Balota sa Maguindanao, ‘dinoktor’ bago ang halalan
Kenneth Roland A. Guda
NALAMNAN na ng mga
boto pabor sa Team
Unity at lokal na mga
kandidato ang mga balota sa Maguindanao bago pa man ang pormal na botohan noong Mayo 14.
Isang kapitan ng barangay sa isang bayan sa Maguindanao na tumangging magpakilala ang nagsiwalat sa PINOY WEEKLY ng diumano’y malawakang dayaan sa probinsiya. Aniya, sapilitang pinasulat silang mga kapitan ng mga barangay ng lahat ng pangalan ng kandidato sa pagkasenador at lokal na puwesto ng administrasyon.
Isang linggo bago ang halalan, tinipon diumano ni Gob. Andal Ampatuan ang mga kapitan ng mga barangay sa buong probinsiya para utusan silang sulatan na ang mga balota.
“Nagpamigay sila ng sample ballot. Dito nakalagay ang dapat isulat na pangalan ng mga kandidato ng Team Unity at lokal na kandidato,” wika ng impormante. Aniya, napilitan lamang silang sundin ang utos dahil “lagot (sila) kapag hindi ito sinunod”.
Naganap ang dayaang ito sa buong Maguindanao, bagaman ilan sa mga lugar ng probinsiya ang nagsagawa ng botohan noong Mayo 14. Sinabi pa ng impormante na marami pang gustong magsalita para ilahad ang malawakang pandaraya sa Maguindanao. Gayunman, ayaw nilang ilantad ang kanilang pangalan at eksaktong lugar sa takot para sa kanilang seguridad.
“Batay sa ulat na nakuha namin, may botohan naman sa ilang erya ng Maguindanao pero hindi exactly iyong mga ibinoto ng mga tao ang lumabas sa resulta,” sabi naman ni Zaynab Ampatuan, (walang ugnay kay Andal Ampatuan), tagapangulo ng Suara Bangsamoro Party-list.
Sa Pagalungan, Maguindanao, naiulat din sa Suara ang pang-aagaw ng mga ballot box noong Mayo 14.
Iniutos ni Comelec (Commission on Elections) Chair Benjamin Abalos ang pagtigil sa pag-canvass sa mga boto sa Maguindanao. Hinihintay umano nila na mag-ulat sa kanila si Atty. Lintang Bedol, provincial election supervisor sa naturang probinsiya.
Isa si Bedol sa mga pangalang nabanggit sa Oplan Mercury Rising, isang plano diumano ng administrasyon na mandaya sa apat na rehiyon at 12 probinsiya ngayong halalan. Isiniwalat ito ng Bantay Boto, grupong bantay sa halalan ng retiradong mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, nagpatawag naman ng imbestigasyon si Abalos sa posibleng dayaan diumano sa Maguindanao. Pangungunahan ni Komisyoner Rene Sarmiento ang imbestigasyon.
Iniutos ni Abalos ang imbestigasyon matapos isiwalat ng PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang testimonya ng isang guro na umaming napilitan silang magsulat ng boto sa balota ilang oras bago magbukas ang presinto noong Mayo 14.
Inireklamo rin ng Namfrel o National Citizens’ Movement for Free Elections na hindi sila binibigyan ng kopya ng provincial election returns ng Comelec sa Maguindanao.
balik sa itaas | sunod |