Taon 6 • Blg 18 • Mayo 18, 2007

LATHALAIN , Mayo 18, 2007
Sina ma'm at ang sagrado
Halalang Pinoy sa mata ng mga dayuhan
Dole sa New Antique: Meme na, mga inaalipin*

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
PANAYAM

Tambak ang `isang boto laban sa nakaupo’

Patuloy na tumatambak ang boto “laban sa nakaupo” at tila ang nakaupo ay mahihirapan nang makatayo. Maging ang spiritual adviser ni Pangulong Arroyo na si Bro. Mike Velarde ay nagsabing “dapat unawain ng Presidente ang kahulugan” noon.

Sa halalang pang-senador, iniiwan ng mga kandidato ng GO (Genuine Opposition) ang TU (Team Unity). Kung ang halalan ay isang referendum o pagpapasya sa pamunuan ni Gloria Macapagal-Arroyo, malinaw ang tindig ng mas nakararami sa mamamayang Pilipino.

Nasa mahigit kalahati pa lamang ang naitatala sa kabuuang bilang ng mga boto. Pero sinasabing siguradong panalo na ang nasa unang anim na puwesto, na taga-oposisyon lahat: sina Loren Legarda, Francis “Chiz” Escudero, Panfilo “Ping” Lacson, Manuel “Manny” Villar, Francis “Kiko” Pangilinan, at Benigno “Noynoy”Aquino III.

Simula nang mag-umpisa ang bilangan, halos hindi rin nawala sa Magic 12 sina Alan Peter Cayetano (GO), Joker Arroyo (TU), Gregorio Honasan (Independiyente), at Edgardo Angara (TU). Lumalaro naman sa ika-11 hanggang ika-15 puwesto sina Antonio Trillanes IV (GO), Aquilino “Koko” Pimentel III (GO), Juan Miguel Zubiri (TU), Ralph Recto (TU), at Prospero Pichay (TU).

7-3-2 o 8-2-2, pabor sa GO
Sa bilangan ng Namfrel(National Movement for Free Elections) at Comelec (Commission on Elections), hindi lumalayo sa 8-2-2 (8 GO, 2 TU, 2 Independiyente) at 7-3-2 (pabor pa rin sa GO) ang pormasyon. Kaya naman nang tanungin ng mga reporter sa lingguhang Kapihan sa Senado, makumpiyansang tinaya ni Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng GO, ang panalong 7-3-2.

Pinilit ni Tonypet Albano, tagapagsalita ng TU, na papabor sa administrasyon ang pormasyong 8-3-1 (pinakamataas) o 6-5-1 (pinakamababa). Aniya, maiiba ang takbo ng bilangan kapag pumasok na ang mga boto mula Visayas at Mindanao (gayong pumapasok na ang mga nasabing boto).

Malabo nang mangyari iyon, pakli ni Tamano sa nasabing pulong-balitaan, lalo na’t 55% ng mga boto ay nagmumula sa Luzon na baluwarte ng GO. Pansinin din na sa bilangan sa ilang probinsya sa Visayas, umano’y baluwarte ng administrasyong Arroyo, nanguna pa rin ang oposisyon.

Sa Leyte, walong kandidato ng GO, kumpara sa limang TU, ang pumasok sa Magic 12. Sa Silangang Samar, napunta sa mga taga-GO ang unang limang puwesto, habang nakapasok lamang ang mga taga-TU sa ika-pito hanggang ika-12 puwesto. Walong kandidato ng GO ang pumasok sa Magic 12 sa Iloilo, at anim naman sa Negros Occidental.

Umaasa ang TU na papabor sa kanila ang mga boto mula sa Mindanao. Ngunit batbat ang islang ito ng mga ulat ng pandaraya. Halimbawa, sa Maguindanao na may 289,000 rehistradong botante, nakakuha ang TU ng 12-0 at nanguna si dating Ilocos Gov. Chavit Singson. Tinutunggali ang resulta dahil umano’y halos walang halalan na naganap sa probinsya at hinarang pa ng mga opisyal ng Comelec ang kopya ng mga election return (ER) para sa Namfrel. Kaugnay nito, isang guro sa Maguindanao ang lakas-loob na nagsumbong sa Lente, ang legal arm ng PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), na isa siya sa mga pinuwersang magsulat ng straight TU sa mga balota.

Kung matatandaang inalok ni Maguindanao Gov. Datu Andal Ampatuan ang bawat alkalde ng P1-Milyon kung makakamit ang 12-0 pabor sa TU, marahil hindi na nakapagtataka ang ganitong balita. Pansamantalang itinigil ng Comelec ang bilangan ng mga boto mula sa nasabing probinsiya ha-bang iniim-bestigahan ang alegasyon ng pandaraya.

