| Ang nakataya sa halalang Mayo 14 Hindi kailangang
political scientist pa ang
magsabi na sinisimbolo ng halalang midterm – para sa 12 senador, 275 kongresista at sandamukal na opisyal ng lokal na pamahalaan – kung ano ang bulok at di-demokratiko sa ating sistemang elektoral. Kabi-kabila ang senyales at sintomas ng naghihingalong tradisyunal na kaayusang pampulitika; nagbabantang manalanta ang di-maiwasang mga kombulsiyon ng pag-aagaw-buhay, bago makapalit ang bago at tunay na demokratikong alternatiba.
Simula nang lumaya sa direktang paghaharing kolonyal ng US noong 1946, itinanghal ang pana-panahong eleksiyon sa bansa bilang natatangi at pinakamalinaw na patunay na buhay at gumagana ang demokrasyang representatibo: Kapag oras na, makakapili ang mga mamamayan ng kanilang mga pinuno – nang matalino o tatanga-tanga, para sa mabuti o masama. Nariyan ang pagpapalagay na ang balota ay sagrado – kakabit ang isang tanggap na pangkalahatang antas ng dayaan at karahasan tuwing may botohan sa bansang ito.
Sa pagdaan ng panahon, naging malinaw na limitado ang mapagpipilian ng mga botante dahil ang mga kumakandidato o ang maykayang maglunsad ng seryosong kampanya para manalo ay pawang mga miyembro ng dati nang elite o ang kanilang napiling mga partidong pampulitika at angkan. Paano, sila lang ang may natural na bentahe ng salapi, private army, katayuang panlipunan at laging paglabas sa midya – lalo na kung nagkataong sila ay mga opisyal ng gobyerno. Maging ang sinasabing di-tradisyunal na mga pulitiko o pumupusturang “makamasa” ay mga miyembro rin o tau-tauhan ng dominanteng mga uri sa lipunan.
Huwag nating kalimutan ang subok nang karunungang pampulitika, ayon mismo sa dating Presidente Diosdado Macapagal, na walang seryosong pulitikong nag-aambisyon sa mahahalagang posisyong pambansa tulad ng pagkapangulo, ang uubra kung hindi babasbasan ng dating mananakop, na siya pa ring pinakamaimpluwensiya sa ekonomiya at pulitika, ang US of A.
At ngayon, naganap ang eleksiyon sa gitna ng nabubulok na krisis ng lumang kaayusan. Ang mas matinding karahasan, ang desperasyon at lansakang pambabalewala, kahit sa pakitang-taong prinsipyo at pagiging matuwid, ay nakalulungkot na patunay nito. Pinakamahalaga, ang eleksiyon ay naganap sa gitna ng di-resolbadong krisis ng nahihiwalay na administrasyong Macapagal-Arroyo. Tinutugis ito ng mga kuwestiyon ng pagiging lehitimo; di-mapigil na extrajudicial na pamamaslang at iba pang masahol na paglabag sa karapatang pantao; mga patakarang pang-ekonomiyang pinupuri ng IMF-World Bank, pero masama para sa mayorya ng mga mamamayang gutom at lalong naghihirap.
Sa kagyat, taya ang buhay at hinaharap ng rehimen matapos ang termino nito sa 2010. Hindi kataka-takang itinodo ng Malakanyang ang ilegal na paggamit sa pera at rekurso ng gobyerno, minanduhan ang militar at pulisya, at kinasangkapan ang Comelec, DOJ, DILG, Office of the Ombudsman at iba pa sa bulag na kampanyang sagasaan ang mga kaaway sa pulitika ngayong halalan. Taya para sa US ang buhay ng pinapaboran nitong paksiyon ng naghaharing elite, na napatunayan nang pinakatuta bagaman hindi epektibo sa pagpapakalma sa pagkabalisa ng lipunan at pampulitikang pagtutol. Pero dahil mismo ngang pananatili sa puwesto ang inilalaban nito, ang rehimeng Arroyo ay laang gumawa ng kahit ano para sa dayuhang mga amo.
Taya para sa buong naghaharing elite at dayuhang mga interes ang pagpapanatili sa sistemang pang-ekonomiya at pampulitika, kung saan ang eleksiyon ay bahagi lamang, ngunit pinakakritikal, sa pagbibigay ng ilusyon ng “demokrasya.” Kaya ang kredibilidad ng eleksiyon bilang demokratikong aktibidad ay dapat maitaguyod anuman ang mangyari. Kaya nagsisikap ang reaksiyunaryo at konserbatibong mga puwersa na pagmukhain itong patas at malaya.
Paano naman marapat na sinipat ng malawak na mayorya ng mga Pilipino ang taya nila sa eleksiyong palabas ngayong taon?
Sa kabila ng likas na limitasyon ng eleksiyon sa isang sistemang pampulitikang dominado ng elite at mga dayuhan, ang katotohanan na ang sistemang iyon ay nasa di-maampat at papalalang krisis ay kakatwang nagbigay ng mga pagkakataon sa tunay at demokratikong kilusang masa para kunin nito ang inisyatiba, palakasin at palawakin ang totoong “people power.”
Ang mga kababayan natin ay tumpak na pinakilos para iboto ang mga kandidatong napatunayan nang kampeon ng batayang mga interes ng mga mamamayan; tumpak na iminulat, inorganisa at pinakilos laban sa pandaraya at karahasan ng estado.
Pinakamahalaga, tumpak na pinaghanda ang mga mamamayan sa paglaban sa desperado at brutal na gagawin ng rehimeng Arroyo na patindihin ang pampulitikang panunupil pagkatapos ng eleksiyon, habang ang paghawak nito sa kapangyarihan ay patuloy na humihina at ang kilusan sa pagpapatalsik dito ay muling nagtitipon ng sorpresang momentum.
Nirebisa at pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 11-12 Mayo 2007.
nauna | balik
sa itaas | sunod |