| Sa Pilipinas, tatlong sanggol
ang ipinapanganak kada
minuto. Sa bawat 1,000 sanggol, 24 ang namamatay. Sa bawat 100,000 inang nagbubuntis, 162 ang binabawian ng buhay.
Sa kabila ng kahirapan at patuloy na paglaki ng bilang ng mga mamamayang mahirap sa ating bansa, tila isa namang kutya na ang pinakamaraming pamilya ay nasa mahihirap o depressed na lugar sa ating bansa. Ang mga pamilyang ito ang siya ring salat sa serbisyo at impormasyon kung paano mapipigil ang paglobo ng pamilya kahit sa natural na pamamaraan. Bakit nga ba mahalaga ang tamang bilang at pag-aagwat ng anak?
Mahalaga ang tamang pag-aagwat ng pag-aanak hindi lamang dahil sa benepisyong pangkalusugan o pisikal sa bawat babaing nagbubuntis dahil kaakibat nito at hindi maihihiwalay sa usaping ito ang isyung pang-ekonomiya, panglipunan at ilan pang usapin na may malaking epekto sa mahusay na pagtataguyod at pagpapalaki ng anak. Mahalagang matiyak na ang bawat sanggol na iluluwal ng kanilang ina ay hindi lamang dagdag sa istadistika ng lumalaking populasyon ng mundo – Sila ay ninais, pinaghandaan at may katiyakang mabibigyan ng kanilang mga magulang ng tama at sapat na pangangailangan upang maging mabuting kontribusyon sa pag-unlad ng lipunan.
Sa tuwing mapag-uusapan ang family planning, samu’t saring ideya ang pumapasok sa ating isipan. Maraming haka-haka o maling paniniwala ang tila ayaw humiwalay sa atin. Nariyan na kapag sinabing family planning, paggamit ng pills, IUD, condom at ilan pang artipisyal na pamamaraan ang tanging paraan upang makamit o maisakatuparan ito. Mayroon pang miskonsepsiyon na ang pagpaplano ng pamilya ay pagsusulong din ng aborsiyon, promiskuwalidad at iba pa. Isama pa ang kaisipang ang pagkontrol sa dami ng anak ay pangunguna sa takda ng Diyos, at samakatwid, ay sagka sa relihiyon at paniniwala.
Ibang usapin pa ang kalituhan maging sa tamang pamamaraan o proseso kahit ng mga natural na pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya tulad halimbawa ng sa Standard Days Method o SDM. Madalas maipagkaisa ang SDM sa Knaus-Ogino Method, Rhythm method, Billings Method, at ilan pang natural na pamamaraan na may iba’t ibang matrix o alituntunin ng paggamit.
Dahil sa ganitong mga miskonsepsiyon o maling kaisipan, nadadagdagan ang kalituhan at pag-aalinlangan ng mag-asawa upang maging desidido na planuhin ang kanilang pamilya. Bagaman nais nilang huwag maging tila hagdanan ang kanilang mga supling, tila hilaw naman sa impormasyon, tamang impormasyon maging sa natural at walang gastos na mga pamamamaraan. Buwan ng Natural na Pagpaplano ng Pamilya
Idineklara ng DOH (Department of Health) ang buwan ng Mayo bilang Natural Family Planning o NFP Month. Kada taon, tuwing Mayo, naglulunsad ang DOH sa tulong ng ilang institusyon kabilang na ang simbahan at iba’t ibang organisasyon na ng pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa pagpaplano ng pamilya sa natural na paraan sa mga komunidad.
Sa kalagayang mayorya ng populasyon ng Pilipinas ay mahirap, praktikal na maituro sa mga mamamayan ang natural na mga paraan ng pagpaplano ng pamilya. Praktikal dahil wala itong gastos, simple at walang kumplikasyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga pamamaraang ito ang SDM. Ang SDM ay isang simple at natural na pamamaraan dahil walang kailangang gastusin buwan-buwan. Hindi rin ito kumplikado kung pagsunod din lang sa proseso ang pag-uusapan. Ayon sa Institute for Reproductive Health-Philippines, isa sa maraming institusyong nagpapalaganap sa paggamit ng SDM, ito ay isang pamamaraang hindi lamang diumano basta sumulpot. Dumaan ito sa masusi at matagal na pag-aaral sa reproductive physiology ng isang babae. Sa layong makahanap ng paraan upang matulungan ang kababaihan sa buong mundo na makontrol ang kanilang pagdadalantao sa natural na paraan at nang walang interbensiyon ng anumang kemikal o gamot.
Ang isang ordinaryong babae ay mayroong menstrual cycle na 26-32 araw. Sa pagitan ng mga araw na ito, natantong sa ika-8 hanggang ika-walo na araw ng kanyang siklo, mataas ang porsiyento ng posibilidad ng pagbubuntis kung makikipagtalik dahil dito nagaganap ang ovulation period.
Masasabing may siyentipikong batayan ang SDM at hindi maaaring basta isantabi ang kredibilidad nito kung sa usapin ng pagiging epektibo. Dangan nga lamang, ito ay angkop lamang para sa mga babaing regular na nireregla o buwan-buwang nagkakaroon ng regla.
Kung mahigpit na susundan ang SDM, ito ay 95.5% epektibo para sa mga nanay na nagpaplanong huwag mabuntis sa pinakanatural, pinaka-simple at praktikal na pamamaraan. (Sa susunod : “Ang Proseso ng SDM sa tulong ni Tatay”) balik sa itaas
|