Taon 6 • Blg 19 • Mayo 22, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 18, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANKOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Kailan Nga Ba?

GANITO na lang ba tuwing eleksiyon? Kailan ito matatapos?”

Ayon kay Carlos Medina ng Lente, isang grupong taga-asikaso ng mga usaping legal ng PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), iyon ang naghihinagpis na nasabi ng isang gurong ayaw pang ipabunyag ang pangalan sa takot na paghigantihan maging ang kanyang pamilya ng mga kinauukulan nang ibulgar nito kay Medina kamakailan ang garapalang pandaraya sa katatapos na eleksiyon sa Maguindanao.

Isinalaysay ng naturang guro kay Medina na siya, at iba pa niyang mga kasama, ang puwersahang pinasulat sa mga balota ng armadong mga guwardiya, at mga batang naglalaro naman sa bakuran ng paaralan ang pinapirma sa listahan ng mga botante. Ganito rin, sabi ng guro, ang ipinagawa sa kanila sa eleksiyong pampanguluhan noong 2004.

Nakagugulat nga na bisperas pa lamang ng eleksiyon, nakarating na sa PINOY WEEKLY ang balitang tapos na ang halalan sa Maguindano, 12-0 pabor sa Team Unity ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Nasabi rin agad ni Mossarat Qadeem, isang Pakistaning nagmamasid sa takbo ng eleksiyon sa bansa, lalo na sa Mindanaw, na “tapos na ang lahat… naihanda na ang tanghalan para sa isang minaniobrang eleksiyon.”

Nakagugulat ding si Luis “Chavit” Singson na taga-Ilokos, hindi si Sultan Jamalul Kiram na taga-Mindanaw, ang nanguna sa botohan sa Maguindanao. Lalong tumibay na talagang dinaya’t sinalaula ang mga balota doon nang sinadyang hindi pagkalooban ng ika-anim na kopya ng ER (election returns) ang NAMFREL (National Citizens’ Movement for Free Elections). Binilang pa nga ang mga boto hindi sa kinauukulang mga presinto, kundi dinala ang lahat ng urna sa kapitolyo ng Maguindanao.

Ang nangyaring ito sa Maguindanao ang pinakamalinaw na hokus-pokus ng mga salamangkero ng rehimen maipanalo lamang ang mga kandidato ni La Gloria sa pagka-senador, gayundin ang pagsisikap nitong mapalusot ang lokal na mga basalyos nito sa iba’t ibang bayan at probinsiya. Sapagkat lumilitaw na kasapakat pa ng mga mandaraya ang mismong mga opisyal ng Comelec o Komisyon sa Eleksiyon, batay na rin sa kabi-kabilang mga reklamo ng kung sinu-sinong kandidato, lalong nawalan ng kredibilidad ang komisyong sana’y mahigpit na tagapangalaga’t tagapagpatupad ng mga batas sa halalan.

Sa mata tuloy ng mga dayuhang nagmasid sa nangyaring eleksiyon sa bansa, kahangalan ang ipinangalandakan ng mga tambolero ng Malakanyang na “mapayapa, maayos, malinis at matapat” ang nagdaang halalan. “Puno iyon ng kalituhan, kaguluha’t karahasan at kung anu-anong pandaraya’t paglabag sa mga batas sa eleksiyon,” tuwirang sinabi ni Stefan Christoff, isang Canadian, batay nga sa kanyang mga naobserbahan sa mga lugar na kanyang pinuntahan. Halos ganoon din ang nabuong opinyon ng iba pang mga dayuhang nagmasid sa itinanghal na karnabal ng rehimen at, sa kanilang gagawing mga ulat, ibubulgar nila sa buong mundo ang lahat-lahat ng nasaksihan nilang mga anomalyang kaugnay nito.
Bagaman ipinakita ng mulat na mga botante ang matindi nilang pagkadismaya sa umiiral na rehimen, lalo na sa liderato ni La Gloria, nang itambak nila sa kangkungan ng pulitika – sa kabila ng pandaraya ng mga salamangkero – ang mga kandidatong basalyos ng Malakanyang (halimbawa’y sa Maynila, Makati at Pasay na lamang, at nakagugulat na maging sa Pampanga} – kahina-hinalang nagmamaniobra pa rin “ang mahiwagang mga kamay” sa Comelec. Kung sa bilang ng NAMFREL, laging kasama sa Magic 12 sina Alan Cayetano at Antonio Trillanes, unti-unting nalalaglag naman sila sa bilang ng Comelec habang pumapasok sa 12 sina Zubiri, Recto at Pichay, at humahabol pa si Defensor, samantalang naroroon na sina Angara at Arroyo.

Sabi nga, hindi pa tapos ang lahat hanggang hindi pa ipinoproklama ng Comelec – batay sa bilang nito – ang mga nanalo, lalo na sa pagka-senador. Sa larangan ng nakasusukang pulitika sa bansa sa kamay ng mga hari-harian sa lipunan at lideratong sugapa sa kapangyarihan, wala diumanong imposible at kayang salamangkahin ang lahat. “Kailan ito matatapos?” tanong nga ng gurong nagbulgar ng garapalang dayaan sa Maguindanao.

Kailan nga ba? Kung wala na ang bulok na Comelec at tiwaling mga opisyal nito? Kung hindi na diyus-diyosan sa lipunan ang iilang piling grupo ng mga tao? Kung hindi na doble-kara ang hustisya’t demokrasya? Sabagay, sa kabilang banda, maaari ngang linlangin nang isa o makalawa o makatlong ulit ang sambayanan ngunit, batay sa mga aral ng kasaysayan, hindi sila habang panahong napalilinlang sa mga abusado sa kapangyarihan at mapagsamantala sa bayan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006