Tagumpay sa kabila ng....
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang GO na hindi mababago ang ihip ng hangin ng anumang huling-minutong maniobra ng administrasyong Arroyo. “Maaaring maapektuhan lamang ang ika-11 hanggang ika-12 puwesto,” ani Tamano.

Partikular na binabantayan ng GO ang boto ni Trillanes na maaari pang malaglag sa Magic 12 kung dadayain. Tinataguriang “boto ng sukdulang protesta” sa administrasyong Arroyo, ikinagulat ng marami ang magandang katayuan sa halalan ng nakakulong na rebeldeng sundalo na halos walang makinaryang pulitikal.

Ayon kay Sonny Rivera, tagapagsalita ni Trillanes, lihim na tinatrabaho pa rin ng Malakanyang ang pagpasok nina Zubiri at Pichay sa Magic 12 para malaglag sina Trillanes at Pimentel. Bahagi umano ito ng Oplan Mercury Rising o operasyong dagdag-bawas na ibinulgar ng mga dating heneral bago mag-halalan.

Hindi biro para sa GO na mapagtagumpayan ang halalang pang-senador. Nasa kanila man ang simpatiya ng bayan, nilabanan naman nila ang dambuhalang makinarya ng kasalukuyang administrasyon. Ang makinaryang ito, na may tendensiyang gumamit ng mga rekursong pampubliko, ang nagluklok naman sa mga kaalyado ni Pangulong Arroyo sa karamihan ng puwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Napahirapan nang husto ang ilang kandidato ng GO, lalo si Alan Peter. Nabigo itong tuluyang ipadiskuwalipika bago mag-Mayo 14 ang kanyang tokayo na si Joselito Cayetano (umano ng Kilusang Bagong Lipunan). Naglabas pa ang Department of Education ng memorandum na nagsasabing ikonsidera pa rin ang kandidatong hinihinalang pakawala ng Malakanyang.

Samantala, ayon sa Task Force Pollwatch, nabawasan ng 73% ang boto ni Legarda sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inireklamo rin ng GO ang umano’y dagdag-bawas, maliitan man o malakihan. Halimbawa, binawasan ng 6,000 boto sa Palawan at 8,000 boto sa Bulacan si Alan Peter. Sa Zambales, 100,000 boto ang ibinawas mula kina Escudero at Alan Peter, na idinagdag naman sa mga kandidato ng TU.

Senado ng oposisyon?
Kung sakaling makatuntong sa Senado ang inaasahang pito o walo mula sa oposisyon, tiyak na magbabago ang linyahan ng mayorya at minorya sa Senado.

Sa mga incumbent o nakaupong senador, tatlo na lamang ang mula sa minorya: sina Pimentel, Jinggoy Ejercito Estrada, at Jamby Madrigal. Nagtapos na ang termino nina Luisa Estrada at Sergio Osmeña III, habang si Alfredo Lim naman ay nahalal bilang alkalde ng Maynila. May siyam na senador sa mayorya: sina Juan Flavier, Pia Cayetano, Miriam Defensor-Santiago, Richard Gordon, Lito Lapid (natalo sa halalang pang-alkalde sa Makati), Ramon Magsaysay Jr., Ramon Revilla Jr., Mar Roxas, at Juan Ponce Enrile (kumalas sa oposisyon). Bagaman bahagi ng mayorya, oposisyon nang maituturing sina Franklin Drilon at Rodolfo Biazon simula nang kumalas sa administrasyon bunga ng iskandalong “Hello Garci.”

Kaya sa pagpasok ng kapwa mga bagong salta at balik-Senado, asahang kakapal ang hanay ng oposisyon, kabilang ang Pangulo ng Senado nitong ika-13 Kongreso na si Villar. Iilang senador na rin lamang ang maituturing na “sagad-sagaring maka-Arroyo” (pumoposisyon kontra-administrasyon sina Pia, Roxas, at Magsaysay).

Ngunit aminado ang GO na hindi ganap ang kanilang tagumpay dahil sa pamamayagpag naman ng mga kandidato ng administrasyon sa pagka-kongresista. Sa mahigit 200 puwesto sa Kamara, tinatayang 30 lamang ang mapupunta sa oposisyon. Kung kaya, pagbibida ng TU, malabo ang muling pagsusulong ng kasong impeachment laban kay Pangulong Arroyo. Gayunpaman, maaaring may iba pang manipestasyon ang ipinakitang sentimiyento ng mga mamamayan “laban sa nakaupo,” lalo pa’t marami na silang kakampi sa Senado.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006