| Ika-28 ng Mayo, pandaigdigang araw
ng pagkilos para sa kalusugan ng kababaihan Pandaigdigang araw
ng pagkilos para sa kalusugan
ng kababaihan ang ika-28 ng Mayo, mga mare. Dalawang dekada nang ginugunita sa buong mundo ang araw na ito.
Sa ating sinapupunan yata nanggagaling ang salinlahi ng bayan. Siyempre, may malaking kinalaman sa ating pagbubuntis ang kalalakihan pero sa ating katawan lumalaki ang sanggol nang siyam na buwan at tayo ang nagluluwal nito sa mundo.
Kaya naman may mga pangangailangang pangkalusugan tanging atin lang, mga mare.
Kabilang dito ang kaalaman at serbisyong kaugnay ng a) kalusugan at nutrisyon ng nanay, sanggol at bata; b) family planning; k) prebensiyon at pamamahala sa impeksiyon sa bahagi ng katawang ginagamit sa reproduksiyon at sa mga sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik kasama na ang HIV/Aids; d) kalusugan ng mga tin-edyer at kabataan; e) eliminasyon ng karahasan sa kababaihan; at g) paggamot sa cancer sa suso’t iba pang bahagi ng katawang pangreproduksiyon.
Kaso, mga mare, hindi binibigyang-pansin ng pamahalaan ang mga pangangailangang ito. Halimbawa, ang family planning na kanilang isinusulong ay iyon lamang natural. Itinigil na ng pamahalaan ang libreng pamamahagi ng condom, pills, at IUD. Wala na rin itong libreng ligation at vasectomy. Paano tayo mahusay na makapipili ng pamamaraan ng family planning na angkop sa ating kalagayan at konsensiya kung limitado ang kaalamang ibinibigay sa atin?
At grabe, mga mare, ang kalagayan ng mga paanakan sa pampublikong mga ospital.
Hindi lamang masikip, madalas ay marumi rin. Tulad na lang ng kuwento ng ina ng isang batang namatay dahil sa sepsis sa Rizal General Hospital. Napilitan daw siyang mahiga sa kamang may buhay na dugo. Hindi raw pinansin ang kanyang pakiusap na linisin muna ito.
At wala nang makukuhang libreng paanakan sa gobyerno. Maski na sa Fabella Hospital na siyang kaisa-isang ospital na nakatutok sa pagbubuntis at panganganak ay kailangang ang pasyente ang bumili ng lahat ng pangangailangan sa panganganak simula sa bulak hanggang sa pampamanhid.
Mga mare, mayroon tayong karapatan sa mga serbisyong pangkalusugan laluna iyong may kaugnayan sa ating papel sa reproduksiyon. At may responsibilidad ang pamahalaang ibigay sa atin ang mga pangangailangan nating pangkalusugan.
Tapos na ang eleksiyon at iprinoklama na ang marami sa mga nanalo. Ngayon pa lamang, mga mare, hingian na natin ang mga nanalo ng commitment sa kalusugang pangkababaihan. I-pressure natin silang isama ito sa kanilang programa ng gobyerno. Tiyakin nating sila ay maglaan ng badyet para sa edukasyon at serbisyo kaugnay ng kalusugan laluna iyong pangkababaihan.
Sumulat, tumawag, mag-text at mag-organisa ng delegasyon sa kongresista ng inyong distrito, sa inyong mayor at gobernador para hilingin sa kanilang maglunsad ng programang pangkalusugan sa inyong lugar. At mga mare, ang pinakamahusay na panahon upang simulan ang ganitong kampanya ay sa ika-28 ng Mayo, ang pandaigdigang araw ng pagkilos para sa kalusugan ng kababaihan.
nauna | balik
sa itaas | sunod |