Taon 6 • Blg 18 • Mayo 18, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 18, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Protesta ng balota

Sa pagbubukas ng ika-14 na kongreso sa Hulyo, asahan nating magkakaroon muli ng impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Pero hindi tulad ng dalawang reklamong isinampa sa kanya noong 2005 at 2006 na parehong ibinasura ng mayorya ng House of Representatives, malaki ang posibilidad na maita-transmit sa Senado ang ikatlong reklamo ngayong taon.

Totoong hindi pa tapos ang bilangan at wala pang opisyal na proklamasyon para sa lahat ng nanalong kongresista at party-list group. Hindi ko man gustong pangunahan ang aktuwal na resulta ng pambansa at lokal na halalan, marami nang indikasyon ngayon pa lang sa tagumpay ng mga kritikal sa administrasyong Macapagal-Arroyo. (Alam ko ang magiging katwiran mo: Ibang usapin pa rin kung ang tagumpay na ito ay makikita sa aktuwal na bilangan!)

Kung susuriin ang exit poll ng Pulse Asia – gayundin ang sariling bilangan ng dalawang higanteng istasyon ng telebisyon at ang tinaguriang “quick count” ng National Movement for Free Elections (Namfrel) – ang botohan ngayong halalan sa pagkasenador ay protesta laban sa mga nasa kapangyarihan. Kumpirmasyon din ito ng naging resulta ng nakaraang mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS).

Ipinagmalaki noon ng mga opisyal ng pamahalaan na nasa kanila ang makinaryang kayang makapagbigay ng boto sa mga kandidatong tumatakbo sa ilalim ng Team Unity. Sinabi pa nilang sa lokal na antas, may tinatawag na mga command vote na gagamitin nila para masigurado ang 12-0 na panalo ng Team Unity. Habang isinusulat ito, nakita ang sinasabing kakayahan ng command vote ng administrasyon doon pa lang sa Maguindanao. Maaaring sa pag-usad ng mabagal na opisyal na bilangan ng Commission on Elections (Comelec), magkakaroon pa rin ng 12-0 na panalo ang Team Unity sa iba pang lugar, partikular sa Mindanaw na sa maagang bahagi pa lang ng kampanya ay sinabi na ng mga kandidato sa Genuine Opposition na maaaring matalo sila.

Pero sa pangkalahatan, mapapansing ang sinasabing makinarya ng administrasyon ay hindi kayang supilin ang malawakang pagbasura ng mga botante sa 12 kandidato sa pagkasenador ng Team Unity. Ang mataas na voter turnout na 65 hanggang 85 porsiyento (batay sa inisyal na datos ng Comelec) ay nagpapakita ng interes ng mga botanteng gamitin ang kanilang karapatan. Bagama’t hindi ganito ang kaso sa overseas absentee voting (OAV), ang mababang turnout sa iba’t ibang bansa ay dahil sa napakaraming aberya tulad ng kawalan ng sapat na impormasyon tungkol sa OAV at ang kalayuan ng mga embahada at konsulado sa kinaroroonan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.

Masasabi bang ang napipintong panalo ng oposisyon sa pambansang eleksiyon ay makikita rin sa lokal na halalan, lalo na sa House of Representatives na ang komposisyon ay mahalaga sa pananatili sa puwesto ni Macapagal-Arroyo? Sa aking palagay, ang direktang sagot sa tanong na ito ay “oo.”

Ang malawak na suportang nakuha ng mga nasa oposisyon ay dahil sa kanilang pagtuligsa sa mga nakaupo. Hindi rin siyempre nakatulong ang negatibong publisidad ng ilang opisyal ng gobyerno tulad ni Justice Secretary Raul Gonzales na nagsabing handa siyang magbayad ng P10,000 sa bawat kapitan ng barangay sa kanyang lugar sa Iloilo na makapagbibigay ng 12-0 na panalo para sa Team Unity.

Pero kailangan pa ring bantayan ang nangyayaring bilangan dahil maraming nagsasabing ang tunay o mas talamak na dayaan ay makikita sa lokal na halalan, partikular sa mga bubuo sa House of Representatives. Bagama’t sinabi na ng mga opisyal ng Comelec na mapayapa sa pangkalahatan ang halalan ngayong taon, hindi pa rin tayo dapat maging kampante.
Utang natin sa mga biktima ng karahasan sa halalang ito ang pagiging mapagmatyag, lalo na’t kung dumating ang sitwasyong ang mga naproklama ay hindi karapat-dapat. At kung mangyayari ito, makakaasa ang administrasyon sa iba’t ibang anyo ng protesta na labas sa paggamit ng balota.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006