Taon 6 • Blg 17 • Mayo 9, 2007

Editoryal at Opinyon, Mayo 1, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG LANSANGAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Eleksiyon at ang higit sa ‘karaniwang pulitiko’

Aaminin kong isinusulat ko ito sa panahong hindi pa ako sigurado kung sino ang mga iboboto ko sa Mayo 14. Gusto ko sanang ibahagi sa iyo ang listahan ng 12 iboboto kong kandidato para senador, pero wala pa sa kalahati ang napipili ko. At kahit sa apat o limang pinag-iisipan kong iboto, hindi pa rin ako sigurado kung sila nga ba talaga ang karapat-dapat ng botong ayokong masayang.

Malamang na ganito rin ang nararamdaman mo sa iyong pag-iisip kung kaninong pangalan ba ang dapat isulat sa balota. Hindi naman masyadong mataas ang ating pamantayan, at lalong hindi tayo naghahanap ng “perpektong kandidato.”

Kung ako ang tatanungin, simple lang naman ang hinahanap ko. Madaling sabihin ng mga kandidato para senador na ang puso nila ay nasa mahihirap. Pero pagdating sa mga partikular na isyung kinakaharap ng mahihirap, doon makikita kung totoo ba sila sa kanilang sinasabi. Sino ba sa mga kandidato para senador ang handang ipagtanggol ang mga manggagawa, magsasaka at katutubo at iba pang apektadong sektor sa matinding hagupit ng mga globalistang patakaran? Ilan ba sa mga kandidato ang tunay na nakakaintindi ng araw-araw na hirap na dinaranas ng mahihirap na siyang dahilan ng patuloy na kilos-protesta?

Bagama’t may mga kandidatong nagsasabing galing sila sa hirap, hindi ito nangangahulugang mas nakakaalam sila. Ang pag-angat kasi sa pinansiyal na katayuan ng isang tao ay nagreresulta sa pagbabago ng panlipunang uring kinabibilangan. Para sa isang karaniwang pulitiko, may tendensiya siyang protektahan ang pansariling interes para manatili sa kapangyarihan. Hindi man malinaw sa kanya ang konsepto ng tunggalian ng mahihirap at mayayaman, ang kanyang personal na adyenda ay umaakma rin sa interes ng kanyang kinabibilangang uri.

Halimbawa, ang anumang kahilingang itaas ang sahod ng mga manggagawa ay madalas na tinututulan dahil apektado ang tubo ng negosyong hindi man direktang pag-aari ng pulitiko ay pag-aari naman ng mga taong sumuporta sa kanyang kandidatura at patuloy na binabawi ang kanilang ginastos sa napakaraming paraan.

Kung magpapatupad naman ng repormang agraryo na magreresulta sa pamimigay ng lupa sa mga magsasaka, malamang na susuporta lang ang ating karaniwang pulitiko kung ang kanyang sariling lupain ay hindi masasaklaw ng programang ito. Nagiging mapanlikha siya para maiwasan ang pagkuha ng kanyang malalawak na lupain at mapanatili ang kontrol sa mga magsasaka. Nariyan ang mga polisiyang stock distribution option, contract growing, land conversion, crop conversion at marami pang iba.

Ang paggalang naman sa ancestral domain ng mga katutubo ay maaaring ikagalit ng malalaking kompanyang nagmimina o nagtotroso. Kaya kaninong interes ang malamang na itataguyod ng mga kandidatong mananalo? Alam nating para sa isang karaniwang pulitiko, higit na mahalaga ang suporta ng mga may pera kaysa sa masa na sa tingin nila ay madali namang mabili ang boto.

Kaya nga sa panahon ng eleksiyon, wala tayong ilusyong makakakita ng isang “perpektong kandidato.” Ang hinahanap natin ay ang “higit sa karaniwang pulitiko” – bagama’t nabibilang sa mataas na panlipunang uri ay handa pa ring ipagtanggol ang karapatan ng mahihirap, kahit paminsan-minsan lang.

Gusto kong isiping makakahanap tayong lahat ng ganitong klaseng kandidatong medyo matino sa karaniwan na karapat-dapat ng ating boto. At kung sakaling manalo sila, maging bukas tayo sa posibilidad na sa hinaharap, kokondenahin din natin ang mga desisyon nilang kontra sa interes ng mahihirap.

Aasahan natin ang sitwasyon ng pagtuligsa sa dati nating sinuportahan, dahil ito ang tawag ng panahon at ang karamihan ng mga mamamayan ay nabibilang sa uring hindi kinabibilangan ng mga nasa kapangyarihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006