito kundi pati na rin sa gobyerno. Kaya, tama ang Secretary of Labor sa pagpapatigil sa welga rito. 

Ang pagsunod sa AJ, paliwanag ng Korte Suprema, ay isang tungkulin sa bahagi ng mga manggagawa. Kailangan ang kanilang maagap na pagtalima sa tungkuling ito. Ang hindi pagtalima rito ay mangangahulugan ng pagkatanggal nila sa trabaho. Ang patakarang ito ay mahigpit na ipinapatupad, sabi ng Korte Suprema.

Hindi puwedeng gawing katwiran ng mga manggagawa na hindi nila alam ang AJ at return-to-work order na inilabas kaugnay nito, sabi ng Korte Suprema. Binigyan sila ng kopya nito sa isang mandatory conference na ipinatawag ng Department of Labor and Employment. Dinala rin ito sa picket line upang tiyak na matanggap ng mga manggagawa.
Hindi rin puwedeng sabihin ng mga mangagawa na hindi sila pinapasok ng manedsment. Kung totoo ito, sabi ng Korte Suprema, dapat ay nagsampa sila ng kasong illegal lock-out laban sa manesdment. Ngunit hindi nila ito ginawa.

Sa naging desisyon ng Korte Suprema, maliwanag na wala itong balak na ibasura ang AJ. Kung ganoon, tiyak na magpapatuloy ang paggamit dito upang sagkaan ang karapatan ng mga mangagawa na magwelga.

Nangangahulugan ba ito ng paghina ng welga bilang pinakamabisang armas ng mga manggagawa?

Kung ako ang tatanungin ay hindi, mga kasama. Isipin natin na ang batas ay isa lamang sa mga bagay na isinasaalang-alang ng mga manggagawa sa pagpapasya kung itutuloy ang welga. Hindi sa lahat ng sitwasyon ay batas ang mapagpasya.

May mga sitwasyong mas mapagpasya ang lakas ng pagkakaisa.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006