Taon 6 • Blg 18 • Mayo 18, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 9, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT / KOMENTARYO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Pambansang Sarsuwela

BAGAMAN wala pang malinaw na resulta ang bilangan ng mga boto, maituturing nang ibinaba na ang telon sa katatapos na isa na namang pambansang sarsuwela ng mga payaso’t sirkerong pulitiko. Tuwing eleksiyon, gaya lamang ng pagmumumog at paghihilamos kung umaga ang umiral na mga pangyayari at, sa maikling salita, hindi nabago kahit katiting ang takbo ng pulitika at halalan sa bansa.

Sa kabila ng pakitang-tao o kunwa-kunwariang panawagan ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo para sa isang malinis, maayos at mapayapang eleksiyon, hindi naman ito nagpakita man lamang ng kongkretong mga halimbawa upang linisin at isaayos ang lahat tungo sa katuparan ng naturang panawagan. Sa halip, naging pasimuno pa ito ng maruming taktikang pampulitika tulad na lamang, halimbawa, ng garapal na panggigipit at paninikil sa mga kalaban sa pulitika sukdulan mang baluktutin ang mga batas at demokratikong mga proseso.

Sapagkat hindi nito hinalinhan, kundi ginantimpalaan pa, ang mga nasangkot na opisyal ng militar at Comelec (Commission on Elections) sa walang pakundangang dayaan sa halalan noong 2004, batay sa nabulgar na Hello Garci na nagwasak sa kredibilidad hindi lamang ni La Gloria kundi ng buong rehimen, natural lamang na paniwalaan nilang tama ang pandaraya at anumang ilegal na mga hakbang maisulong lamang ang makasariling mga interes pampulitika ng kinauukulang mga diyus-diyosan ngayon sa lipunan.

Ang resulta tuloy, tulad na inasahan na ng malawak na sektor ng sambayanan bago pa man binuksan ang telon ng pambansang sarsuwela, lumaganap nga ang karahasan sa katatapos na eleksiyon at, katunayan, 116 ang napatalang napatay bukod sa mga nasugatan na tiyak na madaragdagan pa hanggang hindi natatapos ang bilangan ng mga boto. Sa pamamagitan ng iba’t ibang disimuladong pamamaraan, umiral din ang panunuhol at bilihan ng mga boto sa maraming lugar; pinakamaganda na ngang halimbawa ang alok ni Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan na P10,000 “gantimpala” sa bawat kapitan de barangay sa Iloilo na maipapanalo sa kanilang lugar ang lahat ng kandidato ng Team Unity sa pagka-senador.

Ilang buwan pa bago mag-eleksiyon, nagsimula na nga ang mga hokus-pokus. Dumaming bigla ang mga botante sa balwarte ng administrasyon at nabawasan naman sa teritoryo ng oposisyon. Marami ring mga botante – na kilala marahil na kontra sa mga basalyos ni La Gloria – ang nawala ang mga pangalan sa opisyal na talaan ng mga magsisiboto o kaya’y hindi na makita kung saang presinto maaaring bumoto. Nariyan din ang pag-iimprenta ng labis-labis na opisyal na mga balota na maaaring sulatan agad ng pangalan ng kinauukulang kandidato at ihulog agad sa opisyal namang urna. Hindi na nga ito nakagugulat na mga pangyayari, kundi kalakaran na sa bawat halalan sa bansa – lokal man o nasyonal.

Iba’t ibang pandaraya nga ang umiral sa kabila ng pagiging militante ng binuong mga grupo upang bantayan at pangalagaan ang kasagraduhan ng halalan. Sa ilang lugar na lamang sa Mindanaw, napaulat – ayon kay Hadj Abdullah Dalidig, tagapangulo sa Lanao del Sur ng NAMFREL (National Movement for Free Elections) – na tapos na ang eleksiyon kahit hindi pa binubuksan ang mga presinto o hindi pa naihuhulog sa urna ang unang balota na, natural, panalo (12-0) ang mga kandidato ng Team Unity ng Malakanyang.

Batay nga sa obserbasyon ni Mossarat Qadeem, isang Pakistani na nagpunta rito para magmasid sa takbo ng eleksiyon sa bansa, lalo na sa Mindanaw na may 10.6 milyong rehistradong mga botante, tapos na ang eleksiyon doon kahit hindi pa sinisimulan noon. Sabi niya, ilang araw bago maghalalan: “Tapos na ang lahat. Naihanda na ang tanghalan para sa isang minaniobrang eleksiyon.”

Dahil sa mga nabanggit, malinaw tuloy na masasalamin ang nakasusukang uri ng pulitika’t eleksiyon sa bansa na patuloy na pinaghaharian ng kultura ng pandaraya’t karahasan at pakapalan ng mukha ng mga kinauukulan makapanatili lamang sila sa kapangyarihan nang, sa gayon, patuloy namang makapaglublob sa grasya’t pribilehiyong mula sa pawis at dugo ng pinagsasamantalahang busabos na sambayanan.

Sapagkat hindi pa tapos ang bilangan ng mga boto, lalo na sa pagka-senador, tuloy pa rin ang hokus-pokus ng mga salamangkero at, tiyak, hindi mawawala ang mga paratang na minaniobra nila ang mga resulta sa pamamagitan ng palsipikadong mga dokumento sa eleksiyon o kaya’y sa pamamagitan ng napabantog nang operasyong dagdag-bawas. Kung ganito nang kakapal ang mukha’t konsensiya ng mga kinauukulan, paano pa nga ba matapat naman nilang paglilingkuran ang interes ng dayukdok na mga mamamayan at, higit sa lahat, ang pambansang kapakanan?

Dahil lumilitaw na lagi’t laging sarsuwela lamang o moro-moro ang bawat eleksiyon sa bansa, at hindi naman sumasalamin sa tunay na damdamin at kagustuhan ng sambayanan, hindi tuloy katakatakang lumaganap ang kawalang-tiwala ng maraming namumulat na mamamayan sa gayong prosesong dapat sana’y sagrado tungo sa makabuluhang pambansang pagbabago. O, kung malaon – at mahirap nang iwasan – mauwi tuloy ang lahat sa isang paghihimagsik na panlipunan?

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006