
Pambansang Trahedya
DAHIL pinakamahalaga ang buhay ng tao, hindi mapagtatakpan ng anumang pag-unlad ng pambansang ekonomiyang itinatambol ngayon ng Malakanyang ang mga kaso ng pagdukot, pagpatay na pampulitika, at iba pang mga paglabag o pagsalaula sa mga karapatang pantao. Gaya rin ng kontrobersiyal na “Hello Garci” na pilit inililibing sa limot, parang malaking anino itong laging nakabuntot kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Saanmang panig ng mundo siya magpunta – sa Japan man, New Zealand, Australia o sa Europa at Amerika – tiyak na ibabalandra sa kanyang mukha ang naturang hindi masugpo’t malutas na mga kaso.
Mula nang maluklok sa kapangyarihan noong 2001 si La Gloria, umabot na ng 863 ngayon, batay sa mga ulat, ang bilang ng mga naging biktima ng mga pagpatay na pampulitika at 197 naman ang naitalang dinukot. Hindi pa nga kasama dito ang karaniwang mga pagsalaula sa mga karapatang pantao. Tiyak, sabi ng mga kritiko ng rehimen, madaragdagan pa ang naturang mga bilang kapag ipinatupad na sa Hulyo ang HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo na hindi malayong abusuhin ng mga militar na utak-bandido at ng mga basalyos ng rehimen na labis na naghahangad na mapanatili sa kapangyarihan hanggang 2010 — o higit pa — ang kanilang amo.
Ilan – kung mayroon man – ang nalutas nang mga kaso ng pagpatay na pampulitika? May nahuli ba at naparusahang mga kriminal? Sa mga dinukot, ilan ang nakabalik nang buhay? Ilan ang nakita man lamang kahit kalansay? Ilan ang lihim na nakakulong, at pinahihirapan, sa mga tagong bilangguang pinamamahalaan diumano ng mga militar? Sa kabila ng sinasabing pag-iimbestiga ng mga awtoridad at pinalilitaw na pagkondena ni La Gloria sa gayong brutalidad, maliwanag pa rin sa opinyon publiko –- maging sa mata ng pandaigdig na mga organisasyong nagmamalasakit sa mga karapatang pantao – ang kainutilan ng kasalukuyang rehimen na lutasin ang mga kasong ito at, lumilitaw, na kunwa-kunwarian lamang ang mga pahayag at hakbang ng pambansang liderato laban dito.
Kahit tinutuligsa na ng UN (United Nations) at EU (European Union) ang nasabing mga kalupitang nangyayari sa bansa laban sa sagradong buhay ng tao, pinalitaw pa kamakailan ni Sekretaryo Norberto Gonzales, tagapayo ni GMA sa pambansang seguridad, na “may simpatiya ng mundo ang gobyerno ng Pilipinas sa nangyayaring mga pagpatay na ito.” Buong tiwala pa niyang itinanong: “Nakarinig na ba kayo ng alinmang bansang kumukondena sa Pilipinas?” Hindi kaya nagbabasa ng peryodiko si Gonzales at hindi rin nakikinig sa pandaigdig na mga balita?
Pebrero pa nga lamang, nagpahayag na ng pagkabahala ang mismong embahador ng Estados Unidos dito na, kung tutuusin, ay “kaibigan” ng gobyerno ng Pilipinas dahil na rin sa imperyalistang mga layunin ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo at pagpapakasangkapan, sa kabilang banda, ng kinauukulang pambansang liderato. Hinikayat noon ni Embahador Kristie Kenney ang administrasyon ni La Gloria na “gawin ang lahat para imbestigahan at kasuhan ang lahat ng mga responsable” sa mga pagpatay na iyon. “Nababahala kami,” sabi niya. “Seryoso kami sa nangyayaring mga pagpatay… Napakahalaga ng mga karapatang pantao sa bawat bansang demokratiko.”
Batay marahil sa ulat ni Philip Alston, kinatawan ng UN na personal na nag-imbestiga sa mga bagay na ito at nag-ulat na maaaring may kinalaman ang militar sa walang patumanggang mga pagpatay na pampulitika, sinabi tuloy ni Eric John, pangalawang kalihim ng estado, na responsable si Presidente Macapagal-Arroyo sa ginagawa ng mga puwersa ng gobyerno at sa tumitinding paninikil at pananalakay laban sa mga kalaban ng kanyang administrasyon. Kamakailan lamang, isang resolusyong nagkakaisang pinagtibay ng mga bumubuo ng parlamento ng EU ang nananawagan kay Presidente Macapagal-Arroyo na wakasan ang mga pagpatay na pampulitika at parusahan ang mga kinauukulan.
Nang magliwaliw noong isang linggo si La Gloria para pabanguhin ang Pilipinas at ang kanyang rehimen upang maakit na mamuhunan sa bansa ang dayuhang mga kapitalista, naipahayag din ni Embahador Tony Hely ng Australia na nababahala ang kanyang bansa, at maging ang New Zealand, tungkol sa kabi-kabilang mga pagpatay na pampulitika at mga pagsalaula sa mga karapatang pantao sa Pilipinas. Ibig niya tuloy malaman kung paano lulutasin ito ng mga awtoridad, lalo na ni La Gloria, at kung paano din maparurusahan ang mga kriminal.
Hindi pa nga kaya sapat ang gayong mga panawagan para puspusan at totohanang kumilos ang kasalukuyang rehimen upang lutasin at wakasan na ang marahas, madugo at malagim na kabanatang ito sa kasaysayan ng bansa? Bagaman lumilitaw na ligtas na si La Gloria sa anumang bagong banta ng “impeachment” dahil mayorya na naman sa Kamara ng Kongreso ang kanyang mga basalyos, batay sa resulta ng malasarsuwelang eleksiyon, at dami ng mga kakampi ang humahatol sa gayong kaso – ayon kay Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita – hindi nga prinsipyo’t paninindigan sapagkat salat sa mga bagay na ito ang mga kinauukulan, hindi kaya magtuluy-tuloy pa ang gayong mga paninikil, kalupitan at karahasan kapag nanganganib na mapatalsik sa poder ang Reyna ng Malakanyang?
Hindi maikakaila, patuloy at tumitindi ang mga tinig ng protesta at paghingi ng pambansang pagbabago ng iba’t ibang mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan laban sa sinasabing mapanikil, mapanlinlang, makadayuhan, nanalaula sa demokratikong mga proseso, kontra-mamamayan, arogante at sugapa sa kapangyarihang rehimen kaya, sa kabilang banda, hindi nga katakataka – sa kabila ng mga pagtuligsa at panawagan – na umiral pa ang mga pagpatay na pampulitika at mga pagsalaula sa mga karapatang pantao alang-alang sa makasariling mga interes.
Kailan matatakasan ni La Gloria ang anino ng pamamaslang na pampulitika? Nakaamba pa ngang ipatupad sa Hulyo ang HSA o batas kontra-terorismo na, hindi na kagulat-gulat, gamitin pa at abusuhin ng mga kinauukulan laban sa mga kritiko’t kalaban sa pulitika ng administrasyon. Sabi nga, habang nasa poder si La Gloria at nakabuntot ang naturang anino, mawawalang-saysay lamang ang anumang pag-unlad ng pambansang ekonomiya. Ang hindi masugpo’t malutas na mga pagdukot at pagpatay na pampulitika, at pagsalaula sa demokratikong mga proseso’t paglabag sa mga karapatang pantao ang maaaring magdulot, kung malaon, ng pambansang trahedya.
balik sa itaas |