Abuso sa dating Pinoy Olympian, abuso sa kababaihan sa isports
Priscilla Pamintuan
ISANG nakakatakot na eksena ang
ikinuwento ni Beth Celis, kolumnista sa Philippine Daily Inquirer, kamakailan. Katakut-takot na harassment ang natanggap ni Susan Papa, 53 taong gulang na dating swimmer ng bansa para sa Olympics, mula sa mga pulis at lokal na opisyal ng Muntinlupa. Kahina-hinalang natanggap niya ito matapos ireklamo ang ingay na nililikha ng isang talyer sa karatig-bahay. Lumalabas na malakas ang may-ari ng talyer sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa.
Noong Pebrero inireklamo ni Papa ang kapitbahay sa lokal na pamahalaan. Ayon kay Papa, sa halip na tugunan ang kanyang reklamo ay “hinanapan ako ng kung anu-anong butas.” Una nang inireklamo ang “ilegal” na nakaparadang dalawang sasakyan sa harap ng kanyang bahay. Kahit na wala namang dumadaang sasakyan sa kalsadang iyon.
Matapos ang isang buwan, tinangka ng mga pulis na kumpiskahin ang dalawang sasakyan. Nang magprotesta si Papa, pinuwersa siya sa isang kotse ng pulis, at pinuwersa diumano na itaas ang kanyang blusa at ibaba ang pantalon. Sinakal siya hanggang sa halos mawalan ng malay. Nakasabit ang kanyang isang binti sa labas ng kotse habang ipinapatakbo ito. Sa presinto, kinasuhan pa siya.
Kamakailan, pinasok din ang kanyang residensiya ng mga pulis, bombero, miyembro ng Swat at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan. Tinangkang idemolis ang maliit na bakod na itinayo sa loob ng kanyang pag-aaring lupa.
Nakakagulat ang karanasang ito ni Papa, hindi lamang dahil dati siyang kapita-pitaganang atletang kumatawan sa bansa, at 53 taong gulang pa siya, kundi dahil lumalabas na ginagawa sa kanya ito dahil sa pagrereklamo niya sa isang maingay na kapitbahay.
Kung totoo, ipinapakita lamang nito na napakabulok pa rin ng sistema ng pamamahala sa bansa. Kung sino ang nagreklamo, siya naman ang nanganganib. Isipin na lamang ang sanlaksang testigo sa iba’t ibang anomalya sa loob ng pamahalaan – sila pa ngayon ang nanganganib.
Gayunman, hindi na tayo nagtataka sa lumalabas na seksuwal na pang-aabuso ng mga pulis kay Papa, nang tinangka siyang arestuhin ng mga ito. Maraming beses na natin itong nasaksihan – sa mga rali, halimbawa, kung saan inaaresto ang mga babaing demonstrador. Madalas na inirereklamo ng mga babaing ito ang panghihipo o pagmolestiya sa kanila ng ilang manyak na pulis. ***
Samantala, hindi rin naman nawawala ang pang-aabusong seksuwal sa isports. Katunayan, dahil marahil sa namamayaning kultura ng machismo (o ang pagpapahalaga sa pisikal na kakayahan at superyoridad ng lalaki, higit sa ibang katangian) sa isports, madalas na nagiging pagkakataon ang mga treyning, aktuwal na torneo o mga sesyon sa locker rooms para maganap ang seksuwal na pang-aabuso.
Mas madalas na nagaganap ito sa pagitan ng isang taong nasa posisyon ng kapangyarihan (coach, halimbawa) at manlalaro o atleta. Bagaman wala pang malaking isyung ganito sa Pilipinas, masisiguro nating nararanasan ito dito. Laluna ng mga atleta o manlalaro sa mga eskuwela, kung saan napakalaki ang pagsandig ng manlalarong bata sa kanyang coach, at napakarami ang pagkakataon para maabuso ang batang manlalaro.
Marami nang naitalang kaso nito ito sa US. Kamakailan lamang, haimbawa, inireklamo ng iba’t ibang batch ng mga manlalaro ng putbol sa University of North Carolina ang isang premyadong coach ng women’s soccer na nanghaharas sa kanyang mga manlalaro. Mula noong dekada ’90 hanggang sa kasalukuyan, nangharas diumano si Anson Dorrance, ang pinakapremyadong coach ng women’s soccer sa US, sa kanyang mga manlalaro sa pamamagitan ng madalas na pagtatanong sa mga ito sa kanilang sex life, pagbibitiw ng mga bastos na biro at berbal na abuso sa babae.
Bagaman ibinasura ng isang hukom ng District Court, muling binuhay ng mas nakatataas na US Circuit Court of Appeals sa Richmond, Virginia ang kaso.
Maging sa propesyunal na isports, naitatala rin ang kaso ng panghaharas at pang-aabuso sa kababaihan ng mga atleta. Nariyan na siyempre ang tila paulit-ulit na reklamo ng panggagahasa at pang-aabuso ng boksingerong si Mike Tyson. Nariyan din ang reklamo ng panggagahasa laban kay Kobe Bryant, gayundin ang kasong sexual harassment laban kay Isiah Thomas, bise-presidente ng New York Knicks at dating premyadong manlalaro sa National Basketball Association. ***
Ayon sa National Federation of State High School Associations sa US, may dalawang uri o kategorya ng panghaharas na madalas na nagaganap sa mga eskuwela sa konteksto ng isports. Una ang tinatawag na quid pro quo harassment. Ibig sabihin nito ang di-ginustong seksuwal na hakbang ng isang nakatataas sa kapangyarihan na tao (halimbawa, coach) sa kanyang manlalaro, na may kaakibat na pangakong promosyon o pagpasok sa team, kung papayag sa seks o seksuwal na gawain at di irereport sa iba.
Pangalawa rito ang hostile environment, o ang pagkakaroon ng di-magandang kapaligiran o kalagayan para sa isang manlalaro dahil sa lantaran at di nasasaway na seksuwal na panukala, biro o komento ng mga kapwa manlalaro o iba pang opisyal sa isports.
Sa ating bansa, mayroong Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na nagsusumikap na sugpuin ang ganitong kultura. May mga ahensiya ng gobyerno na maaaring pagsumbungan. Pero kung papalya ang mga mekanismong ito, mayroon ding mga grupong tulad ng Gabriela na maaaring lapitan.
balik
sa itaas |