| Malabong proyekto para maging project employee
Marami sa mga
manggagawa, lalo na ang
mga nagtatrabaho sa konstruksiyon, ang naturingang mga project employee. Ibig sabihin nito, pagkatapos ng proyekto, wala na silang trabaho. Ngunit ano ba talaga ang tamang pamantayan para mataguriang project employee? Makukunan natin ng aral tungkol sa bagay na ito ang kasong “PNOC-Energy Development Corporation vs. NLRC, et. al.,(G.R. No. 169353), na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Abril 13, 2007.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho sina Leonora at kanyang mga kasamahan sa isang malaking korporasyon na pag-aari ng gobyerno. Sumali sila sa unyon at nagsampa ng notice of strike. Bigla na lamang silang nakatanggap ng sulat mula sa manesdment na tapos na ang kanilang kontrata at wala na silang trabaho. Dahil dito, nagsampa ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter sina Leonora. Iginiit nila na sa tagal nang kanilang panunungkulan sa kompanya (humigit- kumulang tatlong taon), regular na mga empleyado na sila na hindi na maaaring tanggalin nang walang sapat na dahilan.
Pinanindigan ng kompanya ang ginawa nito kina Leonora. Ipinakita nito ang mga kontratang kanilang pinirmahan. Ayon sa kompanya, tapos na ang proyektong nakasaad sa kontratang pinirmahan nila. Natural na tapos na rin ang kanilang mga trabaho. Iginiit ng kompanya na sila ay mga project employees na maaaring tanggalin pagkatapos ng kanilang mga proyekto. Nakumbinsi ng kompanya ang Labor Arbiter at ibinasura ang kaso nina Leonora. Ayon sa desisyon ng Labor Arbiter, sila ay mga project employees nga at tapos na ang kanilang mga proyekto. Hindi naman nawalan ng pag-asa ang mga manggagawa at inapela ang nasabing desisyon sa NLRC (National Labor Relations Commission).
Sa NLRC, nabuhayan ng loob sina Leonora. Binaliktad ng NLRC ang kaso at ipinanalo ang mga manggagawa. Hindi naman nagpabaya ang kompanya at dinala ang kaso sa Court of Appeals. Nang matalo pa rin sa Court of Appeals, inakyat ng kompanya ang kaso sa Korte Suprema. Sa desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito kung kailan maaaring ituring na isang project employee ang isang manggagawa. Para maituring siyang project employee, dalawang bagay ang dapat tingnan, sabi ng Korte Suprema.
Una, kailangang kinuha ng kompanya ang manggagawa kaugnay sa isang partikular na proyekto. Kaugnay nito, dapat nakasaad sa employment contract ng mangagagawa kung ano ang proyektong ito. Pangalawa, kailangang nakasaad din sa kontrata ng manggagawa kung kailan matatapos ang proyektong kanyang pinagtatrabahuhan.
Hindi malinaw ang mga kontrata nina Leonora tungkol sa mga proyekto kung saan sila nakatalaga. Malabo o hindi maintindihan ang mga proyektong binabanggit sa kanilang mga kontrata. Halimbawa, sa kontrata ni Leonora, sinasabi lamang na siya ay naka-assign sa “PAL Operations”. Sa kontrata naman ng kanyang mga kasama, nababanggit naman na sila’y nakatalaga sa “Equipment Maintenance Section” o sa “Repair of All Equipments”. Mahirap tiyakin kung talagang mga project ba itong nakalagay sa kanilang mga kontrata.
Bukod pa rito, sabi ng Korte Suprema, paulit-ulit na ni-renew ng kompanya ang kontrata nina Leonora. Ito ay nagpapatunay lamang na ang kanilang ginagawa ay mahalaga para sa negosyo ng kompanya at hindi isang pansamantalang gawain lamang. Kung gan’un, sabi ng Korte Suprema, hindi maaaring ituring na project employee sina Leonora. Bagkus, dapat silang ituring na regular na empleyado na maaari lamang tanggalin kung may sapat at legal na dahilan.
Sa pagtanggal kina Leonora, sinasabi ng kompanya na natapos na ang kanilang mga proyekto. Ngunit nakita natin na hindi sila mga project employees. Samakatwid, walang batayan at ilegal ang kanilang pagkatanggal sa trabaho.
Inutusan ng Korte Suprema ang kompanya na ibalik sa kanilang trabaho at bayaran ng backwages sina Leonora.
Hindi ba malinaw kung anong proyekto ang nakasaad sa inyong kontrata, mahal naming mga mambabasa? Puwes, tulad nina Leonora, hindi kayo mga project employee. balik sa itaas | sunod |