Taon 6 • Blg 19 • Mayo 22, 2007

SURING BALITA, Mayo 18, 2007
Pagkatapos ng botohan, Matira ang matibay

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING BALITA

Progresibong mga party-list:
Tagumpay kahit madugong dinadaya

PATUNGONG provincial canvassing center sa San Fernando, La Union sina Luis Santos at Paula Espiritu, tanghaling tapat noong Mayo 17. Kapwa sila miyembro at canvassing watchers ng Kabataan Party-list. Papalapit na sa kapitolyo nang madaanan nila ang isang tsekpoint ng pulis at militar. Pinigil sila at hinanapan ng ID.

“Nandito na ang mga best friend mo,” sabi ng isang sundalo pagkakita ng kanilang ID.

Lumapit ang hepe sa dalawa. “Hindi kayo kailangan dito sa canvassing. Alis!” bulyaw ng pulis, habang abala ang iba pa sa paglilitrato at pagbibidyo kina Luis at Paula. Siyempre, nasindak ang dalawang kabataan. Napilitan silang lumisan.

May dahilan para matakot sina Luis at Paula. Nang araw ding iyon, nabalitaan nila ang pagkawala noong Mayo 15 nina Jun Bagasbas, 20, at Ronilo Vallevare, 16, tulad nilang miyembro at poll watcher ng Kabataan, sa Capalonga, Camarines Norte.
May mga saksing nakakita sa pagdukot sa kanila ng mga unimpormadong sundalo habang nagdadala ng pagkain para sa mga kapwa poll watcher sa Brgy. Old Camp, Capalonga. Kinabukasan, Mayo 17, natagpuan sina Jun at Ronilo, patay na at may tama ng bala, sa hangganan ng Brgy. Mataqui at Catabaguangan, Capalonga.

“Napakalungkot na araw ito,” himutok ni Raymond Palatino, pangulo at unang nominado ng Kabataan, nang mabalitaan ang sinapit nina Jun at Ronilo, gayundin nina Luis at Paula. Gayunman, hindi kaila sa kanila – at sa mga kapwa progresibong party-list tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, at Suara Bangsamoro – ang panganib sa kanilang buhay at pagwawagi, na alam nilang mula sa gobyernong Arroyo.

Pananakot, paninira, panggugulo
Kung taas-baba ang Bayan Muna sa canvassing, wala sa unang lima ang Anakpawis, at nakapako ang boto ng Kabataan at Suara, hindi nangangahulugang natatalo sila sa isang patas at demokratikong halalan. Nangangahulugan lamang na nagbubunga na ang kung-ilang taong madugong programa at operasyon ng gobyerno laban sa kanila.

Pinakamalubhang napinsala ang Bayan Muna, na nalagasan ng 130 miyembro (pinakahuling bilang noong Abril). Ang Anakpawis naman ay namatayan ng 44. Pinaslang din ng militar ang maraming miyembro ng Kabataan, Suara at Gabriela. At hindi lamang pamamaslang at pagdukot ang ginagawa laban sa kanila.

Sa Kamaynilaan, binuhusan ng tropa ng militar ang Payatas at Commonwealth, Quezon City, gayundin ang Tondo, Manila, kung saan malakas ang mga progresibo. Nagbahay-bahay ang mga sundalo, inuusig ang mga miyembro ng progresibong mga grupo, pinagbabawalan ang madla sa pagboto sa kanila.

Kaalinsabay nito ang pagpapalarga ng mga party-list na ipinorma kundi man suportado ng Malakanyang. Nitong Abril, ibinulgar ng Migrante International at Gabriela ang plano ng Office of External Affairs ukol sa pagpapatakbo ng mga nasabing party-list bilang pangontra sa mga progresibo.

Samantala, sa kabila ng pahayag na hindi lalahok ang kasundaluhan sa kampanya, abala ang Armed Forces of the Philippines sa pagkampanya para sa mga kandidato ng Team Unity. Iniutos pa nga ng mga opisyal nito ang pagboto sa Bantay Party-list ni retiradong Hen. Jovito Palparan, bulgar nina Sen. Panfilo Lacson at ilang retiradong opisyal. Ayon pa rin sa kanila, nakapaloob sa Oplan Mercury Rising ang buong kampanya ng pandaraya ng gobyernong Arroyo. Pangunahing target nito ang pagsabotahe sa boto ng Genuine Opposition at progresibong mga party-list. Sa naturang plano, itinakda ang operasyon sa Ilocos Sur, Pampanga, Camarines Norte, Cebu, Bohol, Leyte, Eastern Samar, Lanao del Norte, Davao del Sur, Lanao del Sur, Maguindanao at Sharif Kabunsuan.

Katuparan ng Mercury Rising?
Noong araw ng eleksiyon at sa sumunod na bilangan, marami sa mga probinsiyang nabanggit sa Mercury Rising ang lumabas sa mga ulat ng poll watchers ng progresibong mga partido bilang sentro nga ng dayaan. (Basahin ang Talaan 1.)

Noong Mayo 17, o tatlong araw matapos ang halalan, nakatanggap ang Task Force Poll Watch ng progresibong mga partido ng 156 na kaso ng iregularidad o pandaraya sa antas- presinto hanggang probinsiya. Kabilang sa mga pandaraya ang bawas-boto, lipat-boto, pag-aalis sa mga naturang partido sa opisyal na talaan ng kandidato sa Election Returns, at iba pa. (Basahin ang Talaan 2.)

