| Mga nananalo, mga natatalo
sa mga taga-showbiz…
Angelica, pumalahaw sa iyak nang matsugi sa pagka-bokal
sa Laguna; Alma panalo sa Parañaque; Jestoni, nagrereklamo
KUNG maraming
nagrereklamong
kandidato mismo sa
nakaraang halalan dahil anila’y sa mga pandaraya o kahina-hinalang panalo ng kani-kanilang kalaban o aksiyon ng mga taong nagbibilang ng boto, marami ring konektado sa natatalong mga kandidato ang nagsisintir sa pagkatalo ng kanilang sinusuportahan.
Isa na rito si Ara Mina. Hindi makapaniwala si Ara na natalo ang kanyang amang si Chuck Mathay na kumandidatong kongresista sa Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Quezon. Pati ang mga kapatid sa ama ni Mina ay nagrereklamo at nagbabantay pa rin ng mga boto ng kanilang ama sa panahon ng bilangan.
Bagama’t naiproklama na ang kalaban ni Chuck na si Annie Susano ay maghahain pa rin sina Ara ng reklamo sa Comelec.
Nag-iiyak si Angelica Jones dahil natalo siya sa pagiging board member ng Ikatlong Distrito ng Laguna. Dinaya anya siya ng kanyang mga kalaban. Pati ang kanyang inang si Beth Jones ay nagtatatalak na sa telebisyon at asahan na magngangangawa pa siya sa darating na mga araw sa masaklap na kinasapitan ng kapalaran sa pulitika ng kanyang anak.
Talung-talo rin si Victor Wood sa pagka-senador at humihirit pa siya na may hokus-pokus sa bilangan samantalang ayon sa Comelec sa baha-bahagi at di-opisyal na bilangan ay nakaka-34,085 na boto ang singer sa pinakahuling ulat at maaaring madagdagan pa ito.
Sa tatlong naglalaban-laban sa pagka-bise-gobernador sa Batangas ay nangungulelat si Christopher de Leon. Pero tahimik lang si Boyet sa kanyang kasawian sa kauna-unahang pagkakataon sa pulitika. Kung gayon ay hindi matutupad ang kanilang tambalan ni Vilma Santos sa pagkabituin ng lalawigan dahil nanalo na si Vilma bilang gobernadora.
Bagama’t wala pang opisyal na pagtutol sina Cesar Montano, Tito Sotto at Richard Gomez sa resulta ng kanilang kandidatura sa pagkasenador ay marami ang nakikipaglaban sa ngalan nila bagama’t marami rin ang sumisisi sa kanilang desisyon na tumakbo.
Sumuko na si Manny Pacquiao sa kanyang kalaban sa pagkakongresista ng General Santos City na si Darlene Antonino-Custodio. Tinanggap na ni Pacman nang maginoo ang kanyang guhit ng palad sa pulitika at itutuon na lang ang pansin sa boksing.
Inirereklamo naman nang personal ni Jestoni Alarcon ang paglabas ng isang nuisance candidate sa pagkakongresista ng Rizal Province dahil nalito anya ang mga botante sa pagsulat ng pangalan sa balota kaya bagama’t siya ang nasa isip na iboto ay sa kanyang kapangalang Alarcon naisasalin ang balota kaya masasayang ang botong ‘yon ayon sa alituntunin ng Comelec.
Hindi makaariba si Anjo Yllana sa pagkakonsehal sa Parañaque City samantalang sa ikatlong pagkakataon ay talo si Gary Estrada sa pagka-mayor ng San Antonio, Quezon.
Maalab ang protesta ni Mark Lapid nang matalo siya sa labanan kay Fr. Ed Panlilio na naiproklama nang gobernador ng Pampanga, pero maginoo namang tinatanggap ng aktor ang kanyang kapalaran gayundin ang pagtanggap ng kanyang amang si Lito Lapid sa pagkaalkalde ng Makati City.
Alam ba ninyo na nasi-zero sa mga presinto sa Maynila ang mga kumakandatong bise-alkalde ng Maynila na sina Robert Ortega at Cita Astals samantalang nakakaungos nang malaking agwat si Isko Moreno na ngayon ay alam na ng lahat na siyang vice-mayor ng lungsod? Hindi rin nakalusot si Nadia Montenegro sa pagkakongresista ng Caloocan gayundin sa pagka-mayor si Rey Malonzo kaya kailangang mag-isip na sila ngayon pa ng mga paraan para magapi muli ang kapangyarihan sa lunsod.
Malakas ang hiyaw ng pagtutol ni Dodot Jaworski sa kanyang pagkatalo sa pagiging pinuno ng Pasig City kaya nagrereklamo na rin si Mikee Cojuangco. Humahataw naman si Herbert Bautista bilang bise-alkalde ng Quezon City kahit na nagkaproblema pa ang isang tauhan ni Aiko Melendez na humantong sa pagtatalo. Lumagpas naman ang mainitang eksena at kapwa nagpaumanhin ang bawat isa.
Congressman na si Dan Fernandez, mga giliw na mambabasa, sa Unang Distrito ng Laguna samantalang hataw rin si Marco Sison bilang bise-gobernador ng lalawigan. Lumalamang naman si Emilio Garcia sa pinakahuling bilangan pero hindi pa tiyak ang kanyang tagumpay.
Si Mon Ilagan pa rin ang mayor ng Cainta at si Kris Aquino ay nagdilang-anghel dahil nangunguna sa bilangan sa pagka-senador ang kanyang kuya na si Noynoy Aquino at si Sharon Cuneta ay nagbubunyi sa pangunguna ng kanyang asawang si Francis Pangilinan sa tunggalian sa Senado.
Pero mukhang malungkot si Vilma sa malayong puwesto ni Ralph Recto sa labanan bagama’t ang kanyang konsuwelo ay hindi pa tapos ang bilangan kaya may pag-asa pa ang kanyang esposo.
Malutong ang halakhak ni Mother Lily Monteverde dahil nasa nangungunang mga puwesto sa pagkasenador ang kanyang mga manok na binigyan pa niya ng presscon tulad nina Loren Legarda, Aquino, Antonio Trillanes, Francis Escudero at Ping Lacson.
Kahit ang manugang ni Ping na si Jodi Sta. Maria ay nagdiriwang sa maagang pagtatagumpay ng kanyang biyenan kaya ipinagsisigawan din niya sa buong mundo na hindi sila hiwalay ni Pampy, ang anak ni Lacson.
Si Strike Revilla ang bagong alkalde ng Bacoor, Cavite kahit siya ay ipinoprotesta ng mga kalaban. ***
Samantala, kung may nagdiriwang ay may nagdadalamhati at ang mga pamilya nina Kuya Cesar (Nocum), ang may boses na parang nanggagaling sa balong malalim at Yoyoy Villame ay tumatangis.
Sumakabilang-buhay na ang dalawang icon ng showbiz—si Kuya Cesar sa kanyang pagiging maestro sa radyo na sinundan ng milyun-milyong tagahanga at si Yoyoy bilang Hari ng Novelty Songs.
Alam ba ninyo na mula nang mamatay, mga ilang taon na ang nakakaraan, ang asawa ni Yoyoy na si Tess Villame ay sakbibi na ng lumbay ang komikerong mang-aawit?
Talagang mahal na mahal ni Yoyoy si Tess na namatay dahil sa kanser.
Samantala, ngayon ay mag-isa nang itataguyod ni Hanna Villame ang buong angkan ng Villame pero kakayanin naman ito ng magandang aktres.
Nagluluksa naman ang ABS-CBN Broadcasting Corporation sa pagpanaw ni Kuya Cesar dahil ang bandera ng istasyon ang tinaglay at iwinagayway ng mabunying announcer na tumanyag noong 1960s. ***
Hindi man kumandidato ay may hiwa ng pagkatalo ang buhay ni Ruffa Gutierrez dahil sa paghihiwalay nila ni Yilmaz Bektas, ang Turkong nag-alay sa kanya ng maharlikang buhay.
Bagama’t itinatanggi ni Ruffa na siya ay sinasaktan ni Yilmaz, malakas ang ugong na ang aktres ay dumaas ng pait at dusa sa piling ng lalaking inakala niyang mag-aalay sa kanya ng kaligayahan. Marami nang ginagawa si Gutierrez sa showbiz at ito ang gumagamot sa kanyang mga problemang personal.
Panalo naming maituturing ang pagkakadala ni Ruffa sa kanyang mga anak na sina Venice at Lorin sa Pilipinas mula sa Istanbul, Turkey dahil ang mga ito ang kanyang mga anghel de la guwardiya. ***
Magandang regalo kay Alma Moreno ang kanyang panalo bilang pangunahing konsehal ng Unang Distrito ng Parañaque City dahil birthday ni Ness noong ika-20 ng Mayo, ang petsa rin ng kapanganakan ni Lolit Solis na halos araw-araw ay may naghahandog ng birthday blowout sa kanya.
Happy Birthday Ness, at Tita Lolit!
balik sa itaas |