Taon 6 • Blg 19 • Mayo 22, 2007

OFW, Mayo 18, 2007
Dayaan sa OAVPagbabasura ng OAV Hindi makatarungan – Migrante

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

Panukalang batas sa imigrasyon sa US hindi pampamilya

Umani ng batikos mula sa iba’t ibang grupo ng mga migranteng Asyano, kabilang ang mga Pilipino, ang bagong panukalang immigration policy ng US, na mas magbibigay-halaga sa kakayahang magtrabaho sa halip na relasyong pampamilya.

Pag-uusapan ngayong linggo ng Kongreso ng US ang bagong sistema na umano’y mas magbibigay nga pabor sa mga aplikanteng bihasa sa Ingles, nakapagtapos ng mas mataas na edukasyon, at may ispesipikong kakayahan sa pagtatrabaho.

Ilan sa mga tinitingnang reporma ay ang pagpapahinto sa pagbibigay ng mga permanent resident card ng US sa mga kapatid at anak ng mga citizen sa US at ng mga mayhawak ng green card, at pagbasura sa mga aplikasyong nakabatay sa mga relasyong pampamilya na isinumite simula Abril ng 2005.

Ang mga Pilipinong aplikante, halimbawa, ay naghihintay ng mahigit dalawang dekada bago maideklarang mga permanent residents ng US.

Ayon sa ilang grupo ng mga migranteng Asyano sa US, kontra-pamilya ang mensaheng bitbit ng bagong patakarang ito, at pinawawalang-halaga nito ang mahabang tradisyon ng Asyanong imigrasyon na nakabatay sa mga relasyong pampamilya.

Nililimitahan din ng panukalang patakaran ang bilang ng visa para sa mga magulang ng mga citizen ng US, at ang humigit-kumulang 90,000 taunang aplikasyon ay bababa sa 40,000.

Halos 2 milyon sa 14 na milyong migranteng Asyano sa US ang hindi dokumentado, maliban pa sa halos 2 milyong nakabinbing aplikasyon para sa permanent residency.

Sa kasalukuyan, 5 porsiyento ng kabuuang populasyon ng US ay binubuo ng mga Asyano, na tumaas ng 3.2 porsiyentos noong nakataang taon.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006