Ngayong natalo na sa pulitika: Dapat atupagin ni Pacman
ang susunod na makakalaban
Priscilla Pamintuan
LIMAMPU na ang bilang matapos ma-
knockout, ayaw pa ring sumuko! Ito ang
biro ng manunulat sa isports na si Recah Trinidad matapos ang eleksiyon sa General Santos City kung saan tinambakan ni Darlene Antonino-Custodio si Manny Pacquiao sa bilangan. Sigurado na umanong talo ang pambansang kamao kalagitnaan pa lamang ng bilangan, pero ayaw pang sumuko ni Pacman. Kung sa bagay, sanay siya sa panalo. Buti na lamang, nitong nakaraang mga araw, nag-concede na siya. Patunay lamang ito na hindi naitransporma ni Pacquiao ang kapangyarihan sa ring tungo sa kapangyarihan sa halalan.
Hindi na marahil kailangang itanong pa kung bakit natalo si Pacquiao sa halalan. Bukod sa wala siyang anumang karanasan, naidikit pa siya kay Pangulong Arroyo sa panahong ibinabasura ng taumbayan ang mga kandidato ng pangulo.
Pero higit pa rito, pahiya rin ang mga kandidato sa iba pang puwesto na inindorso ni Pacquiao, tulad nina Ali Atienza at Lito Lapid. Kahiya-hiya ang pagkalampaso ni Atienza, na parang tukong dumikit kay Pacman sa mga parada nito sa Maynila matapos ang mga laban niya. Pumangatlo lamang si Atienza sa halalan sa pagka-alkalde sa Maynila, matapos kina Alfredo Lim at Danny Lacuna. Sa kabila ito ng katakut-takot na promosyon na ginawa ng kanyang ama, ang kasalukuyang alkalde na si Lito Atienza. Pero kung kahiya-hiya ang pagkatalo ni Atienza, lalo namang kahiya-hiya si Lapid. Kasalukuyang senador si Lapid na isinabak ng administrasyon sa Makati para tapatan ang lider ng oposisyon na si Mayor Jejomar Binay. Hindi taga-Makati si Lapid. Akala niya’y madadala sa pagiging artista niya. Ginamit pa si Pacquiao sa kampanya. Pero lampaso rin ang kinalabasan.
Naaalala tuloy ng manunulat naa ito ang wika ng isang kaibigan. Ang kaibigang ito ay empleyado sa isang kompanyang nagsasagawa ng sarbey kaugnay ng epekto ng endorsement ng artista/celebrity sa benta ng produktong iniindorso. Tulad ng inaasahan, si Pacquiao ang lumalabas na isa sa pangunahing mga endorser ng produkto sa bansa. Pero lumalabas din sa kanilang pag-aaral na hindi tumaas ang benta ng naturang mga produkto matapos ito iindorso ni Pacquiao. Lumalabas na hindi epektibong endorser ng produkto ang boksingero, sa kabila ng kanyang popularidad. ***
PERO sa kabila ng kanyang mga kahinaan at maling mga desisyon sa karera, si Pacquiao pa rin ang maituturing na pangunahing atleta ng bansa. Sa larangan ng boksing, siya ang naghawan ng landas para sa iba pang boksingerong Pinoy sa internasyunal na arena. Kabilang sa mga nabiyayaan ng tagumpay ni Pacquiao sina Rey “Boom Boom” Bautista, AJ “Bazooka” Banal, Brian “Hawaiian Punch” Viloria, at maging ang utol ni Pacman na si Bobby Pacquiao.
Inaasahang sa kabila ng kabiguan sa pulitika ay patuloy pa rin ang tagumpay ni Pacquiao sa boksing. Katunayan, isa sa pinaka-inaabangan ngayon sa mundo ng boksing ang susunod na laban ni Pacquiao. Hindi pa kasi sigurado kung sino, bagaman napakaraming fans at tagamasid sa boksing ang naghahangad na kaharapin na ni Pacquiao si Marco Antonio Barrera o di kaya’y si Juan Manuel Marquez.
Matatandaang tinalo ni Pacman si Barrera tatlong taon na ang nakakaraan, sa isang rubber match. Tabla naman sila ni Marquez sa pinakahuling laban nila. Natural, hanggang ngayon bitin na bitin ang mga fans sa kahihinatnan ng dalawang matchup na ito. Siguradong limpak-limpak ang kikitain alinman sa dalawang matchup ang matupad.
Sa ngayon, nahihirapan mapinal ng negosasyon ang dalawang kampo dahil, ani Bob Arum ng Top Rank, masyadong malaki ang hinihingi ni Marquez. Hindi pa rin naaayos ang gusot sa pagitan ng Top Rank at Golden Boy hinggil sa promosyon ng mga laban ni Pacquiao.
Pero dapat marahil ay isaalang-alang din ang hiling ng mga fans. Maging ang World Boxing Council, hinihiling na rin ang labang Pacquiao-Marquez. Panahon na marahil para gamitin ni Pacman ang bagong mga natutunang mga kaalaman sa pulitika at ipangampanya sa mga promoter niya ang labang ito.
balik
sa itaas |