Taon 6 • Blg 20 • Mayo 30, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 22, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG LANSANGAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Halalan bilang larawan ng kabulukan

Hindi porke’t nangunguna ang karamihan sa mga kandidato ng oposisyon sa pagkasenador ay masasabing malinis na ang halalan. Ang mga nagsasabing ebidensiya ng “makabuluhang pagbabago” sa elektoral na sistema ang tagumpay nina Grace Padaca at Fr. Ed Panlilio sa pagkagobernador sa Isabela at Pampanga – at maging ang pagkatalo ni Virgilio Garcillano bilang kongresista sa unang distrito ng Bukidnon – ay hindi nakikita ang pangkalahatang larawan ng naging kalakaran sa nakaraang eleksiyon.

Ang mga imaheng bumubuo ng “larawan” ay sari-saring eksena ng panlilinlang at pang-aabuso sa kapangyarihan – bago pa man ang mismong araw ng eleksiyon. Matatandaang ipinagbawal noon ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapalabas ng mga survey na may kaugnayan sa eleksiyon pero binawi rin ito nang ipaalala sa Comelec na matagal nang may desisyon ang Korte Suprema na pumapabor dito.

At nang lumabas sa mga media count ng mga istasyong ABS-CBN at GMA na nangunguna ang mga nasa oposisyon, sinabihan din sila ng Comelec na itigil na ang sarili nilang bilangan ng boto. Trabaho raw kasi ito ng National Movement for Free Election (Namfrel) na siyang binigyan ng akreditasyon ng Comelec. Pero kahit ang mga opisyal ng Namfrel ay nagrereklamo sa kawalan ng kooperasyon ng Comelec sa agarang pagbibigay sa kanila ng ika-anim na kopya ng election returns (ERs) na siyang batayan ng kanilang pagbibilang.

May pagkakataon pa ngang naging mas mabilis pa ang bilang ng Comelec kumpara sa Namfrel na siyang dapat na nagsasagawa ng quick count. Habang isinusulat ito, halos pareho lang ang porsiyento ng kabuuang presintong nabilang na ng Comelec at Namfrel. Sa tingin mo, bakit kaya masyadong matagal ang pagbibigay ng ika-anim na kopya ng ERs?

Tungkol naman sa ERs at iba pang election paraphernalia, hindi ba’t naiulat din ang diumanong sobra-sobrang pag-iimprenta, mga kopyang nawawala at mga hindi awtorisadong taong nakapasok sa lugar na inimprenta ang mga ito? At sa mismong araw ng eleksiyon, napakaraming kaso ng ninakaw, naglaho at muling lumitaw na election paraphernalia. Kahit ang indelible ink, ayon sa mga ulat, ay natatanggal sa pamamagitan ng alkohol o tubig at sabon.

Hindi tuloy nakakagulat na ang nangyaring sunog noon pang Marso 11 sa lumang opisina ng Comelec ay pinagsususpetsahang bahagi ng paghahanda ng administrasyong Arroyo para mandaya. Maraming hindi naniniwala na ang mga natupok na dokumentong nasa lumang opisina ng Comelec ay hindi mahalaga at luma na.

Bagama’t nanalo si Padaca – pero hindi pa naipoproklama habang isinusulat ito dahil sa protesta ng kanyang katunggali – at binuwag niya sa ikalawang pagkakataon ang pulitikal na dinastiya sa Isabela, hindi naman ganito ang kaso sa iba pang lugar. Marami pa ring lumang mukha na patuloy na namumuno sa lokal na antas, at marami sa mga bago ay pamilyar naman ang apelyido.

At ano ang mensaheng hatid ng pagkapanalo ng isang pari bilang gobernador sa Pampanga? Tinalo niya ang isang artista at isang maykaya, at malinaw na siya ang pinili ng mga tao. Pero nangangahulugan kaya itong ang mga pari ay hahayaan nang tumakbo sa mga susunod na eleksiyon? Ano na ang mangyayari sa simbahan sa pagkakataong ito, na dapat ay hindi direktang nakapaloob sa istruktura ng gobyerno? Bagama’t dapat hayaan ang mga pari, madre at iba pang alagad ng simbahang ilahad ang kanilang saloobin sa konteksto ng kabutihan ng nakararami, ibang usapin na ang direktang pamumuno sa pamahalaan.

Sa isang banda, ipinapakita ng pagkapanalo ni Fr. Panlilio na sadyang wala nang mapagpilian ang mga tao sa mga kandidatong tumakbo. Pero dapat tandaang ang nangyari sa Pampanga, na kung saan malinaw na nangibabaw ang kagustuhan ng mga botante, ay hindi nangyayari sa iba pang lugar.

Ang mga naiproklamang nanalo ay hindi nangangahulugang ibinoto ng mga tao. Marami sa kanila ay nananalo sa pamamagitan ng isang uri ng bilangang walang paggalang hindi lang sa prinsipyo ng matematika kundi sa sentimyento ng mga mamamayan.

Sa isang pahayag noong Mayo 24, sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na ang mga kandidato ng administrasyon ay nakuha ang 73 sa 81 posisyon (90 porsiyento) sa pagkagobernador, 203 sa 219 distrito (93 porsiyento) ng House of Representatives at 109 sa 119 posisyon (92 porsiyento) sa pagka-alkalde ng lungsod. Samantala, lumabas naman sa paunang ulat ng People’s International Observers’ Mission (People’s IOM) na marami itong nakalap na datos hinggil sa mga iregularidad sa nakaraang halalan. Kung iuugnay ang dalawang pahayag, malinaw kung sino ang nakinabang sa mga diumanong “iregularidad.”

At kung susuriin ang mahabang listahan ng katiwalian ng administrasyong Arroyo na nagresulta sa malawak na panawagan para patalsikin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, walang dahilan ang mga botante para iboto ang mga ineendorso ng administrasyon. Tanging sa pamamagitan lang ng pandaraya sila patuloy na manunungkulan.

Tulad ng nakaraan, ang halalan ay nagbigay lang ng limitadong partisipasyon sa mga progresibong kandidato at party-list group kaya nagkaroon ng ilang tagumpay. Pero sa pangkalahatan ay patuloy pa ring sinasalamin ng halalan ang pangkabuuang kabulukan.

Ito ang malaking larawang dapat tingnan para mamulat sa pangangailangang basagin ang katahimikan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006