“Halimbawa, sa bayan ng San Luis, sa aking home province sa Pampanga, itinala ng mga canvasser na zero ang boto ng Bayan Muna. Matapos lamang magprotesta ang mga saksi (tagasuporta ni Fr. Ed Panlilio) naibalik ang botong 339,” sabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Kabilang pa sa naitala ng Task Force Poll Watch: pagtanggal ng tala ng party-list sa Election Returns sa Malabang, Lanao del Sur; hindi pagbilang ng boto ng party-list sa Matanog, Sharif Kabunsuan; pagbebenta ng Election Returns sa Lanao del Sur; pagbabawas ng boto ng Suara mula 4,000 tungong 2,000 sa Tungawan, Lanao del Sur at Marawi City.

Instrumento ang militar
Sa obserbasyon ng mga miyembro ng Task Force Poll Watch, militar ang madalas na ginagamit sa pandaraya. Tinatakot nila ng mga poll watcher ng mga progresibo. Hindi nakakalahok sa pagbabantay ng boto ang mga ito dahil hindi pinapayagang pumasok sa mga canvassing center. Minsan, mga sundalo at pulis pa mismo ang aktibong nagbibilang ng boto. Nangyayari ito sa maraming lugar sa Mindanao.

“Unti-unting nabubunyag sa mga mamamayan ang maniobra at sabwatan ng militar at ilang opisyal at kinatawan ng Comelec at pananakot ng militar sa mismong mga BEI (Board of Election Inspectors) at BOC (Board of Canvassers) para huwag bilangin o bawasan ang boto ng progresibong mga party-list at huwag papasukin ang mga poll at canvass watchers sa mga presinto at canvass area,” pahayag naman ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa Bikol.

Ayon sa Bayan-Bikol, nanganganib na mabawasan ang mga boto ng mga progresibo kumpara sa botong nakuha nila noong halalang 2004. Sa kabila ng paglaki ng bilang ng mga rehistradong botante at paglawak ng kasapian ng progresibong mga grupo, marami ang hindi nakaboto, o natakot bumoto sa naturang mga partido, dahil sa militar.

Para naman sa nakadetineng Anakpawis Rep. Crispin Beltran, sigurado na ang tagumpay ng tatlo nilang kinatawan kung hindi sila dadayain. Batay sa tantiya ng kanilang kasapian, higit pa sa kinakailangang anim na porsiyento ang nakuha nila para makapagpaupo ng tatlong nominado sa Kongreso.

“Kinokondena namin ang mga atake sa Anakpawis at ang kasalukuyang mga hakbang para pahinain ang partisipasyon namin sa arenang lehislatibo sa pamamagitan ng pandaraya sa libu-libong boto na kailangan namin para manatili sa Kongreso,” ani Beltran.

Gayunman, sa kabila ng lahat ng dayaan, idineklara ng limang partido ang tagumpay nila ngayong halalan. Batay sa Exit Poll ng Pulse Asia, malamang na magtagumpay ang hindi bababa sa anim na kinatawan ng Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis. Hindi rin malayo na makakuha ng kinakailangang dalawang porsiyento ang Kabataan at Suara Bangsamoro.

“Kina Pangulong Arroyo at Heneral Hermogenes Esperon, sinasabi namin: Nagsalita na ang taumbayan. Sa pamamagitan ng boto nila sa aming mga partido, ibinasura nila ang masamang plano ninyo laban sa progresibong mga party-list,” ani Ocampo.

Talaan 1

Nabulgar sa mga lugar na ito ang aktibong paglahok ng militar at pulisya sa eleksiyon upang dayain at dahasin ang progresibong mga party-list at oposisyon.

1. Porac, Pampanga
2. Castilla, Sorsogon
3. San Luis, Porac, Isabela
4. Nasugbu at Taysan, Batangas
5. Dasmarinas, Cavite
6. Cordon, Cauayan, at San Luis Roxas, Isabela
7. Tuburan, Iloilo
8. Tubod, Lanao Del Norte
9. Palimbang, Sultan Kudarat
10. Baggao, Cagayan
11. Burgos, Ilocos Norte
12. Kolambugan at Tubod, Lanao del Norte
13. Roxas, Mindoro Oriental
14. Masbate
15. Guimba, Nueva Ecija
16. New Bataan, Compostela Valley
17. Gumaca, Lucena, Sariaya, Candelaria, Lucena, Pagbilao, Gen. Luna at Macalelon, Quezon
18. Alangalang at Tacloban, Leyte
19. North Cotabato
20. Marikina City
21. Makati City
22. Maraming bahagi ng Camarines Norte
23. Sa. Rosa, Laguna
24. Lavenzares, North Samar
25. Abuyog, Cagayan Valley
26. Puerto Prinsesa, Palawan
27. Tanauan, Batangas
28. Marawi City
29. Maraming presinto sa Lanao del Sur
30. Maraming canvassing area sa Isabela

 
Talaan 2

Mga uri ng paglahok ng militar at pulisya sa pandaraya at karahasan:

1. Pagdukot at pagpatay sa mga lider, kasapi at poll watchers ng progresibong mga party-list (PPL)
2. Ilegal na pananatili sa canvass areas
3. Panghaharas sa mga botante at pagpuwersa sa kanila na huwag bumoto sa mga PPL at sa halip ay bumoto sa Bantay, TUCP, Anad, atbp.
4. Pagdadala ng ballot boxes sa canvassing areas
5. Pagharang sa poll watchers ng mga PPL
6. Pagsisilbing bodyguard ng ilang kandidato
7. Presensiya ng APC at 6x6 trucks malapit sa lugar ng botohan at canvassing
8. Pagbibilang ng boto ng mga pulis
9. Pagsusunog sa mga presinto ng botohan
10. Ilegal na pang-aaresto sa mga poll watcher
11. Pananakot sa mga opisyal ng Comelec

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006