Taon 6 • Blg 18 • Mayo 18, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 9, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT / KOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Lumabis na parusa

Hindi lahat ng paglabag ng manggagawa sa alituntunin ng kompanya ay may kaparusahang pagkatanggal sa trabaho. Ang parusa sa isang manggagawa ay dapat akma sa kasalanang kanyang nagawa. Kapag lumabis ang parusang ipinataw sa kanya ng kompanya, hindi mag-aatubili ang husgado para itama ito.

Ginamit ng Korte Suprema ang patakarang ito sa kasong “Supreme Steel Pipe Corporation vs. Rogelio Bardaje”, (G.R. No. 170811, Abril 24, 2007). Sa nasabing kaso, nagtatrabaho bilang bodegero sa kompanya itong si Rogelio. Batay sa alituntuning ibinaba ng kompanya, ang lahat ng bodegero ay dapat naka-uniporme habang nagtatrabaho. Pero upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa init at alikabok, nakaugalian na ng mga manggagawa na magsuot ng isang damit pa sa ibabaw ng kanilang uniporme.

Isang umaga, nag-report sa trabaho itong si Rogelio. Tulad ng nakagawian, suot niya sa ibabaw ng kanyang uniporme ang isang mahabang t-shirt. Bigla na lamang aroganteng sinigawan ng security guard si Rogelio. Gusto ng guwardiyang hubarin ni Rogelio ang suot nitong t-shirt at ibigay sa guwardiya. Nainsulto si Rogelio dahil sa dami nilang nakasuot ng ganu’n, siya lamang ang sinigawan ng guwardiya. Sinagot niya ito ng “Ano ba ang gusto mo, hubarin ko o magsuntukan na lang tayo sa labas?” Nagpalitan sila ng masasakit na salita pero naawat din ang kanilang pag-aaway.

Kinabukasan, nakatanggap ng memorandum galing sa kompanya si Rogelio. Hiningan siya ng paliwanag sa ginawa niyang pang-aaway, pananakot, at panggugulo sa kapwa-empleyado. Pinatawan din siya ng 30 araw na preventive suspension.

Nagbigay ng paliwanag si Rogelio pero hindi ito pinaniwalaan ng kompanya. Tuluyan siyang tinanggal nito sa kanyang trabaho. Agad namang nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya si Rogelio.

Iniutos ng Labor Arbiter ang pagbalik kay Rogelio sa kanyang trabaho. Sabi ng Labor Arbiter na ang tamang parusa kay Rogelio sa kanyang ginawang paghamon sa security guard ay tatlong buwang suspensiyon lamang. Hindi siya dapat tanggalin sa trabaho dahil kung titingnan, ang guwardiya naman ang nagsimula ng kaguluhan. Dapat din siyang bayaran ng backwages matapos ikaltas dito ang tatlong buwan niyang suspensiyon bilang parusa.

Inapela ng kompanya ang desisyon at binaliktad naman ito ng National Labor Relations Commission (NLRC). Ayon sa NLRC, mas naniniwala ito sa deklarasyon ng guwardiya na desidido talagang lumaban si Rogelio nang sitahin dahil sa hindi tamang pagsuot ng uniporme. Isa pa, may mga dati nang rekord kung saan nakaaway ni Rogelio ang ibang mga empleyado. Dahil dito, tama lamang ang ginawang pagtanggal kay Rogelio ng kompanya upang pangalagaan ang seguridad ng kompanya at ng iba pang empleyado nito, sabi ng NLRC.

Si Rogelio naman ang nag-akyat ng kaso sa Court of Appeals. Nakumbinsi naman ang Court of Appeals na sobra nga ang ibinigay na parusa ng kompanya kay Rogelio. Kaya nagpasya ang Court of Appeals na ibalik ang dating desisyon ng Labor Arbiter.

Bilang huling hirit, dinala ng kompanya sa Korte Suprema ang kaso. Sa naging hatol ng pinakamataas na hukuman, sinabi nitong tama ang Labor Arbiter at ang Court of Appeals sa kanilang desisyon.

Hindi lahat ng pag-aaway sa loob ng kompanya ay dapat parusahan ng pagkatanggal sa trabaho, sabi ng Korte Suprema. Bagama’t may kasalanan din si Rogelio sa ginawa niyang paghahamon, walang indikasyon na ang pangyayari ay nakasira sa negosyo ng kompanya. Wala ring patunay na nalagay sa panganib ang kompanya o ang mga empleyado nito. Sa katunayan, hanggang palitan lamang ng salita si Rogelio at ang guwardiya at naawat ang kanilang pag-aaway. Malakas din ang ebidensiyang ang guwardiya ang nagsimula ng gulo dahil sa arogante nitong pagsigaw kay Rogelio.

Dahil dito, masyadong mabigat ang parusang iginawad kompanya kay Rogelio. Bagama’t may sinasabi ang kompanyang dating mga pang-aaway nitong si Rogelio, pinatawad na ng kompanya ang nasabing mga pangyayari, ayon sa rekord. Hindi ito dapat ibilang sa mga kaso nitong si Rogelio, paliwanag ng Korte Suprema.

Ang termination o dismissal sa trabaho ay ang pinakamataas na parusa na maaaring igawad sa kasalanan ng isang manggagawa, sabi pa ng Korte Suprema. Kung may mas mababang parusang aakma sa kanyang kasalanan, ang parusang ito ang dapat ipatupad. Isipin natin na hindi lamang ang manggagawa ang magugutom sa kanyang pagkatanggal sa trabaho. Ang kanyang pamilya ay magugutom din. Ito ang dahilan kung bakit dapat tiyakin na ang parusa na ipapataw sa isang manggagawa ay ang sapat na parusa lamang at hindi maaaring lumabis dito.

Inutusan ng Korte Suprema ang kompanya na ibalik sa trabaho at bayaran ng kanyang backwages si Rogelio.